Kapirasong Langit

293 19 9
                                    

Napangiti ang batang nakaupo sa may gilid ng kalsada. Kasalukuyan niyang binibilang ang kanyang kinita ngayong araw mula sa paglalaho ng kendi at sigarilyo sa mga kalye ng Maynila. Tuwing hapon niya ito ginagawa, pagkatapos niyang pumasok sa eskwelahan sa umaga. Kahit tutol ang kanyang ina noong una ay pinilit niya ito na payagan siyang magtrabaho sa kalye, sa kadahilanang gusto niyang tumulong sa paghahanap-buhay. Dagdag pa riyan, may sarili na siyang baon, at di na niya kailangang manghingi sa nanay niya, na nagtatrbaho bilang labandera at plantsadora.

Binulsa ni Caloy ang kanyang pera at naglakad pauwi sa kanilang tirahan sa malapit na squatters' area. Habang nasa daan ay pinagmasdan niya ang mga rumaragasang sasakyan, mga naglalakihang tirahan, isang kilalang shopping mall, at isa pang kilalng fast food chain na hindi pa niya napapasok kahit minsan sa talambuhay niya. Bigla niyang naramdaman ang pagkulo ng kanyang sikmura, at napatigil siya sa harapan ng nasabing establisimento.

Dumungaw si Caloy sa babasaging bintana habang pinapanood niya ang mga taong labas-masok sa loob. Naiipon ang mga tao na nakapila para bilhin ang kanilang gustong kainin. May mga nakaupo sa mga lamesa habang nilalasap ang kanilang burger, fried chicken, o spaghetti. Sa di-kalayuan ay mayroon isang batang lalaki na kasing-edad niya. Kasama nito ang kanyang mg magulang at halata ang kaligayahan sa kanilang pinagsaaluhang hapunan.

May kung anong kirot ang kanyang naramdaman. Isa itong paalala na di pantay-pantay ang buhay dito sa mundo. Napaisip tuloy si Caloy kung makakaalis pa ba siya sa buhay na kinasadlakan niya. Makakapasok din kaya siya sa fastfood na ito at makakakain ng spaghetti kasama ang kanyang ina?

Kahit ano namang ipon ang gawin niya ay di siya papayagan ng ina na magluho sa pagkain. May mas importanteng bagay na dapat mong paglaanan kaysa ang kumain ng maluho, minsang sinabi ng ina niya nang hiniling niya na bilhin siya ng cake noong huli niyang kaarawan. Tahimik na lang siyang sumang-ayon dito habang naghahapunan ng pansit at pandesal. Kahit masakit sa kalooban ay tanggap niya iyon muna ang kaya nila sa ngayon. Konsuelo na lang niya na nakakain siya ng pansit noong kaarawan niya.

Kailan kaya ako makakakain ng spaghetti sa bertdey ko? tanong niya sa sarili habang pinapanood ang batang lalaking kumakain ng spaghetti sa loob ng fast food store.

Tumalikod na si Caloy at akmang lalakad palayo nang may tumawag sa kanya.

"Boy, gusto mo bang kumain sa loob?"

Lumingon siya sa direksiyong pinanggagalingan ng boses. Nakita niya na may isang binata na naka bihis pang-opisina. Nakangiti itong bumungad sa kanya.

"Eh..." Hindi siya makasagot. Nahihiya siyang tumingin nang palayo.

Lumapit sa kanya ang binatang naka-porma at sinabing "Libre ko. Sabihin mo ang gusto mong kainin," pag-aalok nito.

"Nakakahiya naman po..." bulong niya.

"Ano ka ba, libre ko naman! Pasok na tayo sa loob!" Inakay si Caloy ng binata papasok sa loob ng fast food store.

Mangahang-mangha si Caloy sa unang beses niyang pagtungtong sa loob. Ang bango ng mga pagkaing hinahanda, tapos ang lamig pa kasi naka-air con ang lugar. Medyo giniginaw siya, dahil manipis lang ang t-shirt at shorts na suot niya.

"Anong order po nila?" tanong ng kahera sa counter. Medyo inirapan nito si Caloy dahil sa gayak niya.

"Anong gusto mo, boy?" tanong ng kasama niya.

"Ah... spaghetti po," sagot ni Caloy.

"Sige, isang spaghetti meal. Ganoon din sa 'kin," sagot ng binatang naka-pustura. Agad hinanda ang kanilang order at maya-maya ay nakahanap sila ng pwesto ng kanilang pagkakainan.

Nilanghap ni Caloy ang masarap na amoy ng spaghetti, at pagkatapos ay sinimulan niya itong kainin. Habang kumakain ay napatingin siya sa kuyang nanlibre sa kanya ng spaghetti.

