Wattpad Original
There is 1 more free part

Kabanata 5

132K 6.2K 6.9K
                                    

[Kabanata 5]

"K-KANINO mo nakuha ang singsing na ito?" gulat na tanong ng magandang babae na tila isa sa mga pasahero ng barko. Ang kaniyang mga mata ay nangungusap at maluha-luha sa hindi ko malamang dahilan.

Biglang bumulong sa akin si Berto, "Señorita, maaaring isang kawatan ang binibining iyan at balak niyang angkinin ang singsing kung kaya't huwag kang papayag," bulong ni Berto na agad sinang-ayunan nina Mang Eslao at Vito.

"Sa akin iyan, binibini. Nabitawan ko kanina kaya hinahanap namin ngayon," tugon ko, kinuha ko na iyon sa kamay niya. Wala na siyang nagawa. Magsasalita pa sana siya ngunit may dumating na dalawang ginoo upang kunin ang mga bagahe niya at inalalayan siya nitong sumakay sa isang kalesa.

Bago sumakay ang babaeng iyon sa kalesa ay muli siyang napalingon sa akin. Hindi ko mapaliwanag ang kakaibang lungkot na nakikita ko sa kaniyang mga mata magmula nang makita niya ang singsing.

PAGDATING namin sa pagamutan, maraming tao ang nakapila sa labas upang matingnan ng mga doktor. Halos nasa sampung doktor na ang miyembro ng samahan na itinatag ni Doktor Victorino. At lahat sila ay buong pusong ibig maglingkod sa mga tao nang walang bayad.

Agad akong nagmano kay ama. Masayang-masaya si ama habang ipinapaliwanag sa mga tauhan niya kung saan ilalagay ang mga gamot. "Bakit ganiyan ang iyong hitsura?" tanong ni ama saka kinilatis ang aking mukha.

Hindi ko rin batid kung bakit tila bigla akong nakaramdam ng kung ano nang makita ko ang babaeng iyon kanina sa daungan at ang sinabi nito. "O'siya, tiyak na napagod ka, anak. Mabuti pang umuwi ka na at magpahinga sa ating tahanan," wika ni ama. Humawak ako sa braso niya at nagpalinga-linga sa paligid ng pagamutan.

Natanaw ko sina Doktor Victorino at Ginoong Juancho na abala sa pagsisiyasat sa mga pasyente. "Ama, narito rin po ba si Enrique?" bulong ko sa kaniya, abala naman si ama sa pagbibilang ng mga dumating na gamot.

"Hindi yata siya dumating. Ang sabi ni Señor Lucas ay may pinuntahan sa kabilang bayan si Señor Enrique," tugon ni ama, napahinga na lang ako nang malalim. Wala na naman siya.

"May mga natira pa sa labas?" tanong ni ama sa mga tauhan niya at naglakad siya papalabas. Naupo na lang ako sa isang silya. Pinaghandaan ko rin ang araw na ito sa pag-aakalang darating siya rito sa aming pagamutan. Hindi rin siya dumating kagabi sa kasiyahan sa aming tahanan kasama ang bagong samahan ng mga doktor ni Doktor Victorino.

Ilang sandali pa, nagulat ako nang biglang may umupo sa silyang nasa tapat ko. "Kay aga-aga hindi na naman maipinta ang iyong mukha," panimula ni Lucas sabay buklat ng isang libro na nakapatong sa mesa.

Nagtaka ako nang ibaba niya ang libro saka tumingin nang deretso sa akin at inilahad niya sa tapat ko ang isang palad niya na animo'y nanghihingi ng limos. "Nasaan na pala ang aklat na ipinangako mong ibibigay mo sa akin?" wika niya na animo'y sinisingil ako ng utang.

"Nasa bahay," tugon ko, napakunot naman ang noo niya. "Akala ko ba ay ibibigay mo na iyon sa akin ngayon?" Napakunot din ang noo ko dahil para siyang batang inis na sumandal sa kaniyang upuan.

"Nakalimutan ko dahil kailangan kong gumising nang maaga kanina. Saka nasaan si Enrique? Akala ko ba ay madadala mo siya rito?" Kinuha niya muli ang librong binasa niya kanina. "May pinuntahan siya sa kabilang bayan," sagot saka sinimulang basahin iyon.

Nahuli kong tumingin siya sa 'kin ngunit ibinalik niya ulit ang kaniyang atensyon sa hawak na libro. "May mahalaga siyang kailangang gawin sa kabilang bayan kung kaya't hindi ko siya naisama rito," ulit niya. Napatikhim na lang ako saka sumandal nang maayos sa silya at ipinikit ko ang aking mga mata. Sumasakit ang aking ulo dahil ang aga kong gumising kanina at bukod doon ay matirik ang sikat ng araw sa daungan kaninang umaga.

Bride of AlfonsoWhere stories live. Discover now