3 - Ako ang Magiging Pinakamatalik Mong Kaibigan (3 of 7)

213 23 0
                                    

Dami pang gustong sabihin

Pero 'wag na lang muna

Hintayin ng lang ang hangin

Tangayin ang salita


"Mamaya, pag-uwi, pag-aaralan naman natin ang Kasaysayan at Monarkiya ng Alfur," sabi ni Wylan habang naglalakad kami papasok ng Dambana.

Inirapan ko siya. "Na naman? Dalawang araw na tayong walang tigil sa pag-aaral! Hindi ba sobra na 'yon?"

"'Kala ko ba, gusto ninyong matuto, Dáyan?"

"Hmp! Hirap-hirap naman e."

"Tsk. Ilang araw nang madilim ang langit."

Tumingala ako. Makulimlim. 'Yung mga ulap, mabigat. Parang gustong-gusto nang umulan pero hindi makuhang bumuhos.

"Baka may bagyo."

"Nakapagtataka. Panahon pa naman ng tag-init. Sabi ni Ima, kapag umulan daw sa tag-ulan, ibig sabihin noon, umiiyak ang mga Lambana."

Hinila ko siya sa braso. "Lambana? 'Di ba 'yun yung maliliit na lumilipad? Parang si Tinkerbell?"

"T-tinker—ano?"

"Sa'n ako makakakita ng Lambana?!"

Tumikhim siya. Umiwas ng tingin. "S-sa Alfur... D-dáyan."

Bumuntong-hininga 'ko. Sinipa 'yung bato sa may paanan ko. "Psshh... 'Di naman ako pwedeng pumunta do'n 'di ba?"

Tumango siya. "Kung walang pahintulot ng Rani. Tanging mga Alv lang ang nakakalabas-masok doon. Bawal ang taga-labas."

"Ba't, wala bang mapa papuntang Alfur?"

"Meron," sagot niya. "Pero nababalutan ng Balani ang mga kagubatang nakapaligid sa lupaing iyon. Lahat ng nagtatangkang pumunta doon ng walang pahintulot, naliligaw. Minsan, hindi na sila nakakabalik. Ang mga nakabalik, nawawala sa katinuan ang pag-iisip."

"Paka-pa-mysterious. Jusko."

Umiling-iling si Wylan. "Kapag may nakarinig sa inyo—"

"Iisipin nila, nababaliw ako at ipapatapon ako sa Isla. Oo na. Hindi na po."

Pagpasok namin ng gate ng school, automatic na ang tinginan at bulungan ng mga estudyante. Yumuko ako, binilisan ang lakad.

Pagdaan namin sa statue ni Yesha, napahinto ako. No'n ko pa lang nabasa 'yung nakasulat sa baba.

"Ang... Ba..t..ha..lo..ma..n at a..ng—"

"Ang Bathaluman at ang Aklat ng Kalangitan," sabi ni Wylan. "Sinasabing nakasulat sa Aklat ng Kalangitan ang nakalipas at hinaharap ng Alterra. Sabi nila, naglalaman daw iyon ng wika ng mga Bathala kaya tanging ang Bathaluman lang ang makakabasa no'n."

Tiningnan kong mabuti 'yung librong hawak ni Yesha. May nakasulat sa cover. Tagalog.

Nanlaki ang mga mata ko. Napakapit sa braso ni Wylan. Kamukha 'yon no'ng librong binasa ko sa library. Baka may koneksyon 'yon kung bakit ako nandito.

"Tulay..."

Nalukot ang noo niya. "Tulay?"

"Tulay!"

Napatalun-talon ako. Natawa. Nakitalon din sa'kin si Wylan.

"Dáyan, bakit nga pala tayo masaya?"

AlterraWhere stories live. Discover now