CONTINUATION...
Maingay sa store kaya napagkasunduan namin na lumipat sa isang lugar kung saan tahimik at makakapag-usap kami ng matino. Sa isang park niya ako dinala at huli na nang sabihin niya sa akin ang pangalan ng lugar na iyon—Love Park. 'Di ba? Ang tindi maka-awkward! At kung sino man ang nagpangalan sa park na ito, ang tamad niya mag-isip ng mas unique na pangalan!
Mangilan-ngilan lang ang tao sa paligid, puro matatanda pa. Naturingang Love Park pero bihira rin ang mga couple.
LIAM: Pasensya ka na kung binigla kita.
AKO: Si—sinadya mo 'yung pagkikita natin kanina?
LIAM: Hindi 'yun! Namimili talaga ako kanina! (At ipinakita ang mga pinimili niya bilang ebidensya) Ang tinutukoy ko, 'yung nangyari noong Friday.
AKO: Ahh...
LIAM: Hindi pa naman ako nanliligaw pero basted na ba ako agad?
Grabe 'yung pagkasamid dahil sa tanong niya. Biglaan kasi! Nag-panic nga siya nang halos 'di na ako makahinga at dahil wala rin siyang tubig, strawberry yogurt juice lang ang naibigay niya sa akin.
LIAM: Pasensya ka na wala akong Jungle juice. Okay ka na ba?
AKO: (Tumango) Babayaran ko na lang 'to.
LIAM: Kahit 'wag na. (Napakamot na lang sa ulo) Sorry, binigla na naman kita sa tanong ko.
AKO: Pasensya ka na rin noong tinakbuhan kita noong Friday. Hindi lang kasi ako sanay sa ganun.
LIAM: Pero basted na ba talaga ako?
AKO: (Kinabahan. Yumuko. Dahan-dahang tumango) Sorry.
LIAM: (Natawa kunwari pero halatang na-depress) Grabe, basted nga talaga agad. Parang 'di pinag-isipan.
AKO: Hindi naman. Umpisa pa lang kasi, ayaw ko muna talagang magkaroon ng lovelife.
LIAM: (Lalong na-depress)
AKO: Um... alam mo ba 'yung 7B's?
LIAM: (Umiling)
AKO: 'Books before boys because boys bring babies.' Alam kong nakakatawa pero seryoso kasi talaga ako sa paniniwala kong 'yun. Habang nag-aaral pa ako, wala munang ligaw-ligaw o boyfriend. Ayokong nadi-distract ako sa pag-aaral.
LIAM: Naiintindihan ko. (Pero depressed pa rin siya)
AKO: Pero salamat sa effort mo. Ikaw pa lang ang unang lalaki na gumawa ng mga bagay na 'yun para sa akin. Sa totoo lang, hanggang ngayon hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ako ang nagustuhan mo.
LIAM: Hindi ka naman kasi mahirap magustuhan.
AKO: Tingin ko ikaw rin naman.
LIAM: So does that mean na posibleng may chance pa rin ako?
AKO: Hindi. Wala talaga eh.
LIAM: (Na-depress na naman) Wala ka ba talagang preno kung mambasag ng puso?
AKO: Kaya nga mas pinipili kong maging tahimik na lang.
LIAM: Pero kahit na matindi ang pagiging straight-forward mo, alam ko naman na hindi mo talaga intensyon na manakit. Sa totoo lang, nakakagaan na rin sa loob na malaman na rin sa wakas ang sagot mo.
AKO: (Napangiti)
LIAM: At tsaka kahit basted mo na ako, gusto pa rin kita.
AKO: (Napasimagot. Nag-isip ng sasabihin) 'Wag kang mag-alala. Lilipas din 'yan.
LIAM: Matatagalan siguro lalo pa ngayong alam ko na ang ganitong side ng personality mo.
Sa pag-uusap namin ni Liam, may mga napagtanto ako. Una sa lahat, King of Depression siya. Konting kibot, depressed agad. Pangalawa, masokista siya. Nasaktan na, natuwa pa. Basted na nga, gusto pa rin daw ako. Ngunit ang pangatlo, boy space friend material din siya. Mabait at kumportable akong kausap siya.
AKO: May tanong pa ako. 'Yung picture na ginamit mo dun sa sticky notes confession mo. Paano mo 'yun nakuha?
LIAM: Mula doon sa notebook mo na nakita ko. Nang buklatin ko sa first page, nalaman kong sa 'yo pala kaya pinicturan ko pang-souvenir sana.
AKO: (Pabulong) Medyo creepy ha.
LIAM: (Narinig pala niya) Pasensya na.
AKO: Tapos naisip mong ikaw na mismo magbalik sa desk ko?
LIAM: Oo.
AKO: Grabe. Alam mo rin kung saan ako nakaupo. (Pabulong ulit) Mas creepy 'yun.
LIAM: (Narinig pa rin niya) Pasensya na ulit.
AKO: Hindi mo naman ba binasa 'yung mga nilalaman ng journal ko?
LIAM: Hindi.
AKO: Mamatay ka man?
LIAM: Grabe ka naman! Hindi ko talaga binasa, promise!
Dahil wala naman sa itsura niya ang magsinungaling, nakampante na ako roon. Nasagot na rin naman na ang lahat ng tanong ko kaya doon na natapos ang pag-uusap namin at nagpaalam na rin sa isa't isa.
And somehow, parang naging magkaibigan na rin kami. Magkita na lang daw ulit kami sa school at ang sabi ko naman, for sure hindi ko na siya ulit tatakbuhan.