ENTRY #3: BASANG-BASA SA ULAN [Star-crossed Lovers + War] by EmpanadaMan

81 2 0
                                    

Basang-basa Sa Ulan

by EmpanadaMan

 

 

Alas-diyes ng gabi. Hindi ko alam kung bakit hindi ako dalawin ng antok. Mayroon bang espiritu ng pagtulog at kailangan ko pa siyang kausapin nang harap-harapan at magsumamong i-wan-tu-tri niya ako gamit ang kanyang mahiwagang wand na may star sa tuktok. O baka naman naggagala ang anghel na dapat ay magsasaboy sa akin ng sleeping powder.

 

Tangina. Nasisiraan na yata ako ng bait. Kung anu-anong kalokohan ang pumapasok sa isip ko. Marahil ay epekto na ito ng eksamen namin kanina sa Physics. Hay, Physics. Ang kaisa-isang asignaturang ni minsan ay hindi ko nagustuhang pag-aralan. Kung hindi lang ako nanganganib bumagsak, hindi ko ipagsisiksikan sa utak ko ang lahat ng komplikadong bagay tungkol sa pagdaloy ng kuryente, paggamit ng voltmeter at ammeter at maging ang pagmemorya ng samu’t saring pormula na binubuo ng kung anu-anong letra at numero at kung mamalasin ka pa’y may pahabol pang mga kung anu-anong guhit.

 

----------

 

Alas-singko ng umaga. Hindi ko alam kung papaano ako nakatulog. Gusto ko na lang ipagpalagay na na-overfatigue ang utak ko kakaaral kagabi kaya bigla na lang nagbigay ng utos sa mga mata ko na pumikit na. Hanep.

 

Kabababa ko palang ng hagdan nang makita kong nakaupo si Tita Gen sa salas at nagkakape. Marahan niyang hinihipan ang isang maliit na tasa at saka sasalukin ng kutsara. Weirdo. Pwede namang diretso na lang higupin. Ewan ko ba. Magka-tropa yata itong si Tita at ‘yong kaklase kong si Tina na tumitingin muna sa sinumang kaharap niya sa hapag bago dahan-dahang isubo ang kutsarang may pagkain.

 

“Magandang umaga po,” bati ko rito. Halata namang nagulat ito. Mabuti na lamang at hindi nito nai-itsa ang tasa sa direksyon ko. Hindi pa naman ako sirkero kaya paniguradong hindi ko masasalo iyon.

 

Bigla akong napaisip. Siguro ay may lahi akong multo kaya kahit kanina pa ako nakatayo roon at inoobserbahan kung papaano siya sumimot ng kape ay hindi man lang niya namalayan ang presensya ko.

 

Papanhik na sana ako sa kusina para magsimulang magluto nang tawagin ako ni Tita. “Bumili ka na lang ng pandesal d’yan kay Tony. H’wag ka nang magluto. May binili kasi akong palaman kagabi, gusto kong tikman.” Yes. Ayos at hindi na ganoon ka –hassle ang umaga ko.

 

Ganito na ang nakagawian ko sa araw-araw. Gigising ng maaga para maghanda ng almusal at maglinis ng bahay. Hindi naman ako pinipilit, mas mabuti nang may pinagkakaabalahan ako dahil hindi naman namin bahay ito at nakikitira lang ako.

 

May kaya sa buhay sina Tita Gen. Swerte kasi’t nakapangasawa ng seaman, si Tito Jun. Kaya mula sa probinsya ay lumuwas ng Maynila si Tita upang magpakasal sa katipan at magsimula ng sariling pamilya. May tatlo silang anak na swerte’t kasundo ko kaya walang problema. Si Kuya Vince na may pagka-tahimik ay nakapagtapos ng kursong Psychology sa UP at ngayon ay Assistant Head na sa HR Department ng isang kompanya. Si Kuya Leandro naman na isinunod umano ang pangalan kay Tita Lena sa hindi ko mawaring paraan ay tinahak naman ang yapak ng ama. Unang taon nito sa barko ngayon kasama si Tito Jun. At ang bunso nilang si Andrea na prinsesa ng pamilya. Mag-iikatlong taon sa kolehiyo at biniyayaan ng talino. Ang nakakatuwa’y sinabi niyang crush niya ako na siya namang ikinahalakhak ko. Mapagbiro kasing bata. Pero kahit pa maganda si Andrea, incest pa rin ‘yon kapag nagkataon.

PLAGA ENTRIESWhere stories live. Discover now