Chapter 01.1 Lily

33 2 0
                                    

KADARATING LAMANG ni Papa kahapon galing sa kaniyang trabaho. Malungkot itong sinalubong ni Mama sa harap ng pintuan. Mahaba ang naging usapan nila subalit wala halos maunawaan ang isang labinndalawang taong gulang na batang gaya ko sa naging takbo ng kanilang usapan. Ang tanging naunawaan ko lamang ay tinanggal na silang lahat sa kanilang kompanya matapos magkaroon ng malaking aberya. Naipalabas pa sina Papa at ang kaniyang mga katrabaho sa telebisyon matapos mapabalitang nagkaroon ng malaking pagsabog doon na ikinasawi ng marami. Mangiyak-ngiyak na nagpasalamat si Mama na hindi nadamay si Papa.

 
Subalit ramdam ko na ang pangyayaring ito ay hudyat na ang lahat ay hindi na magiging katulad ng dati.

 
Ako si Lily, tulad ng isang bulaklak. Para sa paslit na malapit nang mamukadkad sa pagdadalaga ay wala pa halos akong maunawaan sa takbo ng mundo. Hindi ako kabilang sa mga pinakamatatalino sa aming klase. Wala kasi akong hilig sa pag-aaral ng mga teknikal na bagay. Mahilig akong magbasa ng mga kuwento tungkol sa magic at fantasy, at sa mga kuwentong iyon ko na rin ibinabase ang mga pananaw ko sa buhay. Si Lola Red ang mahilig magregalo sa akin ng mga aklat. Bukod sa pagbabasa ay mahilig din ako sa gymnastics.

 
Ang kapatid ko naman na si Tim ay mahilig sa freerunning. Sa edad na labing-isa ay bihasa na ito sa paglundag at pagmaneubra upang makalusot kung saan mang sulok sa lansangan. Kahit palagi siyang pinapalo ni Mama ay hindi pa rin siya natitinag. Masasabi kong naging ganito ang kapatid ko dahil walang tumatayong ama sa aming bahay. Bibihira lamang kasi kung umuwi si Papa.

 
May hatid na kaba at inis ang kaniyang panunumbalik.


Habang nakokonsumisyon na naman sina Mama sa paghahanap kay Tim ay narinig ko ang isang pamilyar na busina. Parang musika sa aking tainga. Dumating na ulit si Lola para isama kami sa kaniyang bahay ngayong bakasyon!

ELDRITCH RISINGWhere stories live. Discover now