The Power of a Wish

37 7 3
                                    

Be careful of what you wish for.

WWBY 2015 Audition Entry credited under my former username, GingerbreadPrincess.


————


Isang hiling na lang at makakamit ko na ang kalayaan ko.

Buti naman at hindi komplikado ang dalawang hiling ni Adam, ang lalaking nakakita ng lamparang kumulong sa akin. Hindi ko alam kung paano at saan niya ito nakita, ngunit nagpapasalamat pa rin ako.

Kakaiba ang kondisyon na kailangang sundin upang makamit ang tunay na kalayaan bilang isang genie. Kung gusto ko talagang makalaya, kailangan lubusan din ang pagbibigay ng kasiyahan sa tumawag sa akin. Mayroon lamang akong isang limitasyon: kapag ginamit ng nagpalaya ang kahilingang natupad para sa kasamaan ay makukulong muli ako sa mahiwagang lamparang iyon. Kaya ko namang tuparin ang lahat ng kahilingan nila dahil sa malakas na kapangyarihan kong taglay, ngunit kailangan ko lamang mag-ingat.

Noong isang beses, humiling siya ng isang malaking toy robot, katulad ng nakikita niya sa mga palabas sa telebisyon. Napatingin ako sa telebisyon at saktong lumabas ang sinasabi niyang malaking robot na may makukulay na disenyo at malalaking armas. Ikinumpas ko ang aking kanang kamay at lumabas ang isang laruang robot na halos sinakop na ang buong kwarto sa sobrang laki nito. Buti naman at pwedeng baluktutin ang mga plastik na braso't binti nito kaya napagkasya namin ito.

Ang pangalawa niyang kahilingan ay bigyan ko siya ng malawak na kaalaman na gagamitin niya para sa mga klase niya sa kolehiyo. Hindi ko mawari kung bakit siya humiling ng isang higanteng laruang robot kahit binatilyo na siya, ngunit kailangan kong sundin ang mga hinihiling niya at baka mamaya'y hindi siya masiyahan sa mga serbisyong ibinibigay ko sa kanya. Isang pitik lang at halos lahat na ng impormasyon na nakikita niya sa kanyang aklat ay nasisipsip na ng kanyang utak. Pagkaraan ng ilang araw ay nasasagutan niya ang mga tanong na ibinigay ng kanyang propesor, at nakakakuha siya ng magagandang marka sa kanyang mga pagsusulit.

Isang hiling na lang at makakamit ko na ang kalayaan ko. Isang hiling na lang at magiging kuntento na si Adam.

Dumating na araw na matagal ko nang hinihintay. Pinunasan niya ang mahiwagang lampara at lumabas ako mula rito.

"Tinawag mo ako, Ginoo?" napangiti ako sa kanya.

"Oo, para tuparin mo ang huli kong kahilingan. Kaso..." may pag-aalinlangan sa boses niya. "...hindi ko alam kung kakayanin mo ito."

Humalakhak ako sa sinabi niya. "Ako? Hindi ko kaya? Ako ata ang isa sa pinakamalalakas na genie sa buong mundo. Kaya kong tuparin ang lahat ng hiling mo."

"Lahat? Sigurado ka?" tinanong niya muli.

"Siguradong-sigurado ako," lubos kong ipinagmalaki sa kanya. "May nagagawa ba akong hindi ko kaya?"

"Talaga? Pwes," ngumisi siya. Ano kaya ang pinaplano ng batang ito? "Sana may kakayahan akong tuparin ang mga sarili kong hiling."

Napataas ang isa kong kilay. "Gusto mo rin bang maging isang genie?"

"Hindi po. Gusto kong tuparin ang sarili kong hiling, hindi ang hiling ng iba," mariin na sinabi ni Adam.

Ganito lamang kasimple ang hiling niya? Yun ang naisip ko noong mga oras na iyon. Hindi ko alam kung paano ko tutuparin ang kanyang hiling sa paraang makukuntento nang husto si Adam. Kaya naman niyang tuparin ang kanyang mga hiling at pangarap gamit ang kanyang mga kakayahan ngayon, ngunit bakit ipinaparating niya na gusto niyang makamit ang isang kapangyarihan?

Kapangyarihan.

Baka ang ibig sabihin ni Adam ay ang mga hiling na imposibleng matupad ng isang nilalang na walang salamangka. Baka iyon nga ang hinihingi niya! Inihanda ko ang aking kapangyarihan para bigyan ko ng kakayahang tuparin ni Adam ang sarili niyang mga hiling, maging posible o imposible ang mga ito. Ramdam ko na ibinabahagi ko sa kanya ang parte ng aking mahika bilang isang genie sa kanya. Habang inililipat ko ito sa kanya ay may nakikita na akong liwanag.

Ito na ata ang inaasahan kong kalayaan.

Hindi ko na namalayan ang mga sumunod na nangyari. Binuksan ko ang aking mga mata at nakita ko ang aking sarili sa isang madilim na lugar. Hindi ako makakilos nang mabuti. Hanggang ngayon ay limitado pa rin ang bawat paggalaw ko.

Eto na ba ang sinasabi nilang kalayaan? Ano ang ibig sabihin nito?

Ilang sandali ang nakalipas at lumitaw sa harapan ko ang pinuno ng mga genie. Bakas sa kanyang mukha ang nagpupuyos na galit at hindi ko maintindihan kung bakit.

"Anong katangahan ang ginawa mo?!" bulyaw sa akin ng aming pinuno.

"May tinupad lamang akong mga hiling," sagot ko sa kanya at tumingin-tingin ako sa paligid. "Eto ba ang sinasabi ninyong kalayaan? Kasinungalingan... hindi pwede ito!"

"Ito? Ito ang tinupad mong hiling para sa kanya?"may lumiwanag sa kamay ng aming pinuno.

Pinanood ko ang mga eksenang lumalabas mula sa liwanag. Apoy. Pagkawasak. Kamatayan. Pagbagsak ng mga puno. Nakita ko sa gitna ng eksena si Adam na mukhang nagagalak pa sa nangyayari. Doon ko lamang napansinang aking pagkakamali.

Hindi pala simple ang kanyang huling hiling.

Hiniling niyang maging isang diyos.

Some old works.Where stories live. Discover now