Papillon

31 6 2
                                    

It is, after all, a natural change we all must undergo.

WWBY 2015 Round 2 Collaboration Entry, credited under my former username, GingerbreadPrincess.


———


Pagbabagong-anyo. Isa itong natural na proseso na hindi maiiwasang pagdaanan ng mga taong paru-paro, ngunit ito ang nagsilbing paraan ng pagpuri nila sa diyosa ng bayan ng Papillon, si Mariposa.

Ayon sa mga alamat, si Mariposa ay ang unang babaeng paru-paro. Lumipad siya na parang isang ibon, gamit ang kanyang mala-sutlang pakpak na pinaghalo-halo ng magagandang kulay sa mundo. Nagniningning siya sa gabi; ang kanyang balat ay naaaninag ng aninag ng buwan. Minsan ay pinapalibutan siya ng mga umiilaw na alitaptap—sumasayaw habang umiikot sa kanya. Hinahanap-hanap siya ng maraming tao dahil sa katangi-tangi niyang ganda.

Sa ngayon ay wala pa ring pumapantay sa kariktan ng taong paru-parong ito, kaya binibigyan ng mataas na halaga ang mga taong magaganda ang mga pakpak dahil sinasabi nilang "malapit sila kay Reyna Mariposa."

Isang araw, may mangyayari na namang pagbabagong-anyo na matutunghayan ng mga taga-Papillon. Maraming larva ang nasasabik sa nalalapit nilang pagbabagong-anyo. Magiging kasingganda ba nila si Reyna Mariposa? O magiging isang simpleng taong paru-paro lamang na gagawing utusan ng mga mas magagandang paru-paro? Iyon ang mga tanong na naglalaro sa mga isipan nila.

Ngunit para kay Leia, isang dalagang larva, ang pagbabagong-anyo ay isang prosesong kinatatakutan niyang mangyari.

"Inay, ayoko po, ayoko pong mangyari sa akin ito," pagmamakaawa niya habang nakaluhod siya sa harapan ng kanyang ina. Nagsisimula nang mamuo ang ilang hibla ng sutla sa kanyang kamay—isang senyales na malapit na siyang maging isang pupa.

"Leia, wala ka nang magagawa. Kailangan mong dumaan sa proseso na iyan para maging isang ganap na taong paru-paro," paliwanag ng kanyang ina. "Magbihis ka na, Leia, hinihintay ka na ng Mataas na Konseho."

Napatingin na lamang si Leia sa damit na gagamitin niya para sa seremonya. Papanoorin ng buong bayan ang kanyang pagpapalit-anyo sa isang pupa kasama ang isa pang binatilyong larva. Napangiwi siya nang hinawakan niya ang asul at itim na bestidang gawa sa seda na umaabot hanggang sa bukung-bukong niya.

Ayaw isipin ni Leia ang mga susunod na mangyayari sa kanya. Sa loob ng isang buwan, mahihiwalay siya sa mga kaibigan niya, sa kanyang mga magulang, sa lahat ng tao, sa lahat ng iba't ibang uri ng komunikasyon. Hindi siya makakapaglaro kasama ang iba pang batang larva. Hindi siya makakakain ng masasarap na ulam at nektar habang nakakulong pa siya sa kanyang pupa.

Hindi niya alam kung makakapagtimpi pa siya sa loob ng isang buwan.

Labag sa loob ni Leia ang buong prosesong ito, ngunit sabi ng kanyang ina ay hindi niya maiiwasan ang natural na prosesong ito. Kinuha na lamang niya ang kanyang bestida't nagsimula nang magbihis para sa seremonya.

Sa kabilang dako naman, si Derrick, ang binatilyong larva na kasabay ni Leia sa pagpapalit ng kanilang anyo sa pupa.

Nakapagbihis na si Derrick ng isang makislap na puting baro at asul na pantalon. Di tulad ni Leia, walang pakialam si Derrick sa namumuong mga hibla ng sutla sa kanyang kamay. Di maalis-alis sa kanyang mukha ang kanyang malapad na ngiti nang inaayos niya ang kanyang buhok.

"Hoy, Derrick, huwag ka ngang masyadong magpapogi diyan. Sandali lang naman makikita ng mga tao 'yang hitsura mo, magiging pupa ka lang," sigaw ng kuya niyang nakaupo sa kanyang kama at halatang naiinip na.

"Kaysa naman magmukha akong kawawa sa harapan nila. Tutugma naman ang mga damit ko sa magiging pakpak ko, di ba?" hambog na sagot ni Derrick.

"Tadhana lamang ang makapagsasabi kung anong klaseng pakpak ang makukuha mo, Derrick. Hindi 'yan ayon sa damit," mariin na sinabi ng kanyang kuya. "Basta, magpakatino ka. Baka kung ano ang isipin nila sa'yo."

Some old works.Where stories live. Discover now