Chapter 15

287K 11.7K 2.8K
                                    

ANG isang mata ko ay nakapikit nang damputin ko ang aking cellphone. Ano ba ito? One thousand missed calls? Tiningnan ko kung sino.


Si Rix!


'Buti na lang at naka-charge ang phone ko, kung hindi ay baka na-low battery na ito. Bumangon ako nang bahagya at umupo sa aking kinahihigaang hospital bed. Hindi naman siguro malala itong pilay ko. Sabi kasi ng doctor, wala naman daw akong nabaling buto. Nagkaroon lang ako ng pasa sa binti at hita dahil sa nalamog na muscles doon.


Swerte ko pa rin dahil mabait iyong nakabunggo sa akin. Alam kong kasalanan ko dahil nagmamadali ako, ngunit kahit ganoon, siya pa rin ang nagdala rito sa akin sa ospital.


"Miss, okay ka na?" tanong ng lalaki na nakabundol sa akin. Ang pangalan niya ay Steve.


Tumango ako. "N-nakatulog pala ako?"


Ngumiti siya sa akin. "Oo. Kanina pa nga may tumatawag sa 'yo riyan sa phone mo."


Sa hitsura ni Steve, mukhang may asawa na siya. Mukha kasi siyang tatay. Pero halata sa kutis niya na may kaya siya sa buhay. Maputi kasi siya at singkit ang mga mata. Mukha rin mamahalin ang suot niyang polo.


"Lalabas lang ako. Bibili ng pagkain. Wala ka bang kamag-anak na puwede mong tawagan para maipaalam mo na naospital ka?"


Napaisip ako. Kung kay Kuya Maximus ko ipapaalam, tiyak na sesermunan ako ng katakut-takot nito. Lalo na't nayupi 'yong gilid ng gamit kong pink scooter. Kung hindi nga ako tumilapon ay baka itong binti ko ang nayupi. Salamat na rin at tumalsik ako dahilan para pilay lang talaga ang abutin ko.


"Tatawagan ko na lang ang boss ko," sagot ko kay Steve.


Pihadong galit na galit na iyon si Rix. Hindi na kasi ako nakabalik sa coffee shop matapos ang aksidente. Nakatulog din ako dito kaya hindi ko na siya nai-text.


"Okay. Bibili lang ako sa labas." Ngumiti siya sa akin kaya lumitaw ang sungki niyang mga ngipin.


Nang mawala sa aking paningin, nagtipa na ako sa aking cellphone. Una kong tinawagan si Marlon. [ Nasaan ka? ] bungad niya agad sa akin. [ Kailangan ko ng pera. ]


"Sorry, Marlon. 'Di ako makakapunta ngayon."


[ Eh, paano 'yan? Kailangan ko nga ng pera, ' di ba? Ano, wala ka na namang nadelihensiya? Sana hindi ka na lang nangako kung di mo rin pala tutuparin! Pinaasa mo lang kami nina Mama! ]


"Gagawa ako ng paraan. Magtatanong ako sa boss ko kung makakakuha pa ko ng ng advance."


[ Itanong mo na ngayon! 'Wag mo nang tawagan, puntahan mo na para maka-advance ka na! ]


"Hindi ko kaya ngayon. Naospital ako, Marlon."


[ Naospital ka? ] Pumalatak siya. [ Ano na namang katangahan 'yan?! Ano, 'wag mo sabihing mapapagastos ka pa riyan?! Martina, naman! ]

The Wrong One (BOS: New World 2)Where stories live. Discover now