take twenty nine

39.4K 393 59
                                    

Ilang buwan ba ang kinakailangan para tuluyang makausad sa lusak ng pagkabigo sa taong minahal mo nang buong-buo? Segundo? Minuto? Oras? Araw? Linggo? Buwan? Taon? Hindi ko alam.

Pero sapat na sa'kin ang isang buwan para matutunang pahalagahan ang mga bagay na hindi ko napapansin dati. Sapat na ang isang buwan para makita ang mga katangahan ko. Sapat na sapat na 'yun para tuluyan akong matuto na hindi lahat ng ginusto mo eh makukuha mo, hindi lahat ng pinaghirapan mo ay mapapasayo, at lalong hindi lahat ng minahal mo eh mamahalin ka rin pabalik.

Sa tuwing naaalala ko kung pa'no ako tumakbo papunta sa airport maabutan ka lang ay hindi ko maiwasang mainis sa sarili. Bakit? Dahil ang tanga ko. Oo, inabutan kita pero...wala akong nagawa para pigilan ka.

"Juniper, 'wag ka nang umalis. 'Wag mo akong iwan," parang asong nagmamakaawa sa amo niyang sambit ko. Umiling ka lang at walang ibang ginawa kundi ang tumingin sa'kin ng seryoso.

'Ano pa bang hindi ko nasasabi sa'yo, Andrew? Tama na, okay! Hayaan mo namang abutin ko 'yung mga pangarap ko nang hindi ka kasama. Hayaan mo naman akong magmahal nang hindi ikaw. Hayaan mo naman akong mamuhay nang wala ka. Tama na, gusto ko nang malayo sa'yo," nagmamakaawang sagot mo.

Wala akong ibang nagawa kundi ang matahimik at maluha. Hindi ko alam kung anong ginawa mo matapos mong sabihin ang mga 'yon dahil nakayuko lang ako. Sa muling pagbaling ng mata ko papunta sa direksyon mo, nakita na lang kitang naglalakad palayo. At wala akong lakas ng loob para pigilan ka dahil alam ko sa sarili kong kahit ano namang gawin ko, hindi ko na magagawang pigilan ka pa.

Sa isang buwan akong nawalay sa'yo, wala akong ibang ginawa kundi asikasuhin ang buhay ko. Pumasok sa review center nang walang palya, magreview sa bahay kahit gabi na. Makisama at magsaya kasama ang barkada. At kung minsan pa'y i-friendly date si Baby na ngayon ay determinado na ring baguhin ang buhay niya. Paminsan-minsan din akong sumisilip sa facebook, nagbabaka sakaling sa pag login ko eh makita ko ang mensahe mo...pero wala. Dahil nag-deactivate ka. Dahil pinili mong bigyan ako ng panahon sa sarili ko. Panahon para matuto, panahon para makalimot, panahon para umusad.

Nung una, ang hirap. Sa bawat araw na ginawa ng Diyos, para akong nauupos na kandila. Sa bawat araw na 'yon, para akong patay na nabubuhay. Kumakain, nagsasalita, nag-aaral pero lahat ng 'yon eh walang saysay. Hindi ko na kasi alam kung pa'no pa ang mabuhay gayong wala na 'yong taong rason kung bakit pa ako gumigising sa araw-araw.

Hindi ko alam kung pa'no umusad. Wala akong kaide-ideya kung pa'no buuin ang mundo kong winasak mo. Pero nang umabot ng isang linggo ang pagkaka-ganon ko, lumapit sa'kin si Mama nang umiiyak. Hindi na raw ako si Andrew. Naiinis daw siya kasi wala na raw akong pake sa kanya, mas inuuna ko pa raw ang puso ko kesa sa kanya. Sa mga sinabi ni Mama, natauhan ako.

Alam kong may buhay pa ako pero pinipilit kong sirain ang buhay na 'yon dahil lang sa pagkawala mo. Unti-unti, natuto akong umusad. Unti-unting bumalik ako sa dati. 'Yung Andrew na kwela, 'yung Andrew na kayang maging masaya kahit wala ka.

Mali pala ako nang dahilan dati, mali pala ako nang rason para umusad nang minsan akong masaktan ni Baby. Mali palang gumamit ako ng tao, mali palang ginamit kita dati para makalimot. Sa sariling sikap ko, natutunan kong hindi ko kailangan ng ibang tao para matanggap sa sarili na kaya kong ayusin ang buhay ko matapos ang pagkabigo sa isang tao. Natutunan kong kaya ko palang maging masaya nang hindi umaasa sa tulong ng iba.

Natuto akong pahalagahan ang sarili ko. At kahit katiting lang, kahit paunti-unti, natuto akong mahalin ang sarili ko. Nahanap ko 'yung pagmamahal na akala ko eh nawala na nang ibinigay ko 'yun sa'yo dati ng buong-buo. Ngayon, alam ko sa sarili ko na kahit mahirap, kahit masakit...kaya ko nang bigyang daan ang mga taong gusto ring magka-puwang sa puso ko. Kasi natutunan kong magtira sa sarili, natutunan kong mali pala ang ibigay ang lahat-lahat.

KuyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon