Exodus 25: Exodus

2.8K 66 0
                                    

Nagpasya na kami ni Helen na bumalik sa amin mga kuwarto upang matulog.
 
Akala ko kanina mabibisto na talaga ako. Buti na lang napanindigan ko pa rin na may amnesia ako.
 
Pagpasok ko ng kuwarto ay nakita kong mahimbing na natutulog si Zayne. Buti pa siya nagagawa niya na makatulog ng malalim at mahimbing. Sana ako makatulog na rin pagkahíga ko sa kama.
 
Humiga na ako sa kama at hinila ang ang kumot sa aking katawan. Ipinikit ko na ang aking mga mata upang matulog.
 
"Urrrrrghh." Ano iyon? Parang may narinig akong umungol.
 
"Urrrrrghh... Exo..." Umungol na naman ulit. Idinilat ko na muli ang aking mga mata. Bumangon ako sa pagkakahiga. Nanlaki naman ang aking mga mata nang nakita ko si Zayne na lumulutang sa kama habang natutulog at umuungol.
 
"Urrrrghh... Exo... dus..." Patuloy lang si Zayne sa pag ungol habang lumulutang sa kanyang kama.
 
"Exo... dus..." Napakunot naman ako ng aking noo nang narinig ko ang inuungol na salita ni Zayne. Exodus.
 
"Urrrrgh... Exodus... Exodus..." Paulit-ulit na inuungol ni Zayne ang salitang Exodus. Kung hindi ako nagkakamali ang Exodus ay ang kaharian na pinanggalingan ni Cassiopeia at ng nawawalang anak ni Haring Elijah na si Enrys.
 
"Exodus... Exodus... Exodus..." Bigla akong nakaramdam ng pagkakilabot. Tumaas ang aking mga balahibo. Hindi kaya si Enrys na nawawalang anak ni Haring Elijah ay walang iba kundi si---teka ano itong nakikita ko? Biglang lumutang sa ere ang kupas na papel na ninakaw ni Zayne sa antique shop. Lumiliwanag at kumikinang ito. Kulay ginto ang nililikha nitong liwanag at kinang. Pumaibabaw ito sa dibdib ni Zayne. Sa sobrang liwanag at kinang nito ay halos masilaw na ako. Napapikit na ako ng aking mga mata at naiharang ang kanang braso ko dahil sa sobrang pagkasilaw. Iminulat ko bahagya ang aking mga mata. Nakita ko ang kuwintas na binigay sa akin ni Cassiopeia ay nagliliwanag na rin. Ano ang ibig sabihin nito?
 
Mayamaya pa ay tumigil na rin ang nakakasilaw na liwanag na nagmumula sa kupas na papel na pumaibabaw sa dibdib ni Zayne. Pati ang kuwintas ko tumigil na rin sa pagliwanag. Hindi na nakalutang si Zayne sa ibabaw ng kanyang kama.
 
Tumayo naman ako ng aking kama at nilapitan si Zayne na mahimbing na natutulog. Kinuha ko sa ibabaw ng kanyang dibdib ang kupas na papel. Pinagmasdan ko ito ng mabuti. Malakas ang kutob ko na ito na ang nawawalang pahina ng epilogo. At si Zayne maaari na siya si Enrys ang nawawalang prinsipe ng Exodus na itinago ni Cassiopeia sa hinaharap. Pero kailangan ko makasigurado. Isang bagay lamang ang makakapag patunay na si Zayne at Enrys ay iisa sa pamamagitan ng birthmark o balat na ekis na sumisimbolo sa kaharian ng Exodus. Maari kong matagpuan ang balat na ito sa braso ni Zayne.
 
Hahawakan ko na ang braso ni Zayne para malaman kung may birthmark ba siya na hugis ekis. Ngunit nang itataas ko na ang manggas ni Zayne ay bigla siyang nagising. Napaatras ako at natumba sa sahig. Nabitawan ko naman sa gilid ng kama niya ang epilogo.
 
"O, Migz anong ginagawa mo diyan?" Tanong bigla ni Zayne habang humihikab pa.
 
"Ah... eh... ano kasi may hinahanap lang ako." Pagpapalusot ko.
 
"May hinahanap ka? Ano ba iyon?" Tanong sa akin ni Zayne. Napatingin naman bigla si Zayne sa gilid ng kanyang kama. Napansin niya ang epilogo na nandoon. Kinuha niya ito at ibinalik sa ilalim ng kanyang unan.
 
"Ah, wala. Bukas ko na lang hahanapin. Sige, good night Enrys---este Zayne pala." Sabi ko kay Zayne at dalidali akong nagpunta ng kama at nagtalukbong ng kumot. Bukas ko na lang aalamin ang katotohanan kung si Zayne at Enrys ay iisa nga lang ba.
 
Kinabukasan ay pareho kami maaga nagising ni Zayne kaya sabay na rin kami nag ahagan sa canteen.
 
"Narinig kitang umungol na naman habang natutulog kagabi. Nanaginip ka na naman ba ulit ng masama Zayne?" Tanong ko kay Zayne habang nilalaro ang kutsarita na nasa tasa ng aking kape.
 
"Wala naman akong naaalala na nanaginip ako maliban na lang noong naalingpungatan ako at nakita kitang may hinahanap. Ano nga pala ang hinahanap mo kagabi Migz?"
 
"Wala lang iyon." Sagot ko sa kanya. Nang biglang may naramdaman akong kamay na pumatong sa kanang balikat ko. Nilingon ko ito at nakita si Helen.
 
"Hi, puwede ba makishare ng lamesa sa inyo? Occupied na kasi ang ibang lamesa." Nakangiting sabi sa amin ni Helen habang daladala ang isang tray ng kanyang breakfast.
 
"Sige, puwede naman." Tugon ko kay Helen.
 
"Pupunta ba kayo mamaya sa public viewing?" Tanong sa amin ni Helen.
 
"Oo, pupunta kami ni Zayne. Pero baka hindi kami agad pumunta ng alas otso ng umaga. Baka alas nuwebe na lang. Pagkatapos kasi namin kumain ni Zayne maliligo pa kami at gagayak." Sagot ko kay Helen at paktapaos ay uminom naman ako sa tasa ng aking kape.
 
"Tamang-tama magkakaroon ng small program mamayang 9:30 am at magbibigay ng speech ang atin dean para sa mga naiwang pamilya ng mga estudyanteng namatay kahapon. Pagkatapos naman ng speech ng dean ay kakanta ako sa program habang isinasagawa ang flower offering sa mga kabaong ng mga namatay na estudyante mamaya sa garden. I'll expect both of you to come." Kuwento sa amin ni Helen.
 
Magkakaroon pala ng small program mamaya sa public viewing.
 
Sinipat ko naman ng tingin ang wall clock na nakasabit sa pader ng canteen. 7:30 am pa lang. Bigla akong napahikab ng malakas. Napansin naman ito ni Helen.
 
"Kulang ka ata sa tulog kagabi Migz." Puna ni Helen sa akin.
 
"Medyo." Matipid kong sagot.
 
"Siguro malakas humilik si Zayne kaya hindi ka nakatulog agad no?" Sabi ni Helen sabay tawa.
 
"Uy, grabe ka naman Helen ang tahimik ko kaya kung matulog." Depensa naman ni Zayne sa kanyang sarili.
 
"Hindi ka nga humihilik pero ang lakas mo naman umungol kapag tulog." Asar ko naman kay Zayne at sabay kami ni Helen na tinawanan si Zayne.
 
"Ang sama ninyong dalawa. Maiwan ko na nga kayo diyan. Babalik na ako sa kuwarto para maligo." Nakasimangot na turan sa amin ni Zayne. Halatang naasar siya sa amin ni Helen.
 
"Okay, sige. Sunod na lang ako sa kuwarto mamaya." Sabi ko naman kay Zayne at pagkatapos ay umalis na ng canteen si Zayne para bumalik ng kuwarto.

Exodus (Completed)Where stories live. Discover now