Kabanata 42

10.1K 43 0
                                    

⚡⚡⚡

Kabanata 42: Ang Mag-asawang De Espadaña

Sa bahay ni Kapitan Tiyago ay mababanaag ang lungkot dahil may sakit si Maria Clara. Ang mag-pinsang sina Tiya Isabel at Kapitan Tiyago ay nag-usap kung alin ang mabuting bigyan ng limos upang gumaling kaagad ang karamdaman ni Maria; ang krus ba sa Tunasan na lumaki, o ang krus sa Matahong na nagpapawis? Sa bandang huli’y napagdesisyunan ng mag-pinsan na pareho na lamang bigyan ng limos ang dalawa.

Natigil lamang ang pag-uusap nila ng mayroong dumating sa tapat ng kanilang bahay. Ito pala’y sina Doktor Tiburcio de Espadaña na inaanak ng kamag-anak ni Padre Damaso at tanging kalihim ng lahat ng ministro sa Espanya. Kasama nito ang kaniyang asawa na si Donya Victorina de Espadaña pati na rin si Linares.

Pagkatapos ipakilala ni Donya Victorina si Linares ay sinamahan sila ni Kapitan Tiyago sa kani-kanilang silid.

Aakalain mong isang Orofea si Donya Victorina sa biglang tingin. Siya’y apatnapu’t limang taong gulang ngunit ipinamamalita niyang siya’y tatlumpu’t dalawa lamang. Masasabing maganda ang Donya noong kanyang kabataan. Pangarap niya noon pa man na makapangasawa ng dayuhan.

Nais niyang mapabilang sa mataas na antas ng lipunan ngunit ang napangasawa niya ay isang mahirap pa sa daga na Kastila at ito ay si Tiburcio, tatlumpu’t limang taong gulang ngunit mas mukha pang matanda kaysa kay Donya Victorina.

Sakay sa barkong Salvadora si Tiburcio ng narating niya ang Pilipinas. Dumanas ng katakut-takot na pagkahilo sa barko si Tiburcio at nabalian pa ng paa. Dahil dito’y nahihiya na siyang bumalik sa Espanya at ipinasyang manatili na lamang sa Pilipinas.

Eksaktong ika-15 araw niya sa bansa ng matanggap siya sa trabaho dahil na rin sa tulong ng mga kababayang Kastila. Wala siyang aral kaya pinayuhan siya ng mga kababayan na humanap nang magandang kapalaran sa mga lalawigan at magpanggap na isang mediko. Ang tanging puhunan lamang nya ay ang pagiging kastila. Nahihiya man at ayaw sanang sundin ang payo sa kanya ngunit dala ng kagipitan ay wala siyang mapagpipilian kundi sumunod na lamang.

Dati siyang nagtatrabaho sa pagamutan ng San Carlos bilang tagapagbaga ng mga painitan at tagapaspas ng alikabok sa mga mesa at upuan. Wala talagang kaalam-alam sa panggagamot si Tiburcio.

Sa mga unang panggagamot niya ay mababa lamang ang singil nito. Sinamantala niya ang pagtitiwala sa kanya ng mga indio kaya ‘di nagtagal ay pataas na ng pataas ang singil niya sa kanyang mga pasyente.

Sa kalaunan ay isinumbong siya sa Protomediko de Manila ng mga tunay na mediko. Tuloy-tuloy na sana ang kanyang pagyaman ngunit dahil sa pangyayari’y nawalan siya ng mga pasyente. Babalik na sana siya sa pamamalimos sa mga kakilala at mga kababayan ngunit napangasawa naman niya si Donya Victorina.

Lumipat sa Santa Ana ang mag-asawa at doon na din idinaos ang kanilang pulo’t gata. Pagkalipas ng ilang araw ay bumili ng aranya at karomata si Donya Victorina at matutuling kabayo mula sa Albay at Batangas upang magamit nilang mag-asawa.

Si Tiburcio ay binihisan niya ng husto upang magmukhang kagalang-galang samantalang ang Donya ay nagsimulang maging ilusyunada bilang isang Orofea. Naglagay din siya ng mga palamuti sa katawan upang magmukhang Espanyola.

