Untitled Part 11

33 6 3
                                    

Wala na naman ako sa sarili habang naglalakad sa patag na kalsada ng Las Casas. Tahimik pa rin sa paligid. Wala pang mga tao. Mukhang nasa siesta pa rin karamihan at nagpapahinga. Samantalang 'yong utak ko, hindi na alam kung paano tumigil sa pag-iisip tungkol sa mga pinag-usapan namin ni Manang Esme.

Binilin niya sa akin na walang ibang dapat na makaalam tungkol sa pinag-usapan namin dahil hindi ko alam kung sino sa mga makakausap ko ang taga-roon sa mundo ng mga engkanto. Hindi ko rin p'wedeng banggitin ang tungkol sa kanila dahil hindi ko alam kung kailan may nakikinig sa akin.

Naiiyak ako dahil sa mga nangyayari sa akin. Hindi ako handa sa ganitong role. Ang gusto ko lang naman, magturo sa Unibersudad de Monica---napatigil ako sa paglalakad dahil sa aking naisip.

May lihim ang Unibersidad de Monica... iyon ang gustong ipaalam sa akin ni Ofelia! Ang lihim ba na iyon ay ang mundo ng mga engkanto?

Agad kong iginala ang tingin sa paligid. Wala akong makitang ibang tao dagdag pa na banayad ang hangin. May ilang ibon sa himpapawid. Payapa naman ang paligid pero bakit pakiramdam ko, bigla na lang may mangyayaring masama sa akin? Pakiramdam ko, may hindi ako nakikita na nakatingin sa akin.

Si Atticus... hindi ako makapaniwalang isa siyang engkanto at hinayaan niya akong makalabas sa mundo niya. Mabait ba siya? Hindi niya naman kasi ako sinaktan, e. Sinabi niya pa nga na gusto niya ako dahil mabait ako sa kanya. Nilayo niya pa ako kay Heneral Adriano dahil alam niyang inaapi ako nito.

Agad akong naglakad nang mabilis para pumunta sa tabing ilog. Maliban sa kikitain ko roon sina Vida at Pedro, umaasa rin ako na muling magpapakita sa akin si Atticus gayong doon din ako nakalabas mula sa mundo nila. Wala pa siyang alam na may alam na ako tungkol sa kanya. Sa ngayon, ang plano ko ay kunin ang tiwala niya para matulungan niya akong ibalik dito si Ofelia.

Kaya pala sobrang g'wapo niya. Engkanto pala siya. Bigla na naman akong kinilabutan nang maalala ko na bigla akong nanghina noong araw na nginitian niya ako. Pagkatapos no'n ay inapoy na ako ng lagnat. Kaya pala! Sheet of paper! Bakit ngayon ko lang naisip ang mga ito? Naengkanto ako nang araw na iyon!

Dahil lutang na lutang ang isip ko habang naglalakad, hindi ko namalayan na nandito na pala ako sa tabing ilog. Naabutan ko sina Vida at Pedro na nag-uusap habang inaayos ang mga pagkain. Pareho silang nakaupo sa saping nakalatag sa damuhan. Kahit papaano, nawala ang takot na kanina ko pa nararamdaman.

"Monica," tawag ni Pedro nang makita niya akong naglalakad palapit sa kanila. Napalingon din sa akin si Vida habang nakangiti. Para bang ngayon lang siya nakahinga nang maluwag dahil nandito na ako. Same, Vida. Ngayon lang din ako nakahinga nang maluwag dahil nandito na kayo.

Naupo ako sa tabi ni Vida. "Pasenya na, nahuli ako," sabi ko. Iginala ko rin ang tingin sa paligid dahil hinahanap ko si Atticus. Minsan ko na siyang inaya na pumunta rito. Pupunta kaya siya? Shems, kinakabahan ako. Hindi ko alam ang mararamdaman ko kapag nagkita kami. Pero kailangan kong umakto na wala pa akong alam sa pagkatao niya para hindi niya ako iwasan.

Nararamdaman ko naman na mabait siya, e.

"Mayroon pa ba tayong hinihintay?" tanong ni Vida kaya napalingon ako sa kanya. "Tila may hinahanap ka."

Pilit akong ngumiti kahit halata sa mukha ko ang pamumutla ko. "Wala naman. Baka kasi may manggulo sa atin dito. Pero mukhang tahimik naman ang paligid."

Napangiti si Vida. "Ngayon lamang ako nakatagal sa lugar na ito. Madalas kasi ay nandito si Senyorita Ofelia. Nauunawaan ko na kung bakit dito niya nais magpalipas ng oras. Napakapayapa pala at napakagaganda ng tanawin." Hindi naman tago ang lugar na ito pero masasabi kong maganda nga rito. May katabing ilog na malinis, maraming puno na nagbibigay ng preskong hangin, sa hindi kalayuan ay malawak na lupa at sunod ay mga damuhan. Sa katabi nito ay gubat na may iba't-ibang ligaw na halaman. May mga bulaklak din doon na ngayon ko lamang nakita.

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now