Propose Ka Muna

895 80 28
                                    

• Pia •



"Sana puwedeng mahiga na lang buong maghapon."

Napasulyap ako kay Ferdz sa kanan ko. Ang lalim ng buntonghininga ko at tumingin ulit sa malinis na langit.

"Sana nga," sagot ko.

"Lapit na graduation."

"Oo nga."

"Buti makaka-graduate ka na," sabi niya na hindi ko alam kung nang-aasar ba o ano.

"Hindi pa nga ako nakakabayad sa toga," sabi ko.

"May allowance ka for that, di ba?"

"Nabili ko ng poster paper saka pintura."

"Priorities mo talaga, Piyang, ginugulo talaga ang theory ni Maslow."

Tinawanan ko 'yon at saglit na sinilip ang mukha niya. "Med school ka na ba? Nakapag-NMAT ka na ba?"

"Yes. Wala pa nga lang result."

"E di, doon ka na sa malayo."

"For sure."

Natahimik kaming pareho. Saglit kong inurong palapit sa kanya ang nakalatag na kartong hinihigaan ko. Ang payapa talaga rito sa rooftop ng dorm nina Ferdz, walang tumutulong kung ano sa kisame na may sumisilip na kung ano-anong insekto sa sulok-sulok.

Mas masarap pang tumambay kasi malamig kahit maaraw. Saktong tapat lang kaming dalawa sa anino ng tangke ng tubig.

Graduation na naming dalawa next month. Sampung araw na lang, magpi-picture taking na para sa yearbook. Lahat ng pambayad ko, ginastos ko na, maghahanap pa ulit ako ng pera pamalit sa mga nagastos ko.

Nakatitig pa rin ako sa langit nang bigla siyang pumaling paharap sa 'kin.

"Piyang."

Napalingon tuloy ako sa kanya. "Bakit?"

"Pakasal tayo."

Nagusot tuloy ang mukha ko, hindi ko alam ang isasagot. Ang kadiri naman nito.

"Pupunta ka nang law school, di ba?" tanong niya.

"O, ano ngayon?"

"Pupunta na 'kong med school."

"Oo nga. Tapos?"

"Hindi ko alam kung saan ako uuwi, e."

"Problema ko pa ba 'yon?"

Inginuso niya ang likuran ko. "Mura lang pakasal diyan sa labas."

Ang abnoy talaga, naturingang cum laude pa man din. "Gago, kapag namatay ako sa rally, magpapakasal ka ulit! 'Tanga nito." Ibinalik ko na lang ang tingin sa langit pero nakasimangot na.

"Hindi ka muna mamamatay kasi gagamutin muna kita . . ." paliwanag niya.

Ang kadiri talaga nito.

". . . for free."

Bigla akong napalingon sa kanya. Napakuwenta agad ako kung magkano ba ang hospital bills at gamot na binibili ko kada napapasubo kami sa rally?

Nasa isanlibo ba? O hindi naman, mas mababa pa?

"Sagot ko na health insurance mo."

Napabangon agad ako. "E di, tara na. Saan ba 'yan?"



to be continued . . .

The Better HalfWhere stories live. Discover now