Prologue

37 3 0
                                    

“Ama, ina, patawarin po ninyo ako. Alam kong mga aswang tayo pero ang puso ko tao! Mahal ko po si Agustus!” umiiyak na turan ni Maila nang mahuli siya ng mga magulang niyang may karelasyon na isang mortal.

Isang malakas na sampal ang binigay ng kaniyang ama sa kaniya.

“Isa kang traydor at hangal! Alam mo bang maaring mapahamak ang lahi natin dahil sa ginawa mo?! Paano kung ispiya ang mortal na ‘yan ng mga kalaban nating mga antingero?! Nilalagay mo sa panganib ang ating pamilya alam mo ba?! ” galit na wika ng ama ni Maila.

Napayuko na lamang ito habang humahagulgol at hinihimas ang kaniyang tiyan. Napatingin naman dito ang kaniyang ina.

“Buntis ka?! Wala ka talagang isip! ‘yan ang nakukuha mo sa pakikihalubilo sa mga tao! Kailangang mawala ang batang ‘yan!” ani ng kaniyang ina.

Napaluhod si Maila sa harap ng kaniyang magulang habang humahagulgol nang marinig ang sinabi ng kaniyang ama. Umiiling ito at nakikiusap na wag paslangin ang kaniyang dinadala. Ilang sandali pa ay isang kalabog ang narinig ni Maila mula sa kaniyang likuran dahilan para mapalingon siya rito.

Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita kung sino ito.

“Agustus?”

Duguan ang binata, halatang pinahirapan ito. Nanghihina na rin at halos hindi na magawang kumilos.

“Maila, mahal ko, ” ang tanging naibulalas nito.

“Ngayon, mamili ka Maila. Ang anak mo o ang lalaking ito? Mamili ka!” galit na turan ng ina ni Maila na si Soccoro. Nanlilisik ang namumulang mga mata nito habang nakatingin sa binata.

Kahit na matindi ang pinasala sa kaniyang katawan ay makikita pa rin sa mga mata ni Agustus ang matinding takot. Hindi niya batid ang totoong katauhan ng babaeng mahal niya subalit sa puntong iyon, mas inaalala niya ito dahil sa mga nakakatakot na nilalang na pumapaligid sa kanila.

Paluhod na naglakad si Maila palapit sa kaniyang ama habang walang tigil sa pag-iyak.
“Ama, pakiusap, palayain na po ninyo siya. Susundin ko na po lahat ng naisin ninyo basta ‘wag niyo lang po siyang patayin, maawa na po kayo sa magiging apo ninyo.” pakiusap ni Maila, subalit walang makitang ekspresiyon ng kahit na anong damdamin sa mukha ng kaniyang ama. Bagkus ay tiningnan lamang siya nito bago nagsalita.

“Batid kong alam mo ang ating mga alituntunin Maila, at batid kong alam mo rin na walang pagkakamaling pinalalampas ang ating angkan. Sa puntong ito, masasaksihan mo ang matinding kaparusahan nang ginawa mong pagsuway!”

Isang nanghihinang pag-ungol ang narinig ni Maila, na parang tila ba kinakapos sa paghinga. Nabato at nanlumo si Maila nang makita niyang hawak ng kaniyang ama ang puso ng lalaking mahal niya. Habang bumubulwak ang dugo sa bibig ni Agustus gayo'n din sa kaniyang dibdib ay ang pagdaloy ng kaniyang luha habang nakatingin kay Maila bago siya tuluyang humandusay sa kinaroroonan niya.

Isang malakas na hiyaw na lamang ang nagawa ni Maila, hindi na rin niya nagawang mahawakan sa huling pagkakataon ang binata dahil agad na iniutos ng kaniyang ama na ilayo ang katawan nito.

Muli tiningnan si Maila ng kaniyang ama habang hawak ang puso ng kaniyang kasintahan.
“Buhay kapalit nang pagtataksil Maila, buhay pa sana ang lalaking ‘yon kung noon pa ay iniwasan mo na!”

Hindi na nakapagsalita pa si Maila sa labis na pagdadalamhati. Ang akala niya ay doon na nagtatapos ang mga kaganapan ng gabing ‘yon subalit hindi pa.

Hinawakan ng ibang mga kasamahan nila si Maila sa magkabilang braso at iniangat.

“Teka! Anong gagawin niyo sa'kin?” tanong niya. Ilang sandali pa ay lumapit ang ina ni Maila.

“Sa'yo wala, pero sa bata sa tiyan mo mayroon. ” Hinawakan at hinimas nito ang tiyan ni Maila at umusal ng itim na orasiyon.

“Nay, ‘wag po, maawa kayo sa anak ko. ‘Wag niyo siyang sasaktan. ”Umiiyak na turan ni Maila.

“Hindi ko siya sasaktan Maila, bagkus ay po-protektahan ko siya para hindi siya magaya sa'yo. Isusumpa ko ang kaniyang anyo ng sa gayo'n, ang mga tao na mismo ang umiwas sa kaniya. ”

Gumuhit ang kidlat sa kalangitan ng mga sandaling ‘yon at umalingawngaw ang tinig ni Maila sa buong paligid.

****

Makaraan ang ilang buwan ay nakatakda nang magsilang si Maila, naging mahirap ang panganganak niya. Nang mailabas ang sanggol ay puno ng pangamba at takot si Maila dahil sa ginawang sumpa sa kaniyang anak. Nang masilayan niya ito ay napasigaw siya, parang animo'y nalusaw na kandila ang itsura nito na may kakapalan ang kilay at may umbok pa sa kanang balikat.

Parang mawawalan ng bait si Maila ng mga sandaling ‘yon hanggang sa mawalan siya ng malay.

Gayunpaman, alam ni Maila dahil sa kasalanan niya kaya nagkaganon ang kaniyang anak na pinangalanan niyang Asha, kaya't buong puso niya itong tinanggap at pinalaki. At gaya niya, hindi rin nilihim sa bata ang kanilang pagkatao gayundin ang mga kaalaman ng kanilang angkan.

Kahit na kakaiba ang itsura ni Asha, ay lumaki pa rin naman ito na isang mabait at masunuring bata. Pinag-aral din ito ni Maila para kahit sa ganon ay mabuhay ito na parang pangkaraniwan lang din gaya ng mga ordinaryong tao na hindi sinang-ayunan ng mga magulang ni Maila.

“Hindi na mauulit sa anak ko ang nangyari sa'kin, sinumpa niyo na ang itsura niya ‘di ba? At isa pa, hindi ko hahayaan na maulit sa kaniya ang nangyari sa'kin at sa tatay niya!”

Marahang lumapit ang ina ni Maila sa kaniya, at walang ekspresiyon ang mukha nito habang nakatingin sa kaniya.

“Hindi lahat ng bagay Maila, nakokontrol mo, napatunayan ko ‘yan nang ipagbuntis mo ang anak mo. Ang bunga ng kataksilan mo sa angkan natin.”

“Hindi ko alam kung paano naging kataksilan ang magmahal nay, parang hindi niyo naranasan,” sagot naman ni Maila sa kaniyang ina.

Napaiwas ng tingin si Soccoro sa sinabi ng anak.

“Hindi mo alam ang sinasabi mo, tandaan mo Maila, laging may mga matang nakatingin sa iyo at sa anak mo, ” ani ng ina ni Maila na noon ay bumisita lamang sa kanilang mag-ina sa kanilang tinitirhan. Bago ito lumisan ay sinulyapan na muna niya si Asha habang naglalaro ng mag-isa.

ASHA: ANG HULING ASWANGWhere stories live. Discover now