Chapter 02.2 Lily

3 1 0
                                    

HINDI KO NA IPINAGPATULOY ang pagbabasa sa librong bigay sa ‘kin ni Lola. Nawalan na ako ng gana. Alam ko na ang katapusan.

Habang nakatitig ako sa bintana ay pinagpaplanuhan ko na kung paano ako makakaganti kay Timmy. Maya’t maya ay tinititigan ko siya nang may pagbabanta habang siya naman ay pangiti-ngiti pa rin na nang-aasar.

Gumawa ako ng listahan sa isip ko ng mga paraan kung paano ko siya ito-torture. Nasa #37 pa lang ako ay biglang bumusina nang malakas ang van. Paglingon ko sa harapan ay bumungad ang isang usa na nasa gitna ng kalsada. Hindi nito alintana ang busina. Papalapit na ang van dito ngunit tila wala itong balak umalis.

“Lola, iliko mo!” taranta kong sigaw.

Subalit sa halip na ipatigil ni Lola ang van ay pinabilis pa niya lalo ang sasakyan at tuluyang binangga ang usa. Doon pa lamang siya nagpreno.

Mabuti na lamang at naka-seat belt kami kaya walang nangyari sa aming tatlo. Maliban sa usa na tumalsik paharap at patay nang bumagsak sa ‘di kalayuan. Tumalsik ang dugo nito sa salamin ng sasakyan.

Hindi ko maintindihan. Nanginginig ang aking mga kamay at maluha-luha kong tinakpan ang aking bibig.

“Lola, bakit hindi mo siya iniwasan?” tanong ko.

“Mas lalo tayong mapapahamak kung iniwasan natin siya,” paliwanag ni Lola. May awtoridad sa kaniyang boses. “Maaaring tumaob ang van kapag bigla tayong liliko sa ganoong bilis.”

Ganoon-ganoon lang ay muli na niyang pinatakbo ang van.

Tinitingnan ko ang nakahandusay na usa habang dinadaanan at nilalagpasan namin ito. Nang papalayo na kami ay bigla itong bumangon at tumakbo sa gilid ng kalsada patungo sa kasukalan! Nakadungaw rin si Timmy sa bintana at alam kong nakita niya rin 'yon nang tumitig siya sa akin.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 09, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

ELDRITCH RISINGWhere stories live. Discover now