CHAPTER 01: The Encounter

520 20 1
                                    

CHAPTER 01: The Encounter

“Kingsley Apollo, umuwi ka na!”

Napahinto ang isang matipunong lalaki na may katamtamang tangkad sa pagtakbo sa court dahil sa isang nanunuot na sigaw na narinig mula sa isang bahay na hindi kalayuan sa tinatayuan niya. Sa paghinto ay dama niya ang pag-uunahan ng mga malalamig na butil ng pawis mula sa mukha papunta sa leeg at pababa sa kaniyang katawang kayumanggi.

Mabilis niya itong pinunasan gamit ang dulo ng damit saka napakunot ang noo ni Kingsley. “Ang lakas talaga ng boses ni Mama,” napapailing na sabi niya saka tumakbo na ulit para tulungan ang mga kasamahan.

“King, pinapauwi ka na ng mama mo,” natatawang sabi ng isang kasamahan niya, si Creed, habang pinapatalbog ang bola saka ipinasa sa kaniya.

“Hayaan mo na, hindi ka pa ba sanay?” Tumakbo si Kingsley saka tumalon at ipinasok ang bola sa basket. Walang nagbabantay sa kaniya kaya naipasok ito ng walang kahirap-hirap.

“Buti na lang at naipasok mo. Ang galing!” puri ni Keve habang pumapalakpak pa.

Napangiwi si Kingsley. “Kahit na hindi ko iyon naipasok ay panalo pa rin tayo.” Lumapit siya sa isang matabang lalaki na naging referee nila saka binuklat ang palad sa harap nito. “Nasaan na ang panalo namin?”

Ibinigay naman nito ang pera kay Kingsley saka hinati sa mga kasamahan niya.

Nagsiuwian na ang tinalo nilang grupo na galing pa sa ibang baryo pati na rin ang dalawang kasamahan ni Kingsley kaya siya na lang ang naiwan kasama ang dalawa niyang kaibigan.

“Anong oras na ba?” kaswal na tanong ni Kingsley habang isinuksok ang isang daan sa gilid niya at inipit ito sa shorts.

“Ala una na, kaya pala kanina pa ngawa nang ngawa ang mama mo,” tawang sabi ni Creed saka kinuha ang tumbler na nasa itaas ng lamesa at inaamoy ito saka uminom.

Hinubad ni Keve ng dahan-dahan ang damit niya at doon tumambad ang matipuno niyang puting katawan na parang isang kahon ng kayamanan sa daming kumikinang na mga butil na pawis. “Hindi pa ba kayo uuwi?” tanong niya habang pinupunasan ang katawan niya gamit ang hinubad na damit.

“Hindi pa. Sobrang dumi at maalikabok sa bahay,” usal ni Kingsley saka sumandal sa isang haligi ng court.

“Nakita ko ang mama mo na naglilinis nang dumaan ako sa inyo, parang may pinaghahandaan. Darating ba ang kasintahan mo?” biro ni Creed saka ibigay ang tumbler kay Keve.

“Ang tanong may kasintahan ba si King?” nang-aasar na tanong ni Keve saka lumagok ng tubig.

“Anak ng ninang ko ang dadating kaya tumahimik na kayo,” walang-ganang sabi ni Kingsley.

Napakunot ang noo ni Creed na nakatingin kay Keve. “Gago! Bakit mo ginamit ang bunganga ng tumbler?”

Napakunot din ang noo ni Keve. “Saan ba dapat? Sa ilalim?”

Sinipa ni Creed si Keve. “Saan mo ba nilagay ang utak mo?” Inis na humarap si Creed kay Kingsley. “Babae ba o lalaki?”

“Kapag babae ay ilakad mo ako,” sabat ni Keve habang tinataas ang kanang kilay kaya nakatanggap na naman siya ng sipa galing kay Creed. “Ano ba? Lagi mo na lang akong sinisipa!”

“Ako ang nagtanong kung ano ang kasarian nito kaya ako ang irereto ni King.” Dahil sa sinabi ni Creed ay itinapon ni Keve ang tumbler sa mukha ni Creed pero nasalo niya ito.

Patuloy lang sa pagbabangayan ang dalawa kung sino ang ilalakad ni Kingsley habang ang dalawang kilay ni Kingsley ay halos magkasalubong na.

“Ano ba ang pinag-aawayan nila? Lalaki lang naman ang anak ni Ninang,” mahinang bulalas ni Kingsley habang nakatingin sa mga kaibigan niyang naghahabulan sa court.

Endless Panorama [B×B] (Tambakan Mini Series #1)✓Where stories live. Discover now