September Night [3]

2.6K 35 3
                                    

Umakyat na sila ng kuwarto matapos nilang maligpit ang mga pinagkainan nila sa kusina. Sa iisang kuwarto sila matutulog ni Kath. Dalawa naman ang kama rito na nakalaan talaga sa mga bisita, kahit na bihira lang silang magkaroon ng bista.

"Kath," sambit ni Pia. Nag-aalinlangan siya kung sasabihin niya ba ‘yon o hindi.

"Bakit Pia?"

"Ah,.." Inilagay na niya ang ilang mga damit sa maliit na aparador sa tabi ng kanyang kama. "May.. Itatanong sana ako."

Umayos naman ito ng upo. Hawak pa nga ni Kath ang cellphone, naghahanap ng signal. "Ano 'yon Pia? Saka, bakit parang balisa ka at hindi mapakali?" pagpansin nito sa kanya.

"Hmmm.. Nakita mo ba yung kausap ko kanina?"

"Huh? Anong kausap? Saan?"

"Do’n sa labas bago tayo makarating dito. Nung nagpapaload ka... Nung tinawag mo ako." Paliwanag nito sa kanya.

Akma namang itong nag-isip. "Wala naman akong nakita Pia. May kinakausap ka ba nun? Parang wala naman... Oh kung meron man, baka hindi ko nakita kasi nagpapa-load nga ako nun."

Hindi niya nga nakita. Multo kaya yun? Tanong ni Pia sa kaniyang sarili. "Hmm... Sige, matulog ka na lang d’yan. 'Wag mo na lang isipin yun." Tumayo na lang siya at saka lumabas ng kuwarto.

Bumaba siya sa hagdan, nagtungo sa salas at agad na dumungaw sa bintana na tanaw ang dalampasigan. Pansin na pansin niya ang ganda ng dagat kahit na madilim na ang paligid. Napakaliwanag kasi ng buwan. May ilang ilaw din na hindi kalayuan sa may dagat, nakakadagdag sa pagkaganda ng paligid.

Sa bintana rin na ito, palagi niyang tinitignan ang Parola. Tanaw na tanaw kasi ‘yon mula sa kanilang bahay kaya naman palagi niya itong pinagmamasdan. Noon pa man ay ito na ang ginagawa niya kapag naghihintay siya ng oras, nakakagaan kasi sa pakiramdan, ayon kay Pia.

Naalala niya tuloy... Isang hapon, tinawag siya ng kaniyang kabigan para maglaro.

"Pia!"

Dumungaw siya sa bintana, agad siyang napangiti nang makita kung sino ang tumawag sa kanyang pangalan.

"Halika na!" sabi nito.

"Sige Sophia! bababa na ako!" sabi niya habang iwinawagayway kamay.

Naglakad-lakad sila na magkahawak ang kamay hanggang sa makarating sa may Parola. Sobrang saya nilang nagkukuwentuhan ng kung anu-anong bagay. Naisip pa nga niya, na sana manatili na lang silang dalawa na gano’n at hindi na matapos ang mga sandaling iyon.

"Heh, " napangiti na lang siya sa kawalan. Naalala na naman niya kasi ang nakaraan. "Sophia,” mahina rin niyang sambit. “Nasaan ka na kaya?”

"Pia..."

Napabalikwas naman siya mula sa pagkakatayo nang bigla siyang may marinig na tumawag sa kanyang pangalan.

Lumingon-lingon ulit siya, pero katulad noong hinihintay niya si Kath na nagpapaload, wala siyang nakitang ibang tao kundi ang repleksiyon niya sa salamin na nasa gilid ng upuan.

"Pia..."

Biglang lumakas ang hangin, nanlalamig na si Pia ngayon. Lumingon ulit siya sa pinanggalingan ng boses pero wala pa rin siyang nakitang tao.

“Pia...”

Kumunot na ang noo niya. Mayroon kasi siyang natanaw sa may kusina, parang hugis tao. 

"M-,ay tao ba diyan? Tita? Kath, ikaw ba ‘yan?" lakas loob niyang sabi kahit na nangingig na ang kanyang tuhod.

"Pia...."

Ayon na naman. Tinawag na naman siya. At kasabay no’n ay biglang tumayo ang kanyang mga balahibo at parang may kakaiba na rin siyang nararamdaman.

“Pia...”

Sambit na naman ng kung sino, sa pagkakataon na ito ay parang ang bigat na ng pakiramdam niya, mas malakas na rin ang boses. Animo’y papalapit ito ng papalapit sa kanya.

Hinakbang na ni Pia ang kanyang paa. Hindi pa rin niya masiyadong makita kung sino nga ba yung nakatayo sa may kusina. Madilim na kasi ang paligid at tanging ang liwanag lang na nanggagaling sa buwan ang kaniyang ilaw.

“Sino ang nan—“ hindi na niya natapos ang kanyang sasabihin.

Na-stock na lang siya sa kanyang nakita.

Isang babae, nakaputi, mahaba ang buhok na nakaharang sa mukha nito pero kitang kita ang namumula mata at duguan mukha.

Ang babae, alam ni Pia, nakita na niya ito.

Sa kanyang panaginip.

 Ipinikit niya ang kanyang mga mata at saka sinambit ang mga salitang... "Wala akong nakita. Wala ‘kong nakita."

Napahawak na rin siya ng mahigpit sa may bintana. Pinipilit sa sarili na hindi totoo ang babae na nasa harapan niya, na ngayon ay ilang hakbang na lang ay magkakadikit na sila.

“Hindi siya totoo.” Sabi pa niya. Sinubukan na rin niyang idilat ang kanyang mga mata pero...

"AHHHH!!!!!” napasigaw siya. Nasa harapan na n’ya kasi ang babae, nakangiti ito ng malapad, nanlalaki ang mata, lumuluha ng dugo.  "HINDI KA TOTOO!!!!" sigaw niya ulit.

"Pia...."

"HINDI!! HINDI KA NG TOTOO SABI EH!!"

"Pia!"

"HUWAG KANG LALAPIT!! LUMAYO KA!!!"

"Pia ano ba!!"

Dumilat siya. Nagbalik siya sa katinuan nang makita niyang ang kanyang Tita sa kanyang harapan, niyuyugyog ang buong katawan niya habang hawak siya sa balikat.

"Pia! Ano bang nangyayari sa'yong bata ka??" 

"Tita..." Nanginginig niyang sabi. “Tita, kanina...” maluha-luha na rin siya.

"Pia, ano bang problema? anong nangyayari?" Tanong ulit ng kanyang Tita.

Ano nga ba ang nangyari? Totoo nga ba yung nakita niya kanina o guni-guni niya lang?

"A-ah.. W-wala po tita... Namalik-mata lang po siguro ako." Sagot niya, pinagdarasal n asana ay guni-guni niya nga lang ang nakita niya  kanina.

"Matulog ka na nga dun Pia! Pagod ka lang... Sige na Hija, matulog ka na."

"S-sige po..." mabilis din siyang tumango at tumakbo papunta sa kuwarto para matulog.

itutuloy...

September Night [Completed]Where stories live. Discover now