ENTRY #6: #GUTOM by Nyeheyyy19

103 3 1
                                    

                Tag-init. Tirik na tirik ang Haring Araw. Maging ang hangin na umiihip ay bahagyang mainit. Tahimik ang paligid, na kahit ang mga huni ng ibon ay hindi maririnig. Tanging ang maliliit na alon, na nabubuo sa paligid ng isla, lamang ang nakakagawa ng ingay.

                “Pareng Uod, nakatikim ka na ba ng tao?” Tanong ni Pareng Langgam sa akin, dahilan para tanggalin ko ang aking shades at tapunan siya ng tingin.

                “Oo naman. Bago ako mapadpad sa islang ito, sa siyudad ako nakatira. Lahat na yata ng mga bagay na maaaring kainin ay nakain ko na. Bakit mo naman naitanong?”

                Dito na sa Pitong Isla ipinanganak si Pareng Langgam. Dahil dito, limitado lamang ang mga bagay na kanyang nararanasan. Ano lang ba ang makikita sa islang ito? Mga matatayog na puno ng niyog, mga ibon na malayang lumilipad, mangilan-ngilang isda sa karagatan, at mga ibang hayop na tila walang pakialam.

                “Bago ako mamatay, gusto ko makatikim ng tao.” Sagot niya.

                Naalala ko tuloy ang mga nangyari rito sa islang ito pitong taon na ang nakalilipas. Wala pa noon si Pareng Langgam kaya wala siyang kaalam-alam sa mga nangyari noon.

                “Alam mo ba kung bakit Pitong Isla ang pangalan ng islang ito? At alam mo ba kung bakit walang tao ang dumadayo sa lugar na ito kahit na napakaganda naman ng tanawin dito?” Tanong ko sa kanya.

                “Hindi nga eh.”

                Sinimulan ko nang ikwento kay Pareng Langgam ang storya sa likod ng islang ito.

                Pitong taon na ang nakalilipas nang may ma-stranded na grupo ng mga teenagers sa islang ito. Ang dahilan? Walang nakakaalam. Nagulat na lamang daw sila na sa halip na marating nila ang isla na nasa kanilang plano puntahan ay napadpad sila rito. Naging mabuti naman ang mga unang araw nila sa isla. Ngunit sa kalaunan, isa-isa silang namamatay.

                Una. Ang lalaking walang ginagawa. Madalas lamang siya nakahiga sa buhangin at natutulog. Wala siyang kontribusyon sa kahit na anong bagay. Maging sa pagkain ay madalas niyang kalimutan. Nagulat na lang ang kanyang mga kaibigan nang kinabukasan ay wala na siyang buhay. Unang namatay ang lalaking gutom sa katamaran.

                Pangalawa. Ang lalaking walang ginawa kung hindi ang kumain. Maya’t-maya ay naghahanap siya ng makakakain. Kapag tanghalian, o hapunan, wala siyang pakialam kung ang iba niyang kasama ay nagkukulang na sa pagkain. Dahil para sa kanya, ang tiyan niya ang mahalaga. Pangalawang namatay ang lalaking gutom sa pagkain.

                Pangatlo. Ang babaeng kung sinu-sino na lang ang kinakama sa gabi. Palipat-lipat siya ng lalaki gabi-gabi dahil sabi niya’y maya’t-maya ay hinahanap niya ang init ng isang lalaki. Gaya ng naunang dalawa, namatay rin siya. Namatay siya ng dahil sa gutom niya sa laman ng tao.

                Pang-apat. Ang babaeng ito naman ay wala nang ginawa kung hindi ang mainggit sa lahat ng bagay. Lahat ng meron ang iba, na wala siya, ay gusto niya rin. Kahit sa mga katiting na bagay ay kinaiinggitan niya. Kung anu-anong masasamang bagay ang tumatakbo sa isip niya kapag nakakakita siya ng taong may-ari ng mga bagay na gusto niya. Kaya isang gabi, wala na siyang bagay na kaiinggitan pa. Dahil ang babaeng gutom sa mga materyal na bagay ay patay na.

                Panlima. Ang lalaking hindi marunong mamahagi. Sa kanilang lahat, siya ang may pinaka-kumpletong gamit. Lahat ng kailangan ay mayroon siya. Kung tutuusin, lahat sila ay maaaring makinabang sa mga dala niya. Pero ni isang bagay ay wala siyang binahagi. Isang gabi ay binaon niya sa buhangin ang kanyang mga gamit – gamit na siya lamang ang nakakaalam kung nasaan. Kaya kinabukasan, nakita na lamang siya ng kanyang mga natitirang kasamahan na nakabaon sa buhangin kasama ang kanyang mga gamit. Dahil sa gabi rin na iyon, namatay ang lalaking gutom sa kaginhawaan.

                Pang-anim. Mula sa pitong magkakaibigan, dalawa na lamang silang natitira. Walang may gustong matulog dahil sa takot na ang isa sa kanila ang tunay na pumapatay ng tao. Ang isa sa kanila ay galit na galit nang maisipan ng kanyang kasama na tabi na lamang sila matulog. Nagalit siya dahil hangga’t maaari ay ayaw niyang madikit sa kasama. Galit siya sa pag-aakala na ang tinuturing niyang kaibigan ang pumatay sa iba. Natulog siya nang may galit sa puso. Laking gulat na lamang ng kanyang kasama nang madatnan ang kaibigan kinaumagahan na patay na rin. Patay na ang lalaking gutom sa galit.

                Pampito. Natatakot siya dahil siya na lang ang natitira sa isla na iyon. Hindi niya alam kung mabubuhay pa ba siya kinabukasan. Ngunit wala na siyang magagawa. Kung ano man ang maging kapalaran niya ay tatanggapin niya. Pero ang nangingibabaw talaga sa lahat ng nararamdaman niya ay ang kanyang sobrang tiwala at yabang sa sarili. Dahil para sa kanya, siya ang pinakamagaling dahil siya na lang ang natitira. Ilang araw ang lumipas at walang nangyayari sa kanya. Lalo siyang bumilib sa sarili sa pag-aakalang ligtas na nga talaga siya. Pero sa ikapitong gabi niya sa isla, na siya na lamang mag-isa, ay nawalan din siya ng buhay. Sa pitong pagkakataon, may namatay. Namatay ang lalaking gutom sa mataas ng tingin sa saril.

                Hanggang ngayon ay misteryo pa rin ang pagkakamatay ng magkakaibigan. Walang nakakaalam. Wala na rin ang may gustong malaman. Lahat ay handa na lang kalimutan.

                “Pareng Langgam, ano, gutom ka pa rin ba sa tao?” Tanong ko sa kanya na may halong biro.

                “Hindi ko alam, pare. Eh ikaw, anong gusto mong kainin bago ka mamatay?” Tanong naman niya sakin na tila iniiba ang usapan.

                “Langgam, pare. Gusto ko makatikim ng langgam.”

PLAGA ENTRIESWhere stories live. Discover now