MATAPOS MAG-LIBRARY para mag-review sa nalalapit na exam ay dumeretso na ako sa last subject. Nakapagtataka na pagpasok ko pa lang sa room ay kakaiba na ang mga tingin sa akin ng aking mga kaklase. Nang tingnan ko ang mga ito isa-isa, ay isa-isa rin ang mga ito na nag-iwas ng mata.
Anong problema ng mga ito? Kilala ko lahat dahil sa liit ng university system na pinapasukan namin ay halos kami-kami rin ang magkakasama sa room. Ngayon lang naging ganito ang mga ito sa akin. Ang wirdo. Ipinilig ko na lang ang ulo at hindi na lang pinansin ang mga ito.
Nagsimula na ang huling klase. Wala si Gracia kaya wala tuloy akong katabi. Ibinuhos ko na lang ang atensyon sa lesson, umaasa na may matututunan ako. Desidido ako na matuto. Hindi ko na tatapusin pa ang hanggang fourth year dahil hindi na talaga kaya ng pera. Ang importante ay nakadalawang taon mahigit na ako. Maghahanap na muna ako ng fulltime na trabaho. Mag-iipon, lilipat ng mas matinong apartment, at magsisimula ng maliit na negosyo.
Kailangan kong magsakripisyo pero hindi nangangahuluhan na susuko na ako sa pangarap na makatapos ng pag-aaral. Gusto ko lang matulungan ang kuya ko sa ngayon. Dalawang taon lang ang palugit ko sa sarili para makabuwelo, at pagkatapos ay mag-aaral ulit ako. Iyon ang aking plano.
Pagkatapos ng klase ay parang may mga lakad na nauna at mga nagmamadaling nagsitayuan ang aking mga kasama sa room. Naunang lumabas ang mga ito sa akin. Nagngingitian, nagbubulungan, at mukhang mga excited na hindi maintindihan. Muli ay inignora ko ang mga ito. Mas gusto ko na ituon ang atensyon sa mas may kabuluhang bagay sa ngayon.
Pagkatapos kong ligpitin ang mga gamit sa aking armchair ay bumalik ako sa library. Humiram ako ng libro na babasahin sa bahay mamaya. Umalis na rin ako ng university pagkuwan. Nag-text pa ako kay Gracia para itanong kung bakit hindi ito pumasok, wala akong natanggap dito na reply. Mamaya ko na lang ito kukulitin ulit. Anong oras na at kailangan ko nang pumasok sa coffee shop.
Pagkarating sa cofee shop ay sarado pa iyon. Gabi pa kasi magbubukas. Pumasok na ako sa glass door para lang magtaka dahil bakit sobrang dilim? Wala pa ba ang ibang staff? Nang biglang bumukas ang mga ilaw.
"Surprise!!!" sigaw ng mga katrabaho ko na bumungad sa aking harapan. Nagsilabasan sila mula sa employee's lounge.
Napatanga ako sa kanila. Kompleto sila. Pero hindi iyon ang mas ikinagulat ko, kundi dahil hindi lang sila ang naririto. Naririto rin pati ang mga kaklase ko! Lahat sila ay nakangiti sa akin at binabati rin ako!
"Happy birthday, 'insan!" Si Gracia na biglang sumulpot sa aking tagiliran. Bigla niya akong niyapos.
"'Insan..." Gilalas na napatitig ako sa kanya. Bakit siya nandito? Hindi ba at absent siya kanina?!
Ngumisi siya. "Nandito ako sa shop kanina pa! Tumulong ako nang kaunti sa pag-aayos dito! Saka excited kasi ako dahil ngayon ka na lang ulit nagka-party!"
Tama si Gracia. Ngayon na lang ulit ako nakaranas ng party. Bata pa kasi ako noong huli. Buhay pa noon ang mga magulang namin ng kuya ko. Napalingap ang aking paningin sa paligid. Puno ng dekorasyon ang buong cofee shop. Napapalibutan ng lobo ang paligid, may iba pang party decorations na palawit sa kisame, at may tarpaulin pa sa pader kung saan naroon ang naka-wacky kong picture! Malamang si Gracia ang source niyon, walang duda!
BINABASA MO ANG
The Wrong One (BOS: New World 2)
RomanceHendrix Ybarra is your college professor by day, your manager in your part-time job by night, and your gorgeous in-denial stalker 24/7! -------------------------- Hendrix Ybarra Montenegro BOS #2 Black Omega Society New World ©Jamille Fumah 2019