2 - Hindi Nga Pala Ito Panaginip (4 of 5)

237 26 1
                                    

"Shion!"

"Nasa'n ka na, Shion?!"

Minulat ko ang mga mata ko, pero wala akong makita. Masyadong madilim. Huminga ako ng malalim. Naubo ako nang pumasok sa bibig ko ang malalakas na patak ng tubig galing sa langit. Isang maliwanag na bitak ang sandaling humati sa langit, kasunod ng malakas na dagundong na lalong nagpakabog sa dibdib ko.

Pinahid ko ang mukha ko, kumurap ng mabilis. Sa sobrang lakas ng ulan, hindi ko maaninag ang daan paakyat ng burol. Wala akong makita kundi ang anino ng mga naglalakihang puno na nakapaligid sa'kin.

Isa na namang kidlat ang saglit na nagpaliwanag sa paligid. Noon ko lang napansin na may lalaking nakahandusay sa tabi ko. Sa hindi kalayuan, may isa pa. Tulad ko, halos nakabaon na sila sa gumuhong putik at bato.

Sinimulan kong iahon ang sarili ko, napahinto nang bigla kong maramdaman ang kirot sa mga paa ko. Isang malapad na bato ang nakadagan doon. Sinubukan ko 'yong iangat, pero masyadong mabigat.

"T-tulong..." tawag ko, paos ang boses. "Tulong!"

Narinig ko ang isang pamilyar na boses galing sa hindi kalayuan. "Shion! Shion, anak! Nasa'n ka?!"

"P-papa!" sigaw ko. "Papa! Dito! Nandito kami! Tulungan n'yo kami!"

Hindi naglaon at napansin ko ang mga sinag ng ilaw na papalapit.

"Shion!" boses ni Mama.

Mabilis na bumaba sa guho ang mga magulang ko. Tinakpan ko ang mata ko nang sinagan nila 'ko ng flashlight. Tumakbo agad sa'kin si Mama at niyakap ako.

"Ayos ka lang ba, anak?" halatang umiiyak siya. "Ano ba ang iniisip mo't pumunta ka rito? Pinag-alala mo kami ng Papa mo."

Si Papa, hindi umimik pero tahimik na hinawi ang lupang nakatabon sa paanan ko. Siguradong galit siya, pero pinipigil lang niya.

"S-sorry po," napaiyak ako. "Hindi na po mauulit..."

Tumayo si Papa para alisin ang malaking batong nakadagan sa'kin. Napaigtad ako sa sakit nang matanggal 'yon, pero pinilit kong manahimik. Bubuhatin na sana niya 'ko nang may marinig akong umungol.

"Papa," pigil ko sa kaniya. "Tulungan n'yo rin sila."

Tinutok ni Papa ang flashlight sa dalawang lalaking walang malay. Hindi ko maaninag ang mga mukha nila.

Unang iniahon ni Papa 'yung mas malapit sa'kin. Hinila niya ang lalaki at iniupo sa tabi ng puno. Pagkatapos, 'yung isa naman. Halos ulo na lang ang nakalitaw sa kaniya kaya nahirapan si Papa.

"Dito ka lang," sabi ni Mama, madilim ang mukha. "Tutulungan ko lang ang Papa mo."

Umiling si Papa, nag-angat ng tingin kay Mama.

Nang makita niya ang mukha ng taong sinasagip niya, napasinghap si Mama. Lalo siyang nagmadali sa paghuhukay.

"Pakiusap! Pakiusap! Gising! Gumising ka!!!" nanginginig ang boses niya habang niyuyugyog ang lalaki.

Narinig kong umubo 'yung taong hinuhukay nila saka humugot ng malalim na hininga.

Napahagulgol si Mama. "Salamat! Salamat!"

Bago pa man nila tuluyang maiahon ang lalaki, naramdaman kong umuga ang kinauupuan ko. Nagsimulang gumuho ang lupa galing sa itaas ng bundok. May mga nahuhulog na bato. Tinakip ko ang mga braso ko sa ulo ko, pumikit ng mariin.

Sumadsad ako pababa. Hindi ko alam kung ilang beses na'kong tumama sa mga bato at ugat ng puno nakaalsa sa lupa. Pagmulat ko, nasa gilid na'ko ng bangin. Pati na rin ang walang malay kong mga magulang at ang lalaking sinasagip nila.

AlterraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon