Prologue

52 3 0
                                    

Magkahawak ang aming mga kamay habang nakatitig sa bintana at pinanonood ang pagbuhos ng ulan na kulay pula. Bakas ang pag-aalala sa mga mata ni Tim. Hindi pa nakauuwi ang aming lola. Sana nga ay walang masamang nangyari sa kaniya.

 
Sandaling nagliwanag ang kalangitan na sinundan ng matinding dagundong. Mula sa hindi kalayuan ay isa-isang nagsipaghulugan ang mga parachute at bumagsak sa masukal na kakahuyan sa bundok. Kahalintulad ang pangyayaring ito ng nakaguhit sa pahina ng diary ni lola kung saan may nakaipit na bookmark.

 
Lumingon ako upang sulyapang muli ang kaniyang diary na nakabuklat sa sahig. Nagliparan at nagkahiwa-hiwalay ang mga pahina nito nang pag-agawan namin ni Timmy. Kasabay noon ay nagliparan din ang mga pulang panulat na balahibo na tila nakapaipit din sa diary. Subalit hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang mga pahina at balahibo na nakalutang sa ere. Ganoon din ang mga maliliit na modelo ng mga planeta na kanina lamang ay nakadikit pa sa pinto ng lihim na silid. Marahil kung hindi naming pinihit ang doorknob na may disenyong araw ay hindi nangyari ang lahat ng mga kababalghang ito. Hindi sana nakalabas ang kahon na sisidlan ng mga pulang bato. Hindi sana namin ito binuksan at pinakawalan ang mga nasa loob nito. Sana ay buhay pa rin ngayon ang alaga naming aso na nilamon ng mga anino.

 
Lola, nasaan ka na?

 
Muli akong napatingin sa bintana nang napasigaw sa takot si Tim at nagsimulang umiyak. Mula sa malayo ay nagsimula nang gumapang ang pangingitim ng langit na kanina ay pula. Dinig namin ang malalakas na sigaw kahalo ng mga dagundong at pagaspas ng mga ibon.

 
Nagsimulang yumanig ang lupa at inakay ko si Tim papunta sa ilalim ng mesa. Nakapikit ang kaniyang mga mata habang nanginginig na yumakap sa akin.Labis man ang aking takot ay pinanood kong lamunin ng kadiliman ang aming paligid hanggang sa lamunin na rin kami nito.


Lola, nasaan ka na?

ELDRITCH RISINGWhere stories live. Discover now