PROLOGUE

514K 20.3K 30.8K
                                    

PROLOGUE

NAKANGITI KONG pinagmasdan sina Maxwell at Yaz na noon ay hindi matawaran ang saya sa mga mata at ngiti habang nakatitig sa isa't isa. Magkakrus ang pareho nilang brasong may hawak na champagne glass at sabay na inubos ang laman niyon. Nangibabaw ang hiyawan ng kalalakihan sa buong reception nang muling halikan ni Maxwell si Yaz.

Kanina pa man sa church wedding nila ay nakatulala lang ako sa kanila. Pinanonood ko ang bawat kilos nila at wala sa sariling napapangiti dahil sa nakakahawa nilang saya. Hindi iyon mapangalanan ngunit nababasa, nakikita at nararamdaman.

Mula sa pagpasok ni Maxwell sa church kanina ay hindi na naalis pa sa kanila ang paningin ko. Tuloy ay napanood ko ang pagbabago ng emosyon niya mula sa mataas na kompyansa. Hindi ko akalain na ang misteryoso ngunit may makalaglag-panga na itsura at dating, makabasag-ulo na katalinuhan at may natural ngunit humihiyaw na kayabangang si Maxwell Laurent del Valle, iiyak na parang bata nang mapanood ang bride niya na maglakad papalapit sa kaniya. Panay ang pahid niya sa luha kanina ngunit sa isang ngiti ng mapapang-asawa ay hindi na siya muling lumuha pa.

Gusto ko namang mainis kay Yaz dahil kahit malinaw kong nakikita ang bawat patak ng mga luha niya ay napakaganda pa rin niya. Para siyang buhay na Barbie doll, walang makapantay sa kaniyang ganda kanina. Na kahit anong gwapo ni Maxwell, pati babae ay napako kay Yaz ang paningin. Si Dein Leigh ang best friend ko pero si Yaz ang pinakamagandang bride na nakita ko. At alam kong hindi lang iyon dahil sa kaniyang itsura, higit siyang gumanda dahil sa sayang nararamdaman niya.

Sino ba namang hindi magiging masaya oras na ikasal kay Maxwell Laurent?

Binalot ng lungkot ang puso ko at nakonsensya nang maalala kung paano kong hiniling kanina na sana ay ako na lang iyong nasa sitwasyon ni Yaz. Naisip ko kung ganoon pa rin kaya ang magiging reaksyon ni Maxwell? Gano'n kaya ang emosyon na mababasa ko sa kaniya?

Malamang...hindi. Mapait at palihim akong natawa sa sariling naisip. You're desperate, Keziah. You're just a friend to him and kasal na siya... Iyon na yata ang pinakamasakit na linyang naisip ko para gisingin ang sarili.

Naroon din ako nang ikasal sina Dein Leigh at Randall kaya inaasahan ko na ang saya at tuwa na makikita ko sa bagong kasal. Gaya ng dalawang ito sa harapan ko, sobrang saya rin ng mga best friends ko nang ikasal sila. Hindi matawaran ang mga ningning sa mga mata nila, hindi ko mapigilan no'n ang maiyak.

Hindi ko alam kung bakit kakaiba ang kina Maxwell at Yaz. Ikinasal na sila sa ibang bansa, nagsasama na sila sa iisang bahay at napakarami nang nangyari sa nagdaang buwan. Pero heto at tila nahigitan pa ni Yaz ang tuwa na nabasa ko sa mga mata at labi ni Dein Leigh ngayong siya ang ikinasal. Parang walang nangyaring kasal sa ibang bansa, tila ito ang una. Nababasa ko ang saya gayong lumuluha ang kaniyang mga mata. Naririnig ko ang tuwa sa kabila ng kumikibot niyang mga labi dahil sa matinding bugso ng damdamin.

Totoong masaya ako para sa kanila ni Maxwell. Matindi rin ang excitement ko sa daan papunta sa kasal, naiyak ako sa tuwa nang ianunsyo ang pag-iisa nila. Pero hindi ko maitatanggi ang inggit na hanggang ngayon ay naroon pa rin sa puso ko.

Hanggang ngayon ay tinatanong ko kung ano ba ang kulang sa akin para hindi ako ang piliin? Ano kaya ang mali sa akin para iparamdam lang na posible akong mahalin pero sa huli ay kakaibiganin lang din? Kung kasakiman ang maghangad nang higit pa dahil nagmamahal ka, siguro nga ay sakim ako.

Ako ang nakasama, ako rin ang sinamahan. Naroon ako para sa kaniya, naroon din naman siya para sa akin. Gusto siya ng pamilya ko, mahal ako ng pamilya niya. Naramdaman kong espesyal kami sa isa't isa ngunit may hangganan pala. Unang beses pa lang kaming nagkita ay nagustuhan ko na siya. Hindi lingid sa kaalaman kong muntik niya na rin akong magustuhan. Pero bakit hindi pa rin ako ang pinili? Bakit kailangang maputol at mabaling sa iba ang nararamdaman niya? Anong tawag sa naramdaman niya sa akin? Ano ang meron siya na wala sa akin?

LOVE WITHOUT FEARWhere stories live. Discover now