Chapter 3

217 8 0
                                    

Masamang-masama ang loob ni Proserpina at tila sasabog ang dibdib niya habang nakatitig kay Alessandro na hindi magawang salubungin ang mga mata niya. Isa siyang hangal sa pag-iisip na masuwerte siya sa binata. Ang totoo pala ay bangungot niya ito. Hinusgahan na lang agad siya ng lalaki at ni hindi man lang siya kinausap para mabigyan man lang siya ng pagkakataong depensahan ang sarili niya.

She gritted her teeth, stood up, and defiantly declared her innocence. "Kung iniisip mong ibinibenta ko ang katawan ko ay nagkakamali ka. Nagtatrabaho ako bilang waitress sa Imperio. Pero hindi na siguro mahalaga kung ano pa man ang sasabihin ko ngayon dahil nauna mo na akong hinusgahan. Nagpapasalamat na lang ako na nalaman ko kung ano kang klaseng tao bago pa man tuluyang lumalim ang pagtingin ko sa iyo."

Tumayo siya nang tuwid at tinalikuran na ang mga ito. Mabilis siyang naglakad palayo dahil tila napapaso ang balat niya hanggang nasa iisang establisyemento pa rin sila ng walang kuwenta niyang ex-boyfriend. Isinusumpa niya ang gabing nakilala niya ito.

Akala niya ay nakalayo na siya, subalit nagulat na lang siya nang haklitin siya sa braso ni Olivia. Hindi niya namalayang humabol pala ito sa kanya hanggang sa pasilyo.

"Sandali lang. Sino ka para pagsalitaan nang ganoon ang anak ng General Manager ng Vasileía? Akala mo kung sino ka, ah! Mahirap ka na ngayon! Wala ka ng pera! Hindi ka na prinsesa katulad ng dati!" matalim ang dila nitong hiyaw sa kanya. Ang lakas ng loob nitong ilabas ang totoong kulay dahil wala ni isang tao sa pasilyong iyon.

Mariin niyang itinikom ang mga labi, nagpipigil. Mahirap na siya? Oo, dahil kinamkam nito at ng ina nito ang kayamanan ng pamilya nila. Ang pagkakaalam niya ay galing sa gitnang uring pamilya si Sylvia at hindi mula sa isang Buena familia kagaya ng pinagsasabi nito sa ibang tao. Anak nito si Olivia sa una nitong kinakasama. Pero tinanggap ng ama niya ang mag-ina at itinuring na tunay na anak si Olivia. Siya man noong una ay bukas sa pagtanggap sa dalawa.

Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin maunawaan kung bakit inatake sa puso ang Papa niya. Walang dahilan para atakehin ito. Isang araw na pag-uwi niya galing eskuwela ay ipinaalam na lang sa kanya ng madrasta na nasa ospital na ang ama niya at hindi magising-gising. Ni hindi niya ito nakitaan ng kahit kaunting pag-aalala. Habang nasa ospital ang ama niya, ay abala pa ito sa pagpapaayos ng buhok nito sa kaibigan nitong parlorista.

Sinumbatan niya ito, dahil awang-awa siya sa paraan kung paano nito tratuhin ang ama niya na tila wala itong pakialam kung pumanaw man ang Papa niya. Sinampal siya nito at dinuru-duro habang nanlilisik ang mga mata nito. Huwag daw siyang magtapang-tapangan dahil nag-iisa na lamang siya at wala na siyang kakampi.

Kaya kahit ano pa ang mangyari ay nakahanda siyang gawin ang lahat para lang magising ang Papa niya. Kahit na gumapang siya sa pagtatrabaho para lang matustusan ang pangangailangan nito sa ospital. Mabuti na lang at may sarili siyang bank account mula pagkabata. Linggo-linggo ay inaabutan siya ng Papa niya ng pera para ihulog sa bangko. Malaki rin ang naipon niyang halaga, at iyon ang ginagamit niya sa mga gastusin sa ospital.

Ang madrasta niya ay walang inaabot ni singkong duling sa kanya. Tuluyan na nitong kinalimutan ang lalaking tumanggap dito nang buong-buo.

"Hinabol mo ako para lang talaga sabihin iyan? Ngayong nasabi mo na, masaya ka na ba?" Iwinasiwas niya ang kamay ni Olivia na nakahawak sa braso niya.

Nanlisik ang mga mata nito. "You useless b*tch!" Itinaas nito ang kamay.

Ipinaling niya ang ulo pakanan at mariing ipinikit ang mga mata, hinintay na lumagapak sa pisngi niya ang palad ni Olivia, pero hindi nangyari iyon. Nang magmulat siya ng mga mata ay nakita niyang may matangkad na lalaking nakatayo sa tabi niya. Napasinghap si Proserpina nang makitang nakasuot ito ng itim na maskara. Hades de Crassus!

SOLD TO THE HEARTLESS MAFIAWhere stories live. Discover now