Story 2 : PALAPAG

11K 338 75
                                    

-----

Mabigat ang bagsak ng mga paang tumatakbo sa hallway.

‘Anong palapag ito?’ naisip ni Karen.

Malabo ang imahe ng babaeng tumatakbo sa harapan niya. Pero nakikita niyang nakasabog ang mahabang buhok nito sa mukha sa tuwing nililingon ang mga hindi nakikitang nilalang na humahabol dito. Wala itong panyapak. Nakapantulog ng kulay puti.

Tuloy-tuloy ang pagtakbo. May kasamang mabigat na paghingal.

At nanonood lang siya.

Walang magawa. Walang maitulong.

Hanggang nakita niya ang babaeng sumampa sa pasamanong harang ng beranda ng palapag. At mula roon, walang pagdadalawang-isip na tumalon ito!

“Huwag!!!” sigaw niya.

Napamulat ng mata si Karen.

Pumapaling ang ikot ng bentilador na nakapwesto sa paanan ng higaan niya. Binubugahan siya ng mainit na hangin.

Napakurap-kurap siya.

Iyon na naman. Iyon na naman ang panaginip niya.

Ilang hapon at gabi na ba niyang napapanaginip ang babaeng iyon na tumatalon sa building?

Hindi na niya mabilang.

Tumunog ang cellphone na nasa uluhan ng higaan niya. Si Jana.

“Bakit?” tanong niya na abut-abot ang kaba dala ng panaginip.

“Bakit agad? Agad-agad? Gusto ko lang pong itanong kung nakabangon ka na at pwede akong samahan na mananghalian bago ka matigok diyan sa katutulog mo. Nakabalik na po ako galing sa paghahanap NATIN ng trabaho. Ang saya, di ba?”

Napangiti siya ng kaunti sa kaibigan. Napasulyap sa orasan na nakasabit sa dingding sa tagiliran niya.

Alas dos ng hapon. Napahaba na pala ang tulog niya.

“Okay, sige. Hapon na pala kaya nagugutom na ‘ko. Sa’n ba tayo? Sa pansitan?” tanong niya.

Ang tinutukoy niya ay ang paborito nilang pansitan sa tabi ng kolehiyo kung saan sila nagtapos ng kursong Hotel and Restaurant Management. Isang sakay lang iyon ng dyip mula sa tinutuluyan niyang apartment.

“Oo, doon. Kasi, doon ka rin bagay. Sa pansitan.”

“Ang taray lang talaga? Sorry na kung tinulugan kita. Hintayin mo lang ako diyan. Mga thirty minutes, nandiyan na ‘ko.”

Pagkatapos ng sinabi ay nagbaba na ng linya si Jana.

Agad naman siyang tumayo at nagmadaling maligo. Halos wisik lang ang ginawa niya, pampatanggal ng asim ng pawis. Mainit kasi sa apartment na tinutuluyan niya. Kahit magsanib-pwersa ang air-conditioner at bentilador ay walang naitutulong para palamigin ng kaunti ang temperatura. Isang bagay na ipinagtataka niya dahil maespasyo naman ang apartment.

Mataas ang renta niya - at ng mga magulang niya - sa silid kung saan siya nakatira mula ng mag-kolehiyo. Tubong Pampanga sila at bultuhang pagbebenta ng bigas ang negosyo. Nang matanggap sa kolehiyo sa Maynila ay nagsikap ang mga magulang niya na umupa ng komportableng apartment para sa kanya.

May sampung palapag ang gusali nila. Nasa ikaanim na palapag ang tinutuluyan niya. May tatlong dibisyon ito. Ang isang kuwarto ay napipintuan para sa silid-tulugan kung nasaan ang kama, kabinet at tokador. May entrada na kompleto sa bakal na pinto at pandobleng screen door. May maluwang na kainan at lutuan. At isang maespasyong banyo at paliguan.

Kwentong Hukay [Completed]Where stories live. Discover now