Untitled Part 13

35 6 1
                                    

Halos lumuwa ang mga mata ko habang tinitingnan kung paano tinutupok ng malaking apoy ang bahay nina Manang Esme at Enchong na nasa gitna ng palayan. Hindi rin ako makagalaw. Napabalik lang ako sa ulirat nang makita si Heneral Adriano na tumatakbo na sa maliit na daang nasa gitna ng palayan. Bitbit niya pa iyong mahaba niyang baril.

Kahit kinakabahan, pinilit ko rin ang sarili ko na sundan siya. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko dahil hindi ko alam kung may madadatnan pa ba kaming buhay sa loob ng bahay. Kita ko mula rito sa malayo kung paano malaglag ang bubong ng bahay. Sheet of paper, sana talaga makaligtas si Manang Esme.

Itinapon ni Heneral Adriano ang mahabang baril sa tabi at saka kinuha ang isang balde ng tubig. Akala ko, ibubuhos niya iyon sa malaking apoy which is wala naman nang magagawa para patayin iyon. Pero napanganga na lang ako nang ibuhos niya iyon sa sarili niya. Basang-basa siyang lumapit sa akin at kinuha ang balabal ko. Sinawsaw niya naman 'yon sa isa pang balde at saka patakbong pumasok sa loob ng bahay.

"Hoy, baka ikaw naman ang masunog," sigaw ko pero hindi siya nakinig. Sinubukan niyang pumasok kahit nagbabagsakan na iyong bubong at pader. Gusto ko rin sanang pumasok kaso sa kapal ng balabal ko, siguradong kakapitan ako ng apoy. Hindi ko alam ang gagawin ko hanggang sa lumabas na si Heneral Adriano kasama si Manang Esme na walang malay. Nakasunod naman sa kanya si Enchong na ubo nang ubo. Madungis na siya.

Agad ko silang nilapitan para alalayang makalabas. Pare-pareho kaming nagitla nang tuluyang bumagsak ang isang bahagi ng pader. Nagmadali kaming maglakad palayo sa natutupok na apoy. Mas pinalalaki pa ito ng hangin.

"Chong, ayos ka lang?" kinakabahang tanong ko. Mabilis siyang tumango at napatingin sa kanyang Ina na natutulog. Nagdurugo ang noo nito at may mga galos din. Ang dumi na rin ni Manang Esme dahil sa kapal ng usok kanina. Agad kong hinawakan ang palapulsuhan ni Manang Esme. Buhay pa siya. "Dalhin agad natin siya sa pagamutan," sabi ko sabay tingin kay Heneral Adriano na nakakunot ngayon ang noo habang nakatingin sa bahay na natutupok. "Ayos ka lang ba? Baka may sugat ka rin."

Bumaba ang tingin niya sa akin. "Dalhin na natin siya sa pagamutan," aniya at saka binuhat si Manang Esme. Inalalayan ko naman si Enchong maglakad dahil nagtamo pala siya ng sugat sa binti. Pinunit ko pa 'yong isang manggas ng damit ko para itali sa sugat niya upang pigilan ito sa pagdurugo.

Isang minuto rin kaming naglakad-takbo habang papunta sa pagamutan lalo pa't wala kaming nakakasalubong kahit mga sundalo. Walang nagsasalita sa amin hanggang sa marating namin ang pagamutan. Nagising tuloy sina Doctor Benitez at Pedro. Nang makita nila kaming apat, agad nila kaming pinatuloy sa loob. Hindi na sila nagtanong pa. Alam nilang paso at galos ang tinamo ng mga pasyente namin kaya ginamot na nila ang mga ito.

Nakaupo si Heneral Adriano sa isang mahabang bangko dito sa maliit na lobby ng pagamutan. Madilim dahil walang sindi ang mga kandila pero pumapasok ang liwanag ng buwan kaya nakikita ko pa naman siya. "Oh," sabi ko kay Heneral Adriano habang inaabot sa kanya ang isang tuyong balabal at isang basong tubig na kinuha ko pa sa kusina. Minsan na akong nakapunta rito. Dito pa nga ako nakaligo noong mabaho na ako. Alam ko na kung saan ang kusina rito. "Salamat sa pagligtas sa kanila," sabi ko pa dahil nakatingin lang siya sa mga binibigay ko. Basang-basa siya. Bumabakat tuloy sa camiso niya ang katawan niya. Pakat din iyong biceps---ehem! "Kunin mo na. Hindi ka p'wedeng magkasakit. Hahanapin pa natin si Ofelia."

Kinuha niya ang balabal pero pinatong niya lang iyon sa kanyang mga hita. Pagka'y kinuha niya ang tubig at uminom. Tahimik pa rin siya. Maingat akong umupo sa tabi niya sabay hinga nang malalim. Magsasalita na sana ako nang iabot niya sa akin ang balabal. Napatingin ako roon at sa kanya. "Kunin mo na. Nakakaasiwa tingnan ang iyong braso," aniya dahilan para mapasinghap ako pero pinigilan ko.

"Wow, ha! Ang ganda kaya ng braso ko," inis na sabi ko sabay kuha sa balabal at saka ipinatong sa likod ko. "Pero bakit mo 'yon ginawa?"

Hindi agad siya sumagot. Nakatingin pa rin siya sa malayo na para bang nagsisisi na siya na ginawa niya pa rin iyon. "Hindi pa rin ako naniniwala sa inyo... ngunit kung pati siya'y makatutulong sa paghahanap kay Ofelia, ibig sabihin ay kakailanganin ko rin siya."

Lost in 19th CenturyWhere stories live. Discover now