El Kyu

640 85 73
                                    


Ang tahimik. Sumusulyap ako sa kanya, mag-iiwas ako ng tingin kapag natitiyempuhan kong nakatitig siya sa 'kin. Mag-iisang oras nang tahimik sa loob ng unit niya sa dorm, nakaupo ulit sa sahig kasi lahat ng mesa niya, okupado ng libro. Hindi na siya nagsalita pagkakita niya sa 'kin. Basta lang niya ako binigyan ng chicken drumstick na marinated sa masarap na sauce tapos wala na siyang sinabing kahit na ano.

"Kung ayaw mo na 'ko rito—"

"Ano'ng nangyari sa mukha mo?" tanong niya, pero dinig ko ang inis doon na hindi naman niya normal na tono tuwing nagsasalita.

Napaiwas tuloy ako ng tingin.

Galing kasi kami sa rally kahapon. Nahampas ako ng batuta sa mukha saka sa balikat. Pero kaya namang yelohan. Hindi nga lang naagapan ang pasa sa gilid ng mata pero hindi naman na masyadong masakit. Nagkaroon lang ng blood clot sa kaliwang mata ko kaya pulang-pula ang halos lahat ng puting parte saka may ilang gasgas ako sa braso.

Pero hindi ako naospital. Hindi naman na kailangan.

"Alam mo . . . gusto kong magsalita . . . pero baka kung anong masamang bagay lang ang masabi ko."

Napaangat ako ng tingin para lang tingnan siya. Mabigat ang paghinga niya at kunot na kunot ang noo.

"Gano'n talaga minsan. Hindi naman maiiwasan 'tong ganito, siyempre, humaharap ka sa mga pulis. Kung magkagulo, talagang magkakagulo," paliwanag ko sabay kagat sa manok.

"Hindi 'yon ang point, Sophia. Nakikita mo ba ang sarili mo ngayon?" naghahamong tanong niya. "Dumudugo ang mata mo. May hiwa ka pa sa labi. Ang dami mong galos. May pasa ka pa sa braso—ang laki niyan, o!"

Itinuro niya ng sign pen ang pasa ko sa brasong halos sinlaki na nga ng isang buong palad.

"Mawawala rin 'yan. Gumagaling naman ang tao, e," katwiran ko.

Buntonghininga lang ang isinagot niya sa 'kin. Pagkaubos ko ng tatlong drumstick, kung kumilos siya sa loob ng unit, parang hindi niya ako nakikita. Umalis na lang ako. Alangan namang iparamdam niya sa 'kin buong oras na magkasama kami na parang hindi kami magkasama.

'Yon ang unang beses na naramdaman kong nagalit siya. Hindi niya ako sinigawan, hindi niya ako ipinahiya. Basta hindi lang niya ako pinansin. Buong araw, wala. Kinabukasan, wala na talaga.

Sa isip-isip ko, buhay ko ang dahilan ng galit niya. Ipinaglalaban ko 'yon bago ko pa siya makilala. Hindi siya puwedeng magalit sa isang bagay na existing na bago pa siya mag-exist sa buhay ko.

Nagpapasalamat ako sa ilang linggong panlilibre niya sa 'kin ng pagkain at pagpapatira sa dorm niyang walang lumulundong kisame, pero kung ayaw niya ng kaibigang aktibista, maghanap siya ng iba, hindi sasamâ ang loob ko.

Isang buong araw ko ring sinasabi 'yon sa sarili ko. Na, "Kung ayaw mo na 'kong makita, wala akong pakialam. Kapag umuwi ako sa amin, mas marami roong pagkain. Saka may yaya ako. Tingin mo sa 'kin, impoverished?"

Tapos bigla akong lilingon sa likuran ko. Wala lang, kasi madalas siyang manggulat, biglang lumilitaw sa kung saan.

Natapos ang mga klase kong tinitingnan ako ng mga kasama ko sa room na para bang tinubuan ako ng isa pang ulo. Ang sinasabi ko sa sarili ko, uuwi muna ako sa bahay namin sa Don Antonio para hindi ako nag-aalala sa kisame namin sa dorm.

Pero paglubog ng araw, ang utak ko, kating-kati magpaliwanag kay Ferdz kung bakit ko kailangang gawin ang ginagawa ko.

Kumatok ako sa unit niya at pagbukas ng pinto, ang tamlay agad ng tingin niya sa 'kin.

"Gusto ko lang sabihin na kaya ko inilalaban ang karapatan ng mga hindi ko kaano-ano, kasi walang lumalaban para sa mga karapatan nila. Kung tingin mo, kasalanan ko kaya basag ang mukha ko ngayon, bakit hindi mo tanungin ang mga pulis, e sila ang bumasag ng mukha ko? Nasa mandato ba nilang saktan ako at mga kasama ko? Trabaho nilang protektahan ang mga tao, di ba? Bakit hindi ka sa kanila magalit? Saka bakit ka ba nagagalit? Kasi salot ako sa lipunan? Kung salot sa lipunan ang tingin mo—"

The Better HalfWhere stories live. Discover now