Makalipas ang ilang buwan ay ipinamalita niyang siyang naglilihi at sa Espanya manganganak dahil ayaw niyang matawag na rebolusyunaryo ang magiging anak. Dinagdagan din ng ‘de’ ang kanyang pangalan kaya naman nakalimbag sa mga tarheta nito ang Victorina delos Reyes de Espadaña.

Naunsyami ang pagbubuntis na inaasahan ng Donya kaya kahit pa nagpahilot na ito at nagpatingin sa manggagamot ay wala ring nangyari. Wala siyang nagawa kundi ang manatili sa lupain na kung tawagin niya ay “lupain ng mga salbahe.”

Dahil sa mga pangyayaring ito’y sa asawa niya ibinunton ang sisi. Para namang maamong kordero ang Don na kahit na anong gawin ng Donya ay hindi mo ito makakarinigan ng reklamo. Kapag nagagalit ang Donya ay nilalabnot niya ang pustiso ng asawa at kung minsan nama’y hindi niya ipinapahintulutang lumabas ng bahay.

Isang araw ay naisip ng Donya na dapat maglagay ang asawa ng titulong medicina at cirugia. Tutulan man ito ng “Ander de Saya” na si Don Tiburcio ay wala pa rin siyang nagawa.

Sa marmol na karatula ay nagpaukit ang Donya ng mga katagang DOCTOR DE ESPADAÑA, ESPECIALISTA EN TODA CLASE DE ENFERMEDADES, at ito ay ikinabit sa kanilang bahay.

Dahil sa walang tiwala sa mga Pilipino ang Donya ay kumuha din siya ng Kastilang katiwala sa kanyang mga ari-arian. Ipinasundo naman ng Don ang kanyang pamangkin na nag-aaral ng pagkamanananggol sa gastos ng kanyang asawang Donya.

Habang sila ay nagmimiryenda ay dumating si Padre Salvi. Matagal nang kakilala ng mag-asawa ang pari kaya si Linares na lamang ang ipinakilala nila rito.

Agad namang dinalihan ng pamimintas ng Donya Victorina ang mga taga-lalawigan at ipinangalandakan na kaut-utang dila niya ang alkalde at ng iba pang nasa mataas na poder ng estado.

Namangha ang Donya ng sabihin ni Kapitan Tiyago na kadadalaw lamang ng Kapitan-Heneral sa kanilang bahay. Bagay na halos ‘di mapaniwalaan ng Donya kaya nasabi nitong sayang at hindi kaagad nagkasakit noon si Maria upang nakadaupang-palad sana niya ang Heneral.

Matapos ang kanilang pag-uusap ay nagtungo na sila sa silid ni Maria Clara na binabantayan naman ng kanyang dalawang kaibigan. Agad na pinulsuhan ng Don si Maria at tiningnan ang dila. Sinabi niyang mapapagaling niya ang dalaga.

Ang iniresta niyang gamot ay liquen at gatas, Jarabe de altea at dalawang pildoras de Cinaglosa. Sinamantala na rin ng Donya ang pagkakataon para ipakilala si Linares kay Maria na noo’y nabighani na sa kagandahan ng dalaga.

Saglit namang naputol sa walang kurap na pagkakatitig ni Linares sa dalaga ng sabihin ni Padre Salvi na dumating na si Padre Damaso na kagagaling rin lang sa sakit.

⚡⚡⚡

Talasalitaan:

Agua de Colonia – pabango
Cinoglosa – isang uri ng gamot
Ekstremadura – pook na nasa kalagitnaan at kanluran ng Espanya at binubuo ng mga lalawigang Badahos at Kaseres
Mahumpak – nanlalalim, malalim
Nakadaupang-palad – nakasama
Napahinuhod – napapayag
Napatiwalag – humiwalay, umalis
Nasilo – nabulag
Quinto – panglima
Upaw – kalbo, panot

"Buod Ng Noli Me Tangere"Where stories live. Discover now