KABANATA 9 (Untitled)

2 0 0
                                    


"sunog! Me sunog! Lumabas na kayo r'yan!"

At ilan pang kalampag sa pintuan. Mabilis na ngang lumatag ang apoy sa bawat bahagi ng dingding. Nagngangalit ang apoy sa kisame. Bumubuga naman ng itim na usok ang kagamitang natutupok. Lumalatag sa buong kabahayan, kaya't malabo ang daraanan. Sanhi ng paninikip ng hininga, masakit sa lalamunan ang itim na usok, at nagpapahapdi sa mata kaya't hirap tunguhin ang daan palabas.


Nangagsisipagbagsakan ang mga kahoy na nagniningas. Mapanganib pang lalo't tangan ko si Tatang, ang tatlong nakababatang kapatid. Nanginginig ang kamay ng kapatid kong bunso na nakahawak maigi sa laylayan ng aking damit. Nananangis sila't di inaagwatan ng pagpatak ng luha dahil sa matinding takot. Dasal nang dasal si Tatang. Iisang pangalan lang ang binabanggit, "In Jesus Name, In Jesus Name". Sinipa ko nang malakas ang pintuang nilalamon na rin ng apoy. At mabilis kaming tumakbo palabas.

Nagkakagulo ang mga tao. Tangan ang balde ng mga lalaki at sinasabuyan ng tubig ang kani-kanilang nasusunog na kabahayan. Di magkandaugagang karga-karga ng mga kababaihan ang kanilang mga sanggol, habang ang mga anak na nakapaglabas ng iilang gamit ay naroong nagbabantay. Mga kagamitan na dahil sa pagmamadali, ng pagkataranta ay nabitbit palabas.
Iisang mukha ng lahat habang pinagmamasdan ang kanya-kanyang kabahayang mabilis nilalamon ng apoy -mukha ng kalungkutan para sa mga ari-ariang naipundar ng ilang taong pinagtrabahuhan, na ang ilan pa nga'y di pa natatapos bayaran: mukha ng matinding takot, ng panlulumo at panangis.


Wala pang tumitilaok na manok, nasa kalagitnaan pa lang ng pambubuwisit ang mga lamok, na biglang nabulabog dahil sa hindi inaasahang pagkapal ng usok, ng napakaiitim na usok. Noon ay kinaiilagan ng mga tagapagdala ng dengue at malarya ang usok lamang na likha ng mga lion at baygon, pero noong mga oras na iyon, nagsilikas ang mga ito. Bitbit ng mga lamok ang kanya-kanyang balutan. Kaga ng lahat ng apektadong residente na dala-dala ang kagamitang pwedeng maisalba sa mabilis na pagkalat ng apoy sa buong kabahayang dikit-dikit.


Walang maliwanag na buwang makikita sa kalangitan. Nakatago marahil sa mga ulap, na pinaiitim pang lalo ng mga pangyayari. Pero hindi importante ang maliwanag na buwan ng mga oras na iyon. Napakaliwanag na ng paligid, parang isang napakalaking bonfire sa palibot ng mga taong nagmumukhang duwende sa dami at liit. Nagiging panggatong ang mga bahagi ng kabahayan. At pinagniningas pang lalo tuwing may sasabog ng mga tangke ng shellane, M-gas o kerosene. Tanggap na ng ilan ang maliwanag na pagkawala ng mga pangyayari, ari-arian, ng buong kabahayan. Maliwanag na abo na lang ang buong kasasapitan nila.

Umalingawngaw ang lansangan mula sa dako kung saan. Napalingon sa paparating ang mga residenteng nakapaligid sa nasusunog na kabahayan. Ang alingawngaw ng pag-asa na makapupula sa nagngangalit na apoy. At nagbigay ng daan ang mga tao sa ilang fire truck na rumiresponde.


Nagsibabaan ang mga bumbero, hinawi ang mga tao. Inihanda ang naglalakihang hoss at sinimulang pahinahunin ang apoy na lumalamon sa buong kabahayan. Nadagdagan naman ng lakas ng loob ang mga kalalakihan, kaya't hindi nila lalong tinigilan ang pagsasaboy ng tubig gamit ang kanya-kanyang balde. Nanginginig. Kumakabog nang malakas ang dibdib, hindi maipaliwanag ang pakiramdam. Halo-halong emosyon. Pinahid ng isa ang nangingilid na luha sa mga mata. Hindi pagkaduwag ang ibig-sabihin ng pagluha ng lalaking iyon. May mga pagkakataon lang na tinatalo ang paniniwalaang tatag ng labis na pagmamahal. At sa kanya ang tanging naipundar. Kanina pang kinakalampag ng lalaking iyon ang tarangkahang bakal, ang kanyang bahay na nilalamon na rin ng apoy. Naka-padlock pa ito. Marahil tulog pang mga tao sa loob. Paulit-ulit na malalakas na kalabog-katok ng lalaking hindi na malaman ang gagawin kung paano gigisingin ang mga nasa loob. Dumampot siya ng bato. At inihagis sa may pintuan habang sumisigaw ng pangalan. Lumikha ng malakas na ingay ang inihagis na malaking bato. Kumalabog. Ngunit wala paring sumasagot mula sa loob. Walang pwedeng daanan maliban sa tarangkahang iyon. Palibhasang naka-konkretong bakal ang buong harapan. Kandado ang gate at sinamahan pa ng sobrang init na nagmumula sa naglalagablab na apoy na mabilis nang kumakalat sa buong bahagi ng kabahayan.

DAIGDIG NG TAG-INIT (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon