Wattpad Original
Ito na ang huling libreng parte

Tale 🔸 8

19.3K 1.3K 342
                                    

Alessia's POV

NAPATAAS na lamang ang tingin ko nang biglang naghubad si Elijah at Stefano ng kanilang mga kasuotan. Na-eskandalo naman ang buo kong pagkatao nang makita ko na panloob na lang ang natirang saplot sa kanilang katawan. Kakaibang panloob, pero wala na akong balak kilalanin ang panloob nila.

Pero biglang naalala ko naman ang sarili ko na lalaki pala ako sa paningin nila kaya pinilit ko ang sarili kong huwag maalarma at magpanggap na wala lang sa akin ang nakikita ko.

"Ales, bantayan mo ang mga damit namin, baka tangayin ng tubig!" sigaw ni Stefano sa akin.

"O-oo," nautal ko naman sagot dahil gulat pa rin ako. Kitang-kita ko ang maskulado nilang katawan. They look like models from Calvin Klein. Their muscles flexed with every move, proud and strong.

Why am I even thinking about their muscles? Ano ba ang pakialam ko sa katawan nila? Halos sampalin ko naman ang sarili ko at napagtanto ko na sumulong na pala silang dalawa sa tubig.

Tumayo na lang ako at sumunod naman sa akin si Sushi na iika-ika, pero kumakawag naman ang buntot nito. Umupo ako banda sa pinaglagyan nila ng tinupi nilang damit. Parang gusto ko rin tuloy na maligo pero malalaman naman nila ang sekreto ko kung gagawin ko iyon.

Naghintay na lamang ako sa kanila. Nakikita ko naman silang umaahon pero agad din naman bumabalik sa ilalim. Parang humihinga lang sila at balik ulit.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakaupo at nilalaro na rin ako ni Sushi. Normal na tuta lang talaga ang kanyang mga galaw at walang kakaiba.

Napalingon na lamang ako nang umahon na si Stefano dala ang isang malaking isda na hindi ko kilala ang pangalan.

Sumunod naman si Elijah na umahon. Para itong diyos na kagagaling lang sa pagligo na umahon, bitbit ang isang malaking isda.

Napaiwas ang aking tingin mula sa kanya dahil baka mahuli niya akong tinitingnan siya. Itinuon ko na lang ang pansin ko kay Sushi na ngayon ay kumakawag ang buntot ng makita si Stefano at Elijah na may dalang isda.

"Arf! Arf!" batang tahol niya at napangiti ako.

"Gutom na ang alaga mo. May pangalan na ba iyan?" tanong ni Stefano.

Muntikan ko pang taasan ng kilay ito dahil sa pagbabago ng ugali nito kay Sushi. Kung kanina lang ay gusto nitong patayin ito, ngayon naman ay nagtatanong na kung ano ang pangalan.

Pero ayaw ko namang maging suplada sa kanya. Dapat kong alalahanin na sentinels ang mga kasama ko at dapat ko silang igalang, lalo na kung wala naman silang ginagawang masama.

"Sushi," sagot ko sa kanya.

Kumunot naman ang noo ni Stefano. "Bakit Sushi? Bakit pagkain?" Namutawi ang pagkatuwa sa mga mata nito.

Nailang naman ako dahil sa reaksyon nito. "W-wala akong ibang maisip na maganda," naging sagot ko na lang at iniwas ko ang tingin sa kanila.

"Lutuin mo ito. Maliligo lang ako," utos naman ni Elijah rito. "Ales, hindi ka ba maliligo?" tanong nito sa akin.

Mabilis akong bumaling sa kanya at umiling. "Hindi na lang. Ayos pa ako." Kahit ang totoo ay gusto ko na talagang maligo pero hindi naman pwede dahil makikita nila ako.

"Totoy, 'wag ka nang mahiya, sensitibo pa naman sa amoy si Elijah. Ayaw niya ng amoy araw na totoy," natatawang saad ni Stefano at tsaka kumuha na ito ng mga tuyong kahoy na nakakalat lang din sa paligid.

"O-okay lang ako...hindi pa naman ako mabaho," sagot ko na lang. Maliligo na lang ako kung may pagkakataon.

"Nahiya ka pa sa amin, pareho naman tayong mga lalaki," napapailing na saad ni Stefano.

"H-hindi naman ako nahihiya. Ayaw ko lang talagang maligo ngayon," sagot ko sa kanya at ibinaling ko na ang pansin ko kay Sushi. Ang kulit naman ng lalaking ito.

"Ikaw bahala," tugon na lamang nito.

Dinig ko naman ang tunog ng tubig na tumilamsik, simbolo na tumalon ulit si Elijah pabalik sa tubig para maligo. Ayaw ko siyang panoorin kaya nakipaglaro ako kay Sushi na napapalingon din kay Stefano dahil sa isdang niluluto.

Tumahol ito kay Stefano na tila gustong nakipaglaro, pero hindi naman ito lumalapit. Dalawang malalaking isda ang niluluto ni Stefano na sa palagay ko ay sobra-sobra sa aming tatlo.

Pagkatapos kong makipaglaro ay naglakad-lakad naman ako sa gilid ng batis at nakasunod naman si Sushi sa akin. Ayaw niyang humiwalay. Sa paglalakad ko ay may nakita naman akong mga halamang gamot kaya madali ko itong nilapitan at kumuha ako ng mga iyon. Inilagay ko sa isang malaking dahon dahil iniwan ko ang aking box doon sa pwesto namin.

Bumalik naman ako nang marami na ang nakuha ko, at nakita ko naman na bihis na si Elijah at basang-basa ang buhok nito.

Tiningnan lang ako nito at kung ano ang nasa kamay ko at hindi na nagsalita. Siguro alam na nito na halamang gamot ang dala ko kaya hindi na kinailangan nito na magtanong.

Agad na nilagay ko ang mga iyon sa box. Inilagay ko ito sa ilalim para nasa ibabaw yung mga luma. Agad ko namang isinarado iyon at lumapit na ako sa kanila. Hindi na sila nakakailang ngayon dahil parehong may damit na sila.

"Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ni Lady Roselle," untag ni Stefano kay Elijah.

Kumunot naman ang noo ko dahil sa pangalan na binanggit niya. Hindi nagsalita si Elijah, sumimangot ito na ikinatawa naman ni Stefano at dumako ang tingin sa akin.

"Kilala mo si Lady Roselle?" tanong niya sa akin.

Mabilis akong umiling. Wala akong kilala dito sa mundong ito, pero kapangalan ito ng nakakatanda kong kapatid.

"Sino ba siya?" tanong ko sa kanya.

Ngumisi naman si Stefano. "Ang babaeng nakatakda na maging kabiyak sa hari ng Valeria," sagot niya sa akin.

Nanlaki naman ang aking mga mata. Mukhang ito 'yung narinig ko na pinag-usapan nila sa bahay ng mga kapwa babae.

"Siya iyon? Hindi ko alam na Roselle ang pangalan niya, pero balita na sa buong bayan ng Samona na natagpuan na ulit ang nakatakda para sa hari," tugon ko naman sa kanya. Naging interesado ako bigla kahit hindi naman dapat. Wala namang reaksyon si Elijah, o mas tamang umaakto itong walang naririnig.

"Hindi naman sikreto iyon pero, oo. Alam na ng buong Wysteria. Mabuti na lang at natagpuan namin siya noong nakaraan sa baybayin ng Caracass," sagot nito sa akin na mas lumalim ang interes ko.

"Sa baybayin?" Bakit parang biglang kinabahan ako nang marining ko salitang baybayin?

"Oo, natagpuan namin na walang malay sa baybayin. Noon magising siya, galit na galit siya at nagwawala—akala ko nasiraan ng bait, pero nang makita niya ang hari, kumalma kaagad," natatawang kwento ni Stefano sabay tapon ng tingin kay Elijah na ngayon ay tinitingnan siya ng masama. "Pero ayaw ng hari sa kanya."

Hindi na iyon pumasok sa isipan ko. Ngayon, ang iniisip ko ay ang posibilidad na si ate ang nakuha nila! Natagpuan ito sa baybayin ng Caracass. Nagkahiwalay kami ni ate at malaking posibilidad na doon siya inanod.

Kung si ate nga ang napulot nila, paanong siya ang nakatakdang maging asawa ng hari? Tao si ate at hindi imortal, kaya imposible iyon. Nagdadalawang isip ako kung papaniwalain ko ba ang sarili ko o hindi.

"Ah, mabuti na rin iyon," naging tugon ko. Hindi ko alam kung bakit mukhang galit si Elijah at tila hindi nito gusto ang pinag-uusapan namin, siguro ganito lang talaga siya.

"Mabuti na hindi siya gusto ng hari?" he teases. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang tono niya.

Umiling ako. "Mabuti at natagpuan na siya. 'Yun ang ibig kong sabihin. Siguradong magandang babae 'yun."

"Maganda siya...pero mas maganda ka kung naging babae ka," diretsong saad nito at bigla naman siyang binato ng maliit na bato ni Elijah.

Ako naman ay biglang napaubo kahit wala naman akong iniinom. Akala ko masyadong OA lang ang mga ganoon, pero hindi pala. Kasi nakakasamid pala ang gulat.

"Hindi ako maganda!" inis na saad ko sa kanya. "Gwapo ako," dugtong ko sabay nguso.

Natawa naman si Stefano at si Elijah naman ay napapailing na lang. Hindi ko alam kung kailan ko ito makikitang tumatawa. Pakiramdam ko ay laging pasan nito ang daigdig.

"Oo na, gwapo ka na. Pero ngayon, magandang lalaki ang tawag sa iyo dahil mukha kang babae. Hindi bagay sa iyo ang tawagin na gwapo," asar pa nito sa akin na ikinasimangot ko naman.

Ramdam ko na inaasar lang ako nito at si Elijah naman ay hindi kami pinapakialamanan.

"Pero Ales, kung nagkataon na babae ka at nakita mo kami, ano ang gagawin mo?" nakataas kilay na tanong nito sa akin. Hindi ko alam kung bakit umabot sa ganito ang kanyang mga tanong.

"Kung babae ako? Siguro tumakbo o nagtago ako noong nakita kayo. Kasi ang unang iisipin ko ay baka hulihin n'yo ako at ibenta sa mga opisyales." At gagawing parausan. Gusto ko iyong idugtong pero hindi ko ginawa.

"Tama nga na tumakbo ka palayo, dahil sigurado akong hindi ka makakawala kay Elijah, kung nagkataon na babae ka. Kaya pasalamat ka at naging lalaki ka, Ales."

Ramdam ko ang katotohanan sa bawat salita nito.

"Enough, Stefano," sita ni Elijah rito.

Tumalima naman si Stefano at napatingin naman ako ngayon kay Elijah na tila kay lalim iniisip. Ang isipin mo na tungkol sa posibilidad na si ate ang kanilang nahanap ay nilipad na sa kung saan.

So he's one of those men who will bend over for beautiful faces? Pero ano naman ang aasahan ko? Men go for physical appearances. Iilan lang ba ang hindi? I just feel sad for a reason that he's one of them, mga taong gusto kong iwasan kaya mas lalong tumatag ang isipan ko na huwag ipaalam na isa akong babae.

Naluto na ang isda at medyo pinalamig namin iyon para hindi makakapaso. Nagsimula na rin kaming kumain. Pinagtulungan namin ang tatlong isda at binibigyan ko naman si Sushi. Hindi naman ito malakas kumain dahil maliit pa lamang ito.

Natapos din kaming kumain at uminom na ako ng tubig. Paubos na ang tubigan ko kaya kailangan kong lagyan iyon dahil maglalakbay pa kami. Mayro'n namang bukal doon kaya ayos na rin.

Tahimik na tahimik kami pagkatapos ng usapin na iyon hanggang sa nakaalis na rin kami sa Caracass at nakabalik na sa rota namin sa Samona. Pero mas naging mabilis ang takbo kaya hindi ko na namalayan na nakalabas na kami ng Samona patungong Valencia, pero puro kagubatan pa rin ang nakikita ko.

Dumilim na rin kaya huminto na naman kami malapit lang din sa batis na karugtong doon sa Caracass at Samona.

"Dito muna tayo magpapalipas ng gabi. Bukas, makakarating na tayo sa palasyo," saad ni Stefano.

Napatingin naman ako sa kanya. Sa palasyo sila? Saan naman ako? Mananatili ba ako sa syudad ng Valencia? Hindi ko alam dahil wala naman silang sinasabi. Hindi ko rin alam kung pwede nila akong isama sa palasyo. They cannot just bring random people inside the palace, lalo na at sentinel lang sila.

Sobrang dilim na ng gabi. Tapos na rin kaming kumain ng hayop na nasila ni Stefano. Nangangati na din ang katawan ko kaya tumayo naman ako. Doon lang ako sa medyo malayo na dako sa batis para hindi nila ako makikitang naliligo.

"Saan ka pupunta?" agad na tanong ni Elijah sa akin nang mapansin nitong tumayo ako at palayo sa kanila.

"Maliligo lang," sagot ko sa kanya.

Medyo kumalma naman ang itsura nito. "'Wag masyado sa malayo dahil maraming mababangis na hayop ang kumakalat dito, bilisan mo." At pumikit na ito ulit.

Nagmadali naman akong pumunta sa 'di kalayuan na sapa. May malaking bato doon kaya pumunta ako sa likod para maghubad ng damit. Maliwanag din naman ang buwan kaya hindi nakakatakot.

Tinanggal ko ang tali sa buhok ko kaya agad na lumugay ang mapusyaw kong buhok. Agad na lumusong ako sa tubig na ikinasinghap ko dahil malamig iyon. Hindi ako kumportable na walang sabon pero ayos na rin ito. Basta hindi lang ako mangamoy at mawala itong pangangati sa balat ko dahil na rin sa pawis.

Ilang beses akong lumubog at umahon. Maayos ko rin na binabasa ang buhok ko sa tubig. Napakasariwa sa katawan ang tubig. Nakakawala ng pagod. Kung iisipin ko, parang nasa probinsya lang ako naliligo, pero napalingon na lamang ako nang may biglang umatungal na naman.

Roar!

Bigla akong natakot dahil nasa tubig ako at walang kasuotan. Nagsiliparan ang mga ibon sa kagubatan at hindi ko nakikita ang kung ano man parating na gigimbal sa aking pagkatao.

©️charmaineglorymae

icon lock

Ipakita ang iyong suporta para kay 𝓒 𝓗 𝓐 𝓡 𝓜, at magpatuloy sa pagbabasa ng kuwentong ito

ni 𝓒 𝓗 𝓐 𝓡 𝓜
@charmaineglorymae
|COMPLETED| Once upon a time, in a land hidden where immortals exist...
I-unlock ang bagong parteng ito o ang buong kuwento. Anupaman, ang iyong Coins ay makatutulong sa mga manunulat na kumita mula sa mga paborito mong kuwento.

Ang kuwentong ito ay may 44 natitirang bahagi

Tingnan kung paano masusuportahan ng Coins ang iyong mga paboritong manunulat gaya ni @charmaineglorymae.
Immortal's Tale |Immortal Series One|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon