Chapter 4

4.2K 578 154
                                    

"Congratulations, Ruthie!" masiglang bati ni Anemone sa kanya pagkatapos ng huling klase nila nang araw na iyon. "Kamuntikan ko pang makalimutang batiin ka sa pagkapanalo mo. Pasensya ka na hindi ako nakapunta, ha," dugtong nito.

Isa-isa nang nagsilabasan ng silid ang mga kaklase nila hanggang sa silang dalawa na lang ang naiwan sa loob.

Tipid niyang nginitian ang kaibigan at marahang umiling. "Ikaw naman, okay lang. Alam ko namang may responsibilidad ka sa Villa Altieri." Ang sabi kasi sa kanya ni Anemone ay tinutulungan nito ang mga magulang sa pagmimintina ng Villa bilang iyon ang primerang obligasyon ng mga ito.

Kinalap na niya ang kuwaderno at libro nila nang muling magsalita ang dalaga.

"Ang totoo'y nagkasakit kasi ako. Mataas ang lagnat ko noong gabi ng programa kaya kahit gustuhin ko mang puntahan ka ay hindi kaya ng katawan ko."

Natigilan siya sa sinabi nito at nanatiling nakatungo at nakapako ang mga mata sa kanyang mga gamit. Kahit hindi na ipaliwanag sa kanya ni Luther ang dahilan nito ay madali na niyang maipagtatagpi ang mga pangyayari. Hindi ito nakapunta sapagkat inalagaan nito si Anemone.

Napabuntong-hininga siya at pilit na itinulak sa likod ng dibdib ang sakit na kumudlit sa puso niya. Sa simula palang ay maliwanag naman na sa kanya na hindi niya kayang pantayan ang pagtingin ni Luther kay Anemone.

"Ruthie?" tapik sa kanya ng kaibigan.

"Mabuti na ba ang pakiramdam mo?" baling niya rito.

Tumango ito. "Magaling na magaling na ako."

Tumanaw siya sa labas ng bintana at tinitigan ang mabibigat na ulap sa kalangitan. Nagkukulay abo na ang mga iyon. "Masama ang panahon at mukhang uulan na nga. Ang mabuti pa ay umuwi ka na."

"Nandito na pala si Luther, eh," anito.

Awtomatikong dumako ang mga mata niya sa pintuan ng silid. Nakatayo na roon si Luther at may dala itong payong. Mukha itong magiting na eskrimador na bihasa sa pakikipagtunggali at ang hawak nito ay espada. Subalit ang prinsesang nais nitong iligtas at pakasalan ay walang iba kundi tanging si Anemone lang. Tanggap na niya iyon kaya bakit ba nasasaktan pa rin siya?

Isinukbit na niya ang strap ng bag sa kaliwang balikat.

"Hindi ka ba sasabay sa amin?" tanong ni Anemone sa kanya.

"Isasauli ko pa ang hiniram kong mga libro sa library at maghahanap na rin ng bagong babasahin. Kaya mauna na kayo." Totoong kailangan na niyang isauli ang mga hiniram na libro, pero bukod doon ay ayaw niyang makasama si Luther. Kahit naman hindi siya umaasang tutugunin nito ang damdamin niya ay masakit pa rin sa kanya ang nangyari noong programa. Karapatan naman siguro niyang makaramdam ng paghihinakit. Kahit walang kamuwang-muwang ang binata na ganoon ang nararamdaman niya.

Lumabas na sila ni Anemone ng silid at nang mapadaan siya sa tabi ni Luther ay sinambit nito ang pangalan niya.

"Ruthie..."

Tumingin siya rito. "Ingatan mo ang kaibigan ko, ha. Hindi dapat maulanan iyan," aniya, payak na ngumiti. Kinawayan niya ang dalawa bago tumalikod at tinahak ang daan patungong library. Habang naglalakad ay mahapding-mahapdi ang dibdib niya.

Nagmadali siya sa pagpasok sa library at nagtungo sa ikalawang palapag, sa isang malayong sulok. Isiniksik niya ang sarili roon at padausdos na umupo. Saka niya lang napagtantong nanginginig pala ang mga tuhod niya. Naihilamos niya ang mga palad sa mukha at sunud-sunod ang ginawang paghugot ng malalim na paghinga upang hindi mamuo ang luha sa kanyang mga mata.

Nang hindi na niya kayang pigilin ang pag-iinit ng mga mata ay kumuha siya ng libro at nagkunwaring abala sa pagbabasa ng malungkot na nobela. Sa ganoong paraan ay may dahilan siyang umiyak.

THE CEO'S REJECTED LOVER (Preview)Where stories live. Discover now