Chapter 82

15.5K 681 101
                                    

Nikka's POV


Dinala ako ni Ethel malapit sa bleachers. Nandito kami ngayon sa may baba. Alam kong hindi masama si Ethel, sana'y may pag-asa pa para mabalik siya sa dati.


Agad niyang kinuha sa kaniyang likod ang sandatang payong. Pagkabukas niya no'n, lumutang siya sa ere habang naka-bend paharap ang kanan niyang tuhod at naka-point naman ang kaliwa niyang paa.


"Kung kailangang tapusin ko 'to nang mas mabilis, gagawin ko. Pasensiya na," aniya. Itinutok niya sa akin ang hawak na payong habang nasa himpapawid at naglabas iyong ng tila ba bala na hugis bituin.


"Ahh! Sandali lang! Hindi pa ako handa!" sigaw ko habang tumatakbo at pilit na iniiwasan ang bawat pagtira niya.


"Wala akong pakialam!" giit niya habang patuloy pa rin sa pagpuntirya sa akin.


Medyo nag-aalangan na ako ngayon dahil malapit na ako sa bandang dulo kaya kinapa ko kaagad ang bola sa aking bulsa para makapagpalit ng anyo.


"Huli ka," sambit niya nang marating namin ang dulo at pinaulanan niya ako ng kaniyang bala.


"Diyan ka nagkakamali," saad ko sabay talon pataas.


"Bam!" dugtong ko pa. Napatigil si Ethel at bahagyang napalayo dahil sa aking pagpapalit anyo.


"Hindi na masama," bungad niya matapos kong makababa sa lupa. Kaagad ko namang hinugot ang aking sandata para maging handa sa pagdepensa.


"Hindi ka naman masama, Ethel. Isa ka sa pinakamabuting tao na nakilala ko noong nabubuhay ka pa. Huwaran ka," litaniya ko.


"Anong pinagsasabi mo riyan? Walang katotohanan iyan," pahayag niya. Dahan-dahan siyang bumaba dito sa lupa at isinara ang hawak niyang payong.


"Naaalala mo pa ba ang pagliligtas mo sa aming buhay noong halos malunod kaming lahat noon? Isa iyon sa mga dahilan para masabi kong may mabuti kang puso. Labanan mo ang kasamaan," turan ko.


"Huwag mong guluhin ang utak ko!" singhal niya habang nakahawak sa kaniyang ulo. Nagugunita kong may pag-asa pa para magbalik ang totoong Ethel na nakilala namin.


"Sige, ganiyan nga. Lumaban ka! Huwag kang magpapagapi sa kadiliman!" pangungumbinsi ko.


"Argh! Layuan mo ako!" sigaw niya. Napasalampak na siya sa lupa dahil sa pananakit ng kaniyang ulo.


"Utak mo lang ang nalason nila! Hindi ang puso mo! Ethel, kaya mo iyan!" saad ko.


"Sinabi ko, tumigil ka!" giit niya. Nanlisik lalo ang kaniyang mata at inihagis sa akin ang kaniyang sandata na tila ba isang turumpo.


"Ahh!" sigaw ko matapos ako nitong tamaan. Napahiga ako sa kalupaan dahil sa lakas ng impact no'n.

Might of Alibata (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon