⇜CHAPTER 30⇝

243 10 6
                                    

Sumasabay sa pagsayaw ang malamig na simoy ng hangin sa kantang pumapailanlang sa lumang truck na minamaneho ni Haru. Hindi pamilyar kay Kenji ang kantang pinasikat ng isang banyagang banda ngunit pakiramdam niya ay isinulat iyon para sa sandaling iyon. Bago pa lamang lumulubog ang araw. Nagbabanta man ang pagkalat ng dilim ay animo pilit namang simisingit ang dalandang liwanag na dulot ng papalubog na araw sa pagitan ng mga puno. Tahimik ang paligid. Paminsan-minsan ay naririnig niya ang paghuni ng mga ibon sa di-kalayuan. Ang sariwa at malamig na hangin ay nagbibigay ng preskong pakiramdam sa katawan ni Kenji habang humahampas iyon sa kaniyang balat. Hinayaan niyang isayaw ng hangin ang kaniyang buhok habang nakatanaw siya sa kalikasang nadaraan ng truck. Napakatahimik. Napakaperpekto ng sandaling iyon. Nakaka-relax. Nakakapandaya ang kapayapaang dulot ng oras na iyon. Gusto niyang manatili sa kaniyang kinalalagyan. Pigilin ang oras upang pahabain ang payapang tinatamasa niya ng mga sandaling iyon. Ngunit alam niyang hindi maaari. Alam niyang may katapusan ang panandaliang luhong iyon.

"Summer breeze, makes me feel fine. Blowing through the jasmine in my mind."

Napatingin si Kenji sa rearview mirror. Bigay na bigay sa pagkanta ang mga kasama nila sa likod. Daig pa ng mga ito ang nasa Karaoke Bar kung makaarte at kumpas ng kamay. Hindi napigil ni Kenji ang pagngiti.

"Oy, oy, oy. Sinisira nyo ang mag-e-emote ni Kenji," narinig niyang sabi ni Haru. Saglit siya nitong tinapunan ng tingin habang nakaplaster ang nagbibirong ngiti sa mukha nito. Saglit din niya itong tiningnan bago siya ngumiti, marahang umiling at ibinalik ang pansin sa tanawin sa labas ng sasakyan.

Pinatugtog ng isang tauhan ni Hirano ang isang musikang hindi niya malaman kung pangkasal nga ba o musika ng pamamaalam. Ilang beses pang tumalon ang lumang cassette tape na ginamit nito sa pagpapatugtog niyon ngunit wala doon ang atensyon niya. Nanginginig ang bawat hibla ng laman sa kaniyang katawan at nanlalamig ang kaniyang mga kamay at paa. Simple lang ang kaniyang ayos at simple lang din ang bestidang kaniyang suot. Ngunit pinalitaw pa rin niyon ang kaniyang natural na ganda, sa kabila ng nagbabantang mga luha sa kaniyang mga mata. Hindi siya kagaya ng ibang mga kaedad niyang maagang nangarap ng magarbo at kakaibang kasal kahit noong hindi pa nagbabago ang kanilang mundo. Ngunit nasisiguro niyang kung iisipin niya kung anong klaseng kasal ang gugustuhin niyang maranasan, hindi ito iyon. Hindi niya kailanman nanaising makasal na tutol sa kaniyang kalooban. Hindi niya nanaising makasal sa isang lalaking katulad ni Don Hirano.

Pumatak ang kanina pa niya pinipigilang mga luha. Pinalabo ng mga iyon ang kaniyang paningin ngunit hindi niya sinubukang punasan ang mga mata. Dahil sa gitna ng mga saksi sa kalokohang iyon, sa pagkalunod niya sa takot na bumabalot sa kaniyang pagkatao, sa pagkamatay niya kasabay ng pagkawala ng kaniyang kaligtasan, ay binigyan siya ng kaunting ilusyon ng kaniyang lumilipad na diwa.

Naroon at naghihintay sa altar ang pigura ng isang lalaking pamilyar na sa kaniya. Malabo man sa kaniyang paningin ang imahe nito ay alam niya, sigurado siya kung sino iyon. Alam niyang hindi iyon maaaring mangyari. Hindi ito ang kaniyang pakakasalan. Ngunit ewan ba niya. Masyado yata siyang desperada kaya't animo napalinaw ng imahe nito, ng bawat sandaling lumilipas, sa kaniyang isipan at paningin.

Nang ilahad nito ang palad sa kaniya ay parang namamalik-mata at awang ang mga labing marahan niyang inabot ang sariling kamay. Gustung-gusto niyang manatili sa ilusyong iyon. Sa isang panaginip. Sa panaginip kung saan ang nasa kaniyang harapan ay si...

"Kenji," halos pabulong niyang bigkas. Ngunit nang sumayad ang kaniyang balat sa palad ng kaharap ay parang bulang naglaho ang ilusyong sandaling bumalot sa kaniya. Sa halip ay malinaw na tumambad sa kaniyang paningin ang matandang Don. Salubong ang mga kilay nito na agad nagtaas ng kamay.

"Lapastangan!" dagundong ng boses ni Hirano saka marahas na ibinagsak ang mabigat na palad sa kaniyang pisngi. Napatili si Maeda. Kusang lumipad ang kaniyang mukha sa lakas ng sampal na natamo. Kung hindi pigil ng matandang lalaki ang kaniyang kamay ay sumubsob siya marahil sa damo.

Among the Dead #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon