KABANATA-2

16 2 0
                                    

Sa tahanan ng ama ni Maila na si Ramon. Gabi na at tahimik lang na umiinom ng kape ang matanda habang nakatanaw sa labas ng kanilang tahanan. Ilang sandali pa ay ilang mga yabag ng paa ang papunta sa kinaroroonan niya.

“Anong kailangan mo Joaquin?” seryosong tanong nito sa lalaking pumaroon. Si Joaquin ay ampon nila Ramon at Soccoro, matanda lang ito ng ilang taon kay Maila, isang ulila na natagpuan ng mag-asawa na palaboy-laboy lang noon sa kalsada.

“Nawawala ‘yong mga pinadala nating kasama para mag matiyag sa sinasabing pumapaslang sa ibang kalahi natin, pangalawang grupo na ‘yon at gaya ng mga nauna ay wala ring nakabalik sa kanila.”

Tiim bagang at nayuyupos sa galit si Ramon sa narinig. May unti-unting umuubos sa mga lahi nila at hindi pa nila matukoy kung sino ito, ang natitiyak lang nila ay may tangan itong mga makapangyarihang bertud at mataas na kaalaman sa pakikipaglaban.

Naglakad ito palapit sa gawi ni Joaquin na puno ng dismaya.

“Kailangang mahuli at mapaslang niyo kung sino man ‘yan, ayokong may sagabal sa mga ginagawa natin, ” ani ni Ramon. Maya-maya ay biglang dumating ang asawa nito na si Soccoro.

Nakatingin ito kay Joaquin na parang nanunuri at bumaling sa asawa.

“May problema?” usisa nito.

“May lihim tayong kaaway, kailangang malaman natin kung sino ‘yon.” Si Ramon.

“Masiyado bang malakas ‘yan at parang tila nag-aalala ka?” tanong ni Soccoro.

Tiningnan ni Ramon ang asawa bagi ito nagsalita.

“Kilala mo ako Soccoro, ang kahit sino mang nagiging balakid sa mga ginagawa ko, hindi ko hinahayaang magtagal, bueno, kumusta ang anak mo at anak niya,” ani ni Ramon.

“Hindi mo talaga matanggap na apo mo si Asha? Balang araw ay magiging katulad din naman natin siya kaya't bakit ‘di mo rin siya hubugin kagaya ni Joaquin? Di hamak na mas maigi kung sa kadugo natin mo ipapama ang mga kaalaman higit kanino pa man ‘di ba?” napangiti nang nakakaloko si Ramon sa sinabi ni Soccoro.

“Kadugo? Hindi tayo gaya ng mga tao na ginagawang pamantayan ‘yan Soccoro, ” ani ni Ramon at mas lumapit pa sa asawa, hinawakan niya ng marahan ang pisngi nito at hinimas ang kulay puti ng buhok.

“Kadalasan, ang kadugo pa ang mahirap pagkatiwalaan Soccoro, sila kadalasan ang nagsasanhi nang pagkawasan mo. Binigo na ako ng nag-iisa nating anak, kaya't mahirap ng magtiwala ulit, ” dagdag pa nito at tsaka tumalikod.

Sa kabila nang nagawa ni Maila noon, siya pa rin ang nais ng kaniyang ina na mamuno sa kanilang angkan balang araw, kaya't nang sumunod na araw ay pinuntahan niya ito sa kanilang tahanan.

***
Abala si Maila sa paghahanda ng kaniyang mga paninda nang biglang may naramdaman siyang presensiya sa loob ng kanilang tahanan, mabilis niyang nadampot ang gunting na nooy nasa gilid ng lamesa kung saan nakalagay din ang kaniyang mga paninda. Mabilis siyang humarap at itinutok ito sa kung sino man ang nilalang na nangahas na pasukin ang kanilang bahay ng walang pahintulot.

“Mabilis ka pa rin, anak nga kita Maila. Ikaw pa rin ang batang hinasa kong makipaglaban noon.” Nagulat si Maila ng malamang ang kaniya itong ina.

“Anong ginagawa niyo rito? ” tanong ni Maila.

“May umuubos sa lahi natin, nandito ako para paalalahanan ka Maila, walang ibang magbibigay ng proteksiyon sa anak mo kun'di ikaw lang. Nilagay mo siya sa dagat ng mga tao, sa tingin mo ba, hindi darating ang araw na manganganib ang buhay niya?” malumanay na sabi ng matandang aswang.

“Ayoko kong magaya si Maila satin, gusto ko siyang mabuhay ng no—” naputol ang sasabihin niya nang muli magsalita ang kaniyang ina.

“Normal? Nahihibang ka ba Maila?! Paano magiging norma si Asha sa ganoong itsura? Hindi mo ba naisip na habang nasa paaralan siya ay pinaglalaruan siya ng mga ka-klase niya, at ikaw ang dahilan kung bakit gano'n siya, pero maari mo siyang tulungan kung, gagawin mo siyang ganap na aswang. Nararamdaman kong malapit na akong mawala, at si Asha ang napili kong pagpasahan ng aking mutya, kapag tinanggap niya iyon, magiging normal ang itsura niya, subalit kapalit non ay ang paninilbihan niya sa dilim,” nakangiting wika ng matanda.

Hindi nagustuhan ni Maila ang kaniyang narinig kaya't sapilitan niyang pinaalis ang kaniyang ina subalit pumalag ito.

Sinabi niya na maaring sa anak niya may magawa pa siya, pero wala siyang magagawa rin kapag uutusan siya ng kaniyang ama na  sumama sa kanilang mga kasama sa pagpapalaganap ng kanilang lahi at pangbibiktima ng mga tao, dahil kung hindi buhay ni Asha ang magiging kapalit.

“Wag kang umusta na parang tao, alam kong nananabik ka na rin sa laman ng tao. Marami na ang nalagas sa atin, kaya't kailangan ka namin, maging aktibo kang muli kung gusto mong makasama pa ng matagal ang anak mo. Baka nakakalimutan mong hindi kumikilala ng dugo ang ‘yong ama kapag may sumalungat sa kagustuhan niya. ” Natahimik si Maila.

Nakakasama niya ang anak dahil pinagbigyan siya ng kaniyang ama, sinabihan siya nito noon na kapag nagkakaisip na si Asha ay kailangan niyang bumalik sa kanilang mga gawain at liban doon mahigpit na pinagbilin sa kaniya na ‘wag na ‘wag ng magkakaroon pa ng ugnayan o umibig pang muli sa isang mortal.

****
Sa paaralan naman ni Asha, nagtataka siya kung bakit pinagtitinginan siya ng mga tao sa paligid niya habang naglalakad.

Napansin niyang may tila nakadikit sa kaniya likuran kaya't pilit na inaabot niya ito. Isang papel na may nakasulat na huling aswang. Nang mabasa niya iyon ay biglang may bumangga sa kaniya na dahilan para matumba at lalong pagtawanan ng mga studyante.

“Naku lagot, baka aswangin kayo niyan dahil binangga niyo,” kantiyaw ng ilang lalaking studyante. Nakayuko lamang at pinipilit na tumayo ni Asha habang ‘di mapigilan ang pag-agos ng kaniyang mga luha.

“Sa itsura pa lang naman niya, halatang nagsasagawa na ng orasyon tuwing alas dose,” ani ng pamilyar na boses ng isang babae, ang ka-klase ni Asha na si Celeste na nang-aasar na sa kaniya at bumoto bilang muse.

“Alam mo Asha, kung ako sa'yo, ‘wag ka nang pumasok, dahil parang may hindi talaga magandang mangyayari samin dito eh, at ikaw ‘yong magiging dahilan. Halimaw!”

At ang lahat ay pinagtawanan muli ang dalaga, paulit-ulit niyang naririnig na tinatawag siyang aswang at halimaw, dahilan para tumakbo siya palabas ng paaralan na umiiyak, tiyempong uwian na rin ng mga sandaling iyon kaya't nagkunwari siyang parang walang nangyari pero labis na nasaktan siya sa pangungutya sa kaniya.

ASHA: ANG HULING ASWANGWhere stories live. Discover now