CHAPTER 02: Angry

141 14 1
                                    

CHAPTER 02: Angry

“Kainan na!” masayang sigaw ni Valiri pagkatapos nilang magdasal saka nilantakan ang pagkaing nasa harap.

Napangiti si Kylo sa kasiglahan ni Valiri. Ang dalaga rin ang dahilan kung bakit siya nagising ng maaga dahil sa pamimilit nitong maglakad ng madaling araw. Sinamahan niya ito dahil ayaw sumama ni Kingsley kay Valiri.

“Bunganga mo, Valiri, pakihinaan,” inis na saway ni Kingsley kay Valiri saka nagsandok ng kanin.

Umirap si Valiri saka kumuha ng hotdog at inilagay sa plato ni Kylo. “Kuya, ulam oh!”

Ngumiti si Kylo. “Salamat.”

Habang kumakain ay hindi talaga maiiwasan ang pagbabangayan ng magkakapatid sa hapagkainan.

“Kuya Kylo, kanin pa!” masayang sabi ni Valiri saka pinuno ang plato ni Kylo kaya pinagalitan ito ng ina dahilan para mapanguso ito. “Ano ba ang masama sa ginawa ko?”

“Umaapaw na ang kanin sa plato ni Kylo,” natatawang sabi ng ina kaya napatawa rin si Kylo. “May gusto ka bang puntahan, Kylo?”

Napaisip si Kylo at napagtantong linggo na pala. “Sa simbahan po sana.”

“Magsisimba rin ako, Kuya, sabay na tayo,” nakangiting saad ni Valiri na nagpaismid kay Kingsley.

“Anong nangyari sa iyo, Kuya King?” nanunuksong tanong ni Valiri. “Gusto mo bang sumama sa amin?”

Masama siyang tiningnan ni Kingsley. “Ayokong sumama sa mga taong mainitin ang ulo.”

“Ako? Mainitin ang ulo? Hindi ba, ikaw ’yon?”

“Hoy, Valiri—”

“Tama na ang bangayan, nasa harap kayo ng pagkain,” saway ng ina sa kanila kaya napairap na lang sila sa isa’t isa.

Pagkatapos kumain ni Kylo ay agad siyang nagtungo sa kuwarto para kunin ang mga gagamitin niya sa pagligo. Isang puting tuwalya, isang sabon at shampoo ang dala-dala niya habang maingat na naglalakad papunta sa banyo. Pagkatapos nilang maglakad kanina ay agad siyang tinuruan at ginabayan ni Valiri sa lahat ng daan ng bahay kaya kahit papaano ay kabisado niya ito.

“Ouch!” daing ni Kylo saka napahawak sa hita at hinihimas ito. Napalingon siya nang may narinig siyang tumawa.

“Hindi ko alam na ang tanga mo,” natatawang singhal ni Kingsley kay Kylo habang nakasandal sa pintuan ng kuwarto niya at napapailing na nakatingin sa lamesa na nasa sa sala. “Simpleng bagay ay hindi mo nakikita? Sa susunod ay tumingin ka na sa dinadaanan mo.”

Napabuntong-hininga si Kylo saka ngumiti. “Oo, tatalasan ko pa ang pakiramdam ko sa mga bagay na nasa paligid ko,” sagot ni Kylo saka maingat na umiwas sa lamesa pero napakunot ang noo ni Kingsley dahil naiurong nito ang lamesa.

“Iniinis niya ba ako?” naiiritang tanong ni Kingsley habang nakatitig kay Kylo na pumasok sa banyo.

“Sino ang tinutukoy mo, Kuya?”

Agad na napalingon si Kingsley sa kapatid niya na ngayon ay nasa labas ng kuwarto nito at nakasuot ng isang simpleng black floral dress.

“Si Kuya Kylo ba?” tanong ulit ni Valiri pero hindi sumagot si Kingsley at pumasok na lang sa kuwarto saka malakas na ibinagsak ang pinto.

Bumungisngis si Valiri. “Ship ko si Kuya King at si Kuya Kylo. Isang masamang kuya at isang napakabait na kuya.” Napakunot ang noo niya saka napaisip at napailing bigla. “Hindi bagay.”

Matapos ang mahigit sampung minuto ay lumabas na si Kylo sa banyo at dali-daling nagbihis.

“Kuya Kylo, tapos ka na po ba?” tanong ni Valiri habang kinakatok ang pinto ng kuwarto niya.

Endless Panorama [B×B] (Tambakan Mini Series #1)✓Where stories live. Discover now