Untitled Part 20

32 6 0
                                    

"Aray naman," inis na wika ko nang subukan ni Heneral Adriano na tanggalin iyong salugsog sa tagiliran ko. saglit siyang natigilan at tiningnan ako nang may gulat sa mga mata. "Dahan-dahan lang kasi," sabi ko habang humahangos. Pinagpapawisan na rin ako dahil ang init. Katabi ko ang gasera, e.

Tumango siya at huminga nang malalim bago yumuko at nagfocus sa pagtanggal no'ng mga salugsog. Bago niya kasi ito talian ng benda, kailangan muna itong malinis. Luma at putol na dos por dos pala kasi ang nakasugat sa akin. Kaya pala ang sakit.

Kasalukuyan kaming nandito sa head quarters nila. Walang masyadong tao dahil karamihan ng sundalo ay nagroronda sa Las Casas. Kailangan nilang bantayan ang kaligtasan ng bayan lalo pa't gabi ginanap ang kasiyahan. Sina Don Cesar ang nag-adjust ng party dahil ginabi na ng dating ang Gobernador-Heneral. Dapat kasi ay umaga ito gaganapin dahil bata si Agua at maraming batang dadalo.

"Ilapit mo, hindi ko makita," utos ni Henenal Adriano kaya nilapit ko 'yong gasera sa bewang ko kung nasaan ang sugat. Dito raw madalas gamutin ang mga sundalong sugatan kaya kompleto ang gamit panggamot. May forceps pa na siyang gamit niya ngayon.

"Nakakatakot pala rito kapag gabi," mahinang wika ko habang nakatingin sa labas. Nanghihina na ako sa sobrang sakit kaya kailangan kong aliwin ang sarili ko. Maraming alitaptap sa mga matataas na puno. Wala akong makitang sundalo malapit dito. "Aalis na ako bukas," paalam ko dahilan para matigilan siya. "Kailangan ko lang magpaalam dahil mukhang matatagalan ako. Baka abutin ako ng isang taon, dalawa, o higit pa. Depende pa 'yon kung magtatagumpay ako. P'wedeng... hindi na ako makabalik."

Saglit na naghari ang katahimikan. Ilang sandali lang ay bumalik na siya sa paglinis ng sugat ko. Napaurong ako pagilid pero pinilit kong maupo ng tuwid. Nakikiliti kasi ako kapag tumatama ang kamay niya sa bewang ko. E ang lakas ng kiliti ko roon. "Saan ka naman pupunta?" kalmadong tanong niya.

Napakamot ako sa noo na pinagpapawisan na ngayon. Ang init kasi talaga. Kahit si Heneral Adriano, pawis na pawis na rin. "Sa 'yo lang ako magsasabi ng totoo. Pero kung hindi ka maniniwala, wala na akong magagawa." Pinakita ko sa kanya ang bracelet na bigay ni Senyora Malou. "Iuuwi ko si Ofelia rito. Pero maghahanap ako ng lunas para makabalik siya sa kanyang kamalayan. Iyon ang sigurado akong matatagalan."

Bago ako umalis sa party ni Agua, nagpaalam na muna ako kina Donya Benilda at Javier na aalis na ako ng Las Casas at hindi pa tiyak ang aking pagbabalik. Ang paalam ko, may hahanapin ako. Inisip pa ni Donya Benilda na uuwi lang ako sa Hong-Kong o Laguna. Mas maigi na siguro iyon. Pumayag naman si Javier na umalis ako kahit alam niyang nagsisinungaling ako. Alam niyang wala ako sa Laguna, e.

Kahit kumikirot ang tagiliran ko, hindi ko pinahalatang nasasaktan ako dahil kailangan kong makaalis doon nang hindi ito napapansin. Hindi kami sabay na umalis ni Heneral Adriano. Nauna siyang lumabas habang hinihintay akong matapos sa pagpapaalam kina Donya Benilda. Baka kasi iba na naman ang isipin nila kapag sabay kaming umalis.

"Hindi ko maunawaan," mahinang wika ni Heneral Adriano habang nakayuko sa tabi ko at pilit tinatanggal ang mga salugsog. Sa tagal ko kasi itong hawak kanina, mas bumaon tuloy iyong maliliit na kahoy. Dapat pala ay hindi ko na pinatagal para madali itong malunasan. "Handa kang i-alay ang iyong kaligtasan para kay Ofelia? Dahil lamang sa iyong pangalan? Isa pa, kayang-kaya mo akong takasan nang hindi ko nalalaman. Bakit kailangan mo pa siyang hanapin gayong maaari ka nang lumisan kahit kailan mo naisin."

"Ayaw mo bang hanapin ko siya?" tanong ko. Napapunas ako ng leeg. Shuta, para akong gripo na pawis na pawis. Kinuha ko 'yong tuyong katsa at saka pinangpunas sa pawis ko. "Bakit ikaw? Hinahanap mo rin naman siya. Handa ka bang magbuwis ng buhay para makita lang siya ulit?"

Hindi kaagad siya nakasagot. Natigilan din siya sa kanyang ginagawa. Parang na-hotseat siya, ah. "Mahal ko si Ofelia," mahinang wika niya kaya napangiti ako. Muli siyang bumalik sa paggamot sa akin. "Ngunit hindi pa gano'n kalalim ang aming pagsasama upang mag-alay ako ng aking buhay."

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now