"Kuya, salamat po. Pero bakit niyo po ako nilibre? Di ko naman kayo kilala," wika niya.

"Wala lang," ngiti nito. "Nakita ko kasi ang sarili ko sa iyo noong nakadungaw ka sa bintana."

"Huh?" pagtataka ng bata.

"Matagal na kitang nakikita na naglalaho ng kendi at sigarilyo sa kalye. Bumili na ko sa iyo minsan, siguro di mo lang matandaan. Dati rin akong nagtitinda ng sigarilyo sa kalye kagaya mo. Nagsumikap lang ako na bigyan ang sarili ko ng magandang buhay. Habang nagta-trabaho ay nag-aaral ako. Nakagraduate ako na valedictorian noong high school, at nagka-scholarship ako sa kolehiyo. Patuloy akong nagtrabaho habang nag-aaral. Sa awa ng Diyos, nakapagtapos din, at nabiyayaan ng maayos na trabaho."

Namangha si Caloy sa kwento ng binata. "Pu-pwede ka talagang maka-alis sa hirap?"

"Oo naman. Di mo naman kasalanan kung pinanganak kang mahirap. Ang importante, nagsusumikap. Karapatan mo ang isang magandang buhay na nakakamtan sa maayos na pamamaraan," paalala sa kanya ng binata.

"Wow," bulong ni Caloy. "Sana nga maging kagaya mo ako. Gusto ko kasi, makakain lang ng spaghetti sa susunod kong bertdey."

"Ayan na nga, di mo pa bertdey, pero nakakain ka ng spaghetti."

Ngumiti si Caloy at nagpatuloy sa pagkain.

Nang matapos na sila ay doon sila lumabas. "Saan ka nakatira? Ihahatid na kita," alok sa kanya ni Kuya.

"Diyan lang po sa malapit. Kaya ko naman lakarin," gracioso niyang sagot sa binata. "Ah teka, nasaan po pala mga magulang niyo?" bigla niyang tanong.

"Oo nga pala... matagal na silang wala, mula nang bata pa ako. Namatay sila sa lumubog na barko, tapos lumaki ako sa lola ko. Later on, pumanaw na rin si lola noong college ako, kaya mag-isa na lang ako sa buhay," malungkot niyang wika. "Ikaw, sinong kasama mo?"

"Nanay ko po. Wala na po si tatay."

Natahimik silang pareho.

"Ay sige po, Kuya, mauna na po ako. Salamat po sa spaghetti!"

"Ingat ka, hijo!"

Ngumiti siya rito at pagkatapos ay umalis na rin.

Umuwi si Caloy na maligaya ang kanyang puso. Dahil sa spaghetti, natikman din niya ang kapirasong langit na minsan niyang pinangarap.

At dahil sa mabait na binatang iyon, nalaman niya na pwede palang makamtan ang pag-asa na kanyang inaasam.

☆☆☆

"Nay, may uwi po ako sa inyo."

Lumapit si Caloy at nagmano sa ina. "Ginagabi ka na yata," ngiti niya sa anak.

"Ganun po talaga ang trabaho ko. Maya't maya, may meeting sa mga kliyente."

"Basta, huwag mo pababayaan sarili mo. Teka, ano iyang uwi mo?"

"Spaghetti po, nay. Halika, maghapunan na po tayo."

Inihanda ni Caloy ang hapag-kainan at tahimik nilang kinain ang kanilang hapunan.

"Anak, proud ako sa iyo."

Binasag ng kanyang ina ang nakakabinging katahimikan. Nailapag ni Caloy ang kanyang kubyertos. "Ma naman, proud din naman ako sa iyo." Maluha-luha siyang napangiti dito.

"Mas matimbang yung sa akin. Hindi ka kasi napariwara. Nag-aral ka, nagtapos, at ngayon ay may maayos kang trabaho. Isa pa, may sarili na tayong bahay. Sige na, pwede ka nang mag-asawa!" dagdag biro pa nito.

Hinawakan ni Caloy ang kamay ng kanyang ina.

"Dahil sa spaghetti, nalaman ko na pwede palang mapasa-iyo ang kapirasong langit na akala mo ay sa panaginip lang pwede."

"Oh, anong kinalaman ng spaghetti sa buhay natin?"

"Wala, ma." Napangiti ito sa alaala ng binatang minsan siyang nilibre ng spaghetti ilang taon na ang nakararaan. "Basta, ma, kumain ka na lang diyan!" tawa nito.

A/N: Sumusubok akong sumulat ng one-shots na di puro usual romance. Hehe, sana nagustuhan niyo ito. Salamat sa pagbasa!

Dedicated to justmainey. 

Short and SweetTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon