Chapter 45

191K 9.8K 4.5K
                                    

Please follow @beeyotchupdated on twitter for real time tweet if any story got updated. Thank you.

#DTG45 Chapter 45

"Ate, sorry..."

Hindi ako nagsalita at pinagpa-tuloy ko lang iyong paggamot sa sugat sa gilid ng labi ni Alec. Pangatlo na 'to ngayong linggo. Hindi ko alam kung pang-ilan na talaga. Pakiramdam ko ay matagal na 'tong nangyayari kahit nung wala pa ako... mas lalo na nung wala pa ako...

"Dapat 'di mo nakita 'yun."

Napa-ngiwi siya sa hapdi nang dampian ko iyong sugat niya ng alcohol. Nakita ko si Tatay na nanonood sa aming dalawa. Hinihintay ko siya na pagsabihan si Alec na mali iyong ginawa niya na makipag-away para sa akin... pero tahimik lang siyang nanonood sa aming dalawa.

"Nagsosorry ka ba dahil sa ginawa mo o dahil sa nakita ko?"

"Dahil sa nakita mo."

"Mali ang makipag-away," sagot ko sa kanya.

"Babangasan ko lahat ng magsasabi na mamamatay-tao ka at nilandi mo 'yung prof mo," matapang niyang sagot sa akin. Tumingin ako kay Tatay para humingi ng tulong, pero nanatili lang siyang tahimik. Ibinaba ko iyong bulak at saka tumayo at naglakad papunta sa labas.

Akala ko tapos na... pero maling-mali pala ako.

Kahit na na-dismiss iyong kaso... kahit na sinabi na ng korte na wala akong kasalanan sa nangyari... na pinagtanggol ko lang naman iyong sarili ko...

Sa paningin ng ibang tao, mamamatay-tao lang ako.

Nahusgahan na nila ako at para bang wala nang makakapagbago pa ng isip nila.

Nasasaktan iyong pamilya ko... alam ko na dapat masaktan din ako... pero wala na akong maramdaman. Hindi ko alam kung manhid na ba ako o tuluyan lang na nawalan ng pag-asa sa mundo.

Kasi baka tama nga lahat sila—na masyado akong naniwala na mas mananaig ang kabutihan... pero paano mangyayari iyon kung mayroong kagaya ng mga Villamontes na handang magsakripisyo ng buhay ng maraming tao para lang linisin ang pangalan ng isang tao?

Tama nga yata talaga si Tali... iyong mga politiko... sila ang pinaka-nakaka-takot. Hindi mo alam kung hanggang saan ang gagawin nila para lang manatiling malinis ang pangalan nila.

"Assia."

Nanatili akong tahimik nang marinig ko iyong boses ni Tatay. Tumayo siya sa tabi ko.

"Pinrotektahan ka lang ng kapatid mo."

"Hindi ko po kailangan. Ayos na ako. Nandito na ako, 'di ba? 'Wag na nating dagdagan pa 'yung gulo."

Ayokong tumingin kay Tatay. Alam ko na sisikip lang iyong dibdib ko at maiiyak lang ako sa harapan niya. Kasi kahit na ganito... tatay ko pa rin siya. Alam ko na sa aming lahat, kahit na pakiramdam ko ay hirap na hirap na ako, mas nahihirapan siya... kasi anak niya ako... kasi mahal niya ako...

"Ayos ka lang ba talaga?"

"Ayos lang po ako."

"Tatlong linggo ka na rito, anak... Simpleng pagbaba lang ng gamit, napapa-igtad ka na. Kahit tawagin lang iyong pangalan mo, nagugulat ka..."

Hindi ako naka-sagot.

Sinubukan kong kontrolin iyong reaksyon ko.

Ayokong mag-alala pa sila sa akin.

Mawawala rin naman 'to...

"Nang may sumabog d'yan sa malapit, nabitawan mo iyong baso at hindi ka naka-galaw..." tahimik niyang dugtong. "Nag-aalala kami ng mga kapatid mo sa 'yo."

Defy The Game (COMPLETED)Where stories live. Discover now