"Anak, paano ba mag-text dito?"
Nilapitan ko si Nanay na kasalukuyang kinakapa ang bago niyang cellphone. Isa itong touch screen na Android phone na binili ko para sa kanya mula sa aking mid-year bonus. Hindi naman ito kamahalan, dahil sa dami ng murang Android phones ngayon ay makakahanap ka ng swak sa budget mo.
Bakit ko nga ba siya binilhan ang Android phone? Wala lang, gusto ko lang siyang regaluhan. At minsan na niyang nai-kwento na sa kolehiyong pinagtuturuan niya ay siya lang ang di pa naka "tatskreen" na phone. Kahit yung security guard, daig pa ako, naka-Samsung Galaxy siya! Natatawa niyang salaysay.
"Ganito iyon ma." Dahan dahan kong tinipa ang touchscreen niyang phone at ipinakita kung paano mag text. "I-press mo yung Message icon, tapos yung parang ballpen na nasa kahon na icon, tapos magsulat ka ng text mo."
Pinanood ko si Nanay habang ginagawa niya ang sinabi ko. "Eh paano ko ise-send?" tanong niya ulit.
"Eto... i-press mo yung taas ng screen, diyan lalabas mga contacts mo."
"Okay," bulong ni Nanay habang ginawa niya ulit ang sinabi ko. "Aba, biglang dami ng contacts ah!" Gulat niyang wika nang may lumabas na drop-down na listahan ng phonebook contacts niya.
"Ganyan iyan, Ma. Sige, ituro mo sa screen ang pangalan ko," udyok ko sa kanya. Tinipa ni Nanay ang phone book entry na Anak.
"Tapos tignan mo yung arrow icon sa lower right corner near your text message. Doon mo i-send."
Tinipa nga ni Nanay yung arrow icon. "Ayan, na-send na!" pangiti kong sinabi. Maya-maya ay nag message alert beep na ang phone ko.
"Tignan mo na message ko dali!" excited na sinabi ni Nanay.
Kinuha ko ang cp ko at binuksan ang text message. Sabi nito:
Asdfghjkl
"Ma, wala naman message eh!" Tawa ko nang makita ko ang text niya.
"Ano ka ba, nagta-try lang mag text!" natatawa rin niyang sagot. "Hayaan mo, matututo rin akong gumamit ng tatskreen phone!" pangako niya.
Hindi ko maikakaila ang kaligayahan sa mga mata niya kahit nangangapa pa siya sa bago niyang gadget.
A/N: Inspirasyon ko dito ang sarili kong ina na nangangapa pa rin ngayon sa paggamit ng touch screen phone. Pero enjoy siya sa pagwi-wifi. XD Go, ma!
Dedicated to Techkilla.
BINABASA MO ANG
Short and Sweet
Short StoryOne-shots written in Filipino and English. Disclaimer: Everything here is purely fictional, okay? May be inspired by real life events, but characters and settings are imaginary.