3 - Ako ang Magiging Pinakamatalik Mong Kaibigan (1 of 7)

212 22 0
                                    

Ang panalangin ko

Ako sanang naiisip mo

Bago pumikit ang 'yong mata

Ayaw nang managinip ng mag-isa



Hindi ko maialis ang mga mata ko kung saan kanina lang ay nakahandusay ang mga magulang ko. Ngayon, wala akong makita kundi guho. Sa gitna ng mga hikbi, nilakasan ko pa lalo ang sigaw ko, nagbabakasakaling marinig nila ako, na makaahon sila sa putik kung saan sila nakalibing.

"Tama na," mahinang sabi ng lalaking humihila sa'kin palayo sa guho.

Maingat na iniupo niya ako sa isang bato. Hindi ko maaninag ang mukha niya. Malabo. Madilim. Alam ko lang, siya 'yung unang nasagip nila Mama kanina. 'Yung isa, nakasama sa pagguho.

"Dito ka lang," sabi niya bago nagsimulang bumalik sa gilid ng bangin.

Pero hindi ko siya pinakinggan. Tiniis ko ang kirot ng mga binti ko habang gumagapang kasunod niya. Pagdating ko sa gilid ng mataas na bangin, mga bato at lupa lang ang nakita ko.

"Naririnig mo ba'ko?" biglang sabi ng lalaking nagligtas sa'kin.

Noon lang ako nag-angat ng tingin. Kasalukuyan niyang hinuhukay 'yung isa pang lalaking natabunan kasama nila Mama. Hindi siya nahulog sa bangin.

"K-kung siya, nakaligtas, makakaligtas din ang mga magulang ko, 'di ba?"

Sinubukan kong maghukay, kung anuman ang kaya kong abutin habang panay ang tulo ng mga luha ko. Pero wala. Wala akong makita.

Pinahid ko ang luha ko, natigilan nang mapansin ko ang kakaibang hugis sa ilalim ng bangin. Kumurap ako at pinilit aninagin 'yon. Napahagulgol na lang ako nang makita ko ang puting jacket ni Papa. Sa tabi niya, nakita ko ang pulang manggas ng damit ni Mama. Kamay na lang niya ang hindi nakabaon sa lupa.

"Hindi..."

Nakatiim-bagang, hinila ko ang sarili ko palapit sa bangin. Pumikit ako at tinulak ang sarili ko pababa. Bago pa man ako nahulog, naramdaman kong may humila sa damit ko galing sa likod. Naririnig ko ang hingal ng lalaki habang inaabot ako. Nang maikawit niya ang isa niyang braso sa beywang ko, kinaladkad niya 'ko pataas. Napamura siya nang dumulas kami dahil sa lakas ng ulan.

Nang nasa ligtas na lugar na kami, binagsak niya 'ko sa lupa. Napaupo ako.

"Nasisiraan ka na ba?!" angil niya.

"Ano ba'ng pakialam mo?! Sila lang ang pamilya ko. Kung wala na sila, pa'no na'ko? Kasalanan ko 'to."

Walang anu-ano, sinuntok niya ang punong malapit sa kaniya. Pagtalikod niya sa'kin, nakita kong tumutulo ang dugo sa kamay niya.

"K-kahit ano'ng mangyari... kahit mahirap, kailangang mabuhay ka..."

'Yun ang sabi niya, bago niya pinuntahan yung isa pang walang malay na lalaki sa gilid ng bangin.

Natagpuan ko na lang ang sarili kong nakahiga sa kama. Nasa kwarto ako ni Shion. Sa Templo. Napangiwi ako nang igalaw ko ang kanang braso ko. Nakabenda na 'yon.

"Hindi nga ako nananaginip..."

Mabigat ang mga mata ko at halos walang lakas ang buong katawan ko. 'Yung ulo ko, parang lumulutang.

Si Wylan, nakadukdok sa gilid ng kama, natutulog.

Inabot ko yung baso ng tubig sa side table para mahugasan ang mapait na lasa sa bibig ko. May mangkok din doon na may lamang brown na liquid. Amoy gamot.

Pagkakababa ko ng baso saka ko lang napansin na nagising na pala si Wylan. Hindi siya umimik. Nakatingin lang sa'kin.

"B-bakit?"

Nilagay niya ang palad niya sa noo ko, seryoso pa rin. "Bumaba na ang inyong lagnat, Dáyan. Tatawagin ko lamang si Ima para dalhan kayo ng makakain."

"Wylan?" tawag ko sa kaniya bago pa man niya mahila ang pinto. Lumingon siya. "Salamat... sa pagligtas mo sa'min."

Matagal niya 'kong tinitigan. Sinara niya ulit ang pinto at humarap sa'kin.

"Dáyan, maaari ba akong maging tapat sa inyo?" Nang hindi ako nakasagot, nagpatuloy siya. "Ngumingiti kayo dahil sa maliliit na bagay. Lagi ninyo akong pinasasalamatan. Tinawag ninyo akong inyong kaibigan. Tila wala kayong pakialam sa pagiging Baylan... At binuwis ninyo ang inyong buhay para sa iba."

"Buwis-buhay agad?" sabat ko, tinakpan ang nakabendang parte ng braso ko. "Galos lang kaya 'to..."

Nagpakawala siya ng isang malalim na hininga. "Ang ibig kong sabihin, Dáyan; parang hindi na kayo ang Baylang kilala ko."

Niyakap ko ang unan sa tabi ko. Sasabihin ko ba?

Napaisip ako tungkol sa sitwasyon ko: una, hindi ito panaginip. At least, mga 90% sure ako do'n. Pangalawa, hindi ko alam kung papa'no ako makakabalik sa mundo ko. Kaya, pangatlo, hanggang wala pa'kong paraan para makabalik, hindi nila dapat malaman na isa 'kong pekeng Shion.

Huminga 'ko ng malalim, nilagay ang mga kamay ko sa kandungan ko saka doon tinuon ang mga mata ko. "Papa'no ko ba 'to sasabihin... Uh... Tanda mo 'nong sinabi kong nabagok ang ulo ko kasi nahulog ako sa kama?"

Tumango siya, umupo sa gilid ng kama at sinenyasan akong magpatuloy.

"Ang totoo, Wylan, wala akong maalala..."

"Wala kayong maalala... Ano'ng ibig ninyong sabihing wala kayong maalala?"

"Uh... hindi ko maalala ang nakaraan?"

"Simula kailan?"

Tumingin ako sa kaniya, sa kamay ko at pabalik. "Simula... sa simula."

Pinatong niya sa mesa ang hawak niyang mangkok, huminga ng malalim. Tatlong beses. "Kailangan itong malaman ng Punong Baylan—"

Hinablot ko ang braso niya bago pa man siya makaalis. "'Wag! 'Pag nalaman niya... mawawalan na'ko ng silbi sa Templo. Alam mo kung ano'ng gagawin nila sa mga walang silbi. Ipapatapon n'ya 'ko sa Isla! Kahit kailan, hindi na 'ko makakabalik."

Napaupo siya sa gilid ng kama. "Pero... ang mga pinapatapon lang doon ay iyong mga kailangan nang mawala ngunit hindi pa maaaring dispatsahin. Mga baliw, traydor at mga inutil. Hindi magagawa ng Punong Baylan ang iniisip ninyo, Dáyan. Mahalaga kayo para sa kaniya."

"Mahalaga 'ko sa kaniya dahil umaasa siya na ako ang magiging susunod na Punong Baylan. Sa tingin mo, pababayaan niyang maging tagapagmana niya ang tulad kong walang maalala? Walang kaalam-alam? Sinasabi ko 'to sa'yo kasi pinagkakatiwalaan kita, Wylan."

Matagal bago siya umimik.

"Sasabihan ko si Ima na dalhan kayo ng makakain," mahinang sabi niya bago lumabas.

AlterraWhere stories live. Discover now