Ang Aktibista

739 62 15
                                    


"Sophia!"

Nanlaki ang mga mata ko nang makita sina Tonying na tumatakbo palapit sa amin. May nakasunod sa kanilang dalawang parak kaya ang tulin ng takbo namin nina Tere papasok sa eskinita.

Makipot doon, amoy imburnal. Kada tapak sa semento, magtatalsikan talaga ang putik na may maliliit na bulate. Kapag minalas-malas ka, lulusong ka roon kapag natanga ka sa pagtakbo.

"Doon sa loob! Pasok doon sa loob!"

Kapag hinahabol kami ng mga pulis, bawal ang hindi alerto kundi sa estasyon talaga kami makikita ng nanay ko.

Pumasok kami ni Tere sa loob ng isang bahay. Nagulat ang mga naroon na nanonood ng TV.

"Sorry po, may daan po ba rito palabas?" sabi ni Tere, hinihingal pa.

Walang nagsalita sa mga nasa loob ng bahay, itinuro lang ang kusina nilang bukas ang pinto at may daan nga roon papuntang kabilang kalsada.

Mabilis kaming tumakbo roon palabas hanggang makaabot kami sa sakayan ng tricycle.

Hinihingal akong sumandal sa may punong mangga na katabi ng placard ng pangalan ng TODA roon.

"Tere, una na 'ko! Kukunin ko yung pintura sa unit! Balik tayo bukas!" paalam ko saka hinihingal na pumuwesto sa gilid ng kalsada para mag-abang ng jeep na iikot sa Philcoa.

"Kita na lang tayo sa room bukas!" sigaw ni Tere pagsakay ko ng jeep.

Dumungaw ako sa bintana saka sumigaw rin habang nakalingon sa kanya. "Sabihan mo na lang sina Tonying!"

"Sige!"

Bumalik ako sa maayos na pagkakaupo at napatingin sa braso kong namamanhid at nangingitim na nang kaunti.

Nangalampag kami kanina sa gate ng agrarian kasama ng ibang nagra-rally roon para sa lupang sakahan. Nagkainitan kaya napalaban tuloy kami.


• • •


Pia Divinagracia. Kapag isinisigaw 'yan ng mga prof, tumatawa agad ang mga kaklase ko, kasi ang susunod niyan, sermon na.

Late. Walang ipinasang paper. Hindi mahanap tuwing recit. Pero wala pa akong ibinabagsak na exams.

Sinasabi ko lagi sa mga prof ko na kaya ako late, dahil ipinaglalaban ko ang karapatan ng mga taong hindi kayang ipaglaban ang karapatan nila. At kung nagtuturo ka sa political science at ang tingin mo sa paglaban sa karapatan ay hadlang sa pag-aaral, magda-drop ako sa subject mo, hindi ka dapat tawaging prof.

Ayun, two years na 'kong second year. Mina-master ko na nga maging sophomore.

Pero hindi ako nagsisisi. Ang grades, grades lang 'yan. Ang experience, hindi 'yan kayang ibigay ng mga propesor mong ang utak, ekslusibo lang sa loob ng room.

Kapag lumalabas kami sa kalsada, automatic, salot ang tawag sa amin. Lalakad ka sa kalsadang pagkainit-init, magrereklamo ka sa gobyerno na hindi man lang maibigay ang karapatang dapat tinatamasa mo, magrereklamo ka sa hindi pantay-pantay na pagtrato sa mayaman at mahirap, manghihingi ka ng resulta ng pagboto mo noong nakaraang eleksiyon—at kapwa mo mismo ang tatawag sa 'yong salot sa lipunan.

Ilang beses na nga akong tinanong ng mga prof ko, anak ba raw ako ng magsasaka o trabahador at kung makareklamo ako sa pamahalaan, parang malaki ang utang sa akin ng mga nasa Malakanyang.

Ang lolo ko, dating senador, ipinangalan pa sa kanya ang isang kalye sa kyusi. Ang tatay ko, konsehal. Ang nanay ko, may-ari ng limang patahian ng uniporme sa Maynila.

Mahirap ba kami? Hindi. Kapag nasa bahay nila ako, kaya kong kumain sampung beses isang araw.

Kapag nandoon ako sa bahay ng mga magulang ko, hindi ko ramdam ang buhay ko sa labas.

Gigising ako, paghahandaan ako ng almusal ng mga yaya sa bahay, magbababad sa telepono maghapon kapag walang pasok. Makakapag-disco pa sa gabi.

Ang problema kasi, araw-araw, magulo. Pero kapag nasa itaas ka, hindi mo 'yon mararamdaman. Titingin ka lang sa mga taong nahihirapan at babalewalain sila na parang wala kang nakita.

At ayoko n'on.

Ang gusto ni Daddy, mag-take ako ng polsci para puwede akong tumakbong congresswoman sa mga susunod na taon kasi ilalakad daw niya 'yon sa mga kapartido niya.

Kaso, ang naging resulta, naging aktibista lang ako dahil sa kaparehong kurso.

Siya naman ang may gusto n'on. Gusto ko ngang maging beterinaryo, pinilit lang niya 'kong kunin 'to. Ngayon, magagalit siya. 'Problema niya rin talaga sa buhay, damay ako.

May dorm kami sa loob ng campus, doon ako dumeretso. Bihira ang maingay na gabi sa dorm. Masisita kasi ng guard. Pero mas malala ang mga hall tuwing gabi kasi maliban sa iilan na nga lang ang ilaw na bukas at gumagana, hindi mo pa alam kung ang kasabay mo e multo o cramming sa exams. Basta pareho silang mukhang nakakatakot.

Makakakita ka ng babaeng nakaputi at umiiyak sa may hagdan. Ido-double check mo pa kung multo o pred-med student lang na bumagsak sa quiz niya. Madalas, tutusukin mo pa ng stick o kaya sisipain mo para malaman kung tatagos ka sa kanya. Mga ganyang dilemma tuwing gabi na makakasanayan mo na lang katagalan.

Ang dorm pa naman namin, mukhang apartment noong panahon ni Rizal na ide-demolish na lang kasi umabot na ng 50-year building life niya.

Nagmo-mold na ang mga pader, nagbabakbak ang mga pintura, may tumutulo sa sulok ng kisame. Hindi ka naman makareklamo kasi nairereklamo mo na siya buwan-buwan. Magrereklamo ka tungkol sa basag na bintana, bibigyan ka ng free three-day stay na never namang na-credit, magbabayad ka pa rin ng same rate sa miscellaneous.

May kung ano talaga sa mga policy na ginagawa kang bobo ng mga nagpapatupad at kasalanan mo pa kapag in-address mo sa kanila ang kabobohang 'yon.

Alas-nuwebe ng gabi, nakatanggap ako ng message sa pager, nasa ibaba raw sina Tonying. Saglit akong bumaba para i-check sila pero minalas-malas talaga ako ngayong araw, patawid pa lang ako sa kalsada papuntang field, biglang may bumangga sa aking mabigat na bagay.

At hindi ko na alam ang sumunod na nangyari.



to be continued . . .

The Better HalfWhere stories live. Discover now