Wattpad Original
There are 3 more free parts

Kabanata 3

167K 6.9K 5.3K
                                    

[Kabanata 3]

"LUCAS," tawag ng lalaki mula sa pintuan ng hardin. Nakatalikod ako sa kaniya ngunit kahit ganoon ay malinaw pa rin sa akin ang kaniyang boses. Ang boses na iyon, ang boses na ibig kong marinig magmula sa aking paggising hanggang sa aking pagtulog. Napapikit na lang ako sa kaba, ni hindi ko na nagawang lumingon sa lalaking paparating.

"Inanyayahan tayo ni Doktor Victorino sa makalawa para sa organisasyon na kaniyang gagawin," patuloy nito, nagkatinginan naman kami ni Lucas. Ipinikit ko na lang aking mga mata. Ito na iyon. Sa wakas, matutuldukan na ang ilang taon kong paghihintay sa kaniya. Dumating na ang araw upang magtagpo muli kaming dalawa.

Llilingon sana ako nang biglang dumating ang ilan sa mga kalalakihang miyembro ng eskrima. "Enrique, Lucas, tayo raw ay magsasalo-salo ayon kay maestro," saad ng isang lalaki na sinundan ng mga tawa at biruan nila sa kung saang magandang kainan sila magtutungo.

Sa pagkakataong iyon, agad kong isinuot ang pantakip sa mukha na aking hawak at deretsong naglakad papalabas sa maliit na hardin na iyon. Napatigil sila sa pagtatawanan at pagkukwentuhan habang naglalakad patungo sa bukal nang mapadaan ako. Ramdam ko ang dosenang mata na sinusundan ako ng tingin hanggang sa makalabas ako ng pintuan.

Ibig ko nang makausap at makita muli ang mukha ni Enrique ngunit hindi maaaring malaman ng iba na may isang babaeng nakapasok sa kanilang pagsasanay ng eskrima.

"SA iyong palagay, mas nakabubuti ang aking ginawang paglisan kanina nang hindi man lang nakikita ni Enrique ang aking hitsura?" Hinihimas ko nang dahan-dahan ang mukha ng kabayo na si Tikas habang kumakain ito. Kasalukuyan akong nasa kuwadra ng aming mga kabayo na nasa sampu rin ang bilang.

Kulay itim at siyang pinakamalaki naming kabayo si Tikas. Tila tumugon ito sa akin sa pamamagitan ng pagtango. "Ngunit paano kung ako ay maunahan ng iba? Masama na ang aking kutob kung sino ang katatagpuin niya noong isang gabi. Ano sa palagay mo ang aking dapat gawin?" patuloy ko saka tinitigang mabuti si Tikas, abala lang ito sa pagkain. Dinagdagan ko pa ang mga pagkain niya upang ganahan siyang makinig sa akin.

Tumayo ako saka itinulak ang sisidlan ng mga damo at isinalin naman iyon sa kapatid ni Tikas na si Kisig. Kulay tsokolate si Kisig at mas matingkad ang kaniyang buhok at buntot. "Tila abala ang iyong kapatid sa pagkain, ikaw na lang ang tumugon sa aking mga katanungan," saad ko habang hinahawakan nang marahan ang kaniyang mukha.

"Sa lalong madaling panahon, kailangan kong mapalapit kay Enrique. Dalawang buwan lamang siyang mananatili rito sa San Alfonso. Babalik siyang muli sa Maynila upang mag-aral. Kailangan ako na ang nakatakdang babae para sa kaniya upang masanay ako ni Doña... Mas maganda kung ina na rin ang aking itawag sa kaniya dahil doon din naman hahantong ito," ngiti ko. Hindi ko mapigilang mamilipit sa tuwa dahil sa mga bagay na tumatakbo sa aking isipan tungkol kay Enrique.

Sumagot si Kisig na tila tumawa rin sa aking ideya. Ilang sandali pa, nagulat ako nang bumukas ang malaking pinto ng kuwadra at pumasok ang dalawang matangkad na binata.

"Magandang umaga, binibini," bati ni Ginoong Juancho, nakasunod naman sa kaniya si Lucas na ngayon ay isa-isang tinitingnan ang aming mga kabayo. Oras na ng siyesta, tila tapos na ang kanilang pagsasalo-salo sa tanghalian kasama ang kanilang maestro.

"Aking sinamahan si Lucas patungo rito, ibig niyang manghiram ng kabayo," patuloy ni Ginoong Juancho. Inilapag ko na ang sisidlan ng mga damo saka tumayo at humarap sa kanila. "Hindi ba't mas maraming kabayo ang Hacienda Alfonso?" tanong ko. Hindi mapalagay ang aking mga mata sa paglilibot ni Lucas sa aming kuwadra. Tila sinusuri na naman niya ang lahat ng aming kabayo maging ang kanilang mga kulungan.

"Dinala ni Don Matias ang kanilang mga kabayo patungo sa kabilang bayan upang salubungin ang ilang mga opisyal," tugon ni Ginoong Juancho saka muling isinuot ang kaniyang sombrero. Magsasalita pa sana ako ngunit naunahan ako ni Ginoong Juancho.

Bride of AlfonsoWhere stories live. Discover now