Ang Obra ng Tamad na Manunulat

382 20 4
                                    

Habol ang paghinga habang patuloy ang tagaktak ng pawis sa aking noo. Mainit ang singaw ng kwarto dahil sa mahinang buga ng maalikabok na elisi ng lumang elektrikpan. Madilim pero sapat na ang liwanag ng monitor para sa obrang ginawa ko. Huminga ako ng malalim. Hawak ang bolpen na ginamit ko, napaisip ako; gaano katagal na nga ba akong nagtatrabaho bilang manunulat? Halos isang dekada na rin pala. Halos isang dekada na rin pala akong hindi gumagamit ng bolpen sa pagsusulat. Para sa'n pa? May kompyuter naman.

Halos isang dekada ang ginugol ko sa pagsusulat ng mga istoryang magpapatindig sa balahibo ng mambabasa. Ibinuhos ko ang buong panahon ko sa paggawa ng mga obra--mga librong bunga ng aking imahinasyon. Para sa mga mambabasang gusto ng katatakutan, at syempre, para sa kumpanyang patuloy na umaasa. Kumpanyang nagbigay sa akin ng pag-asa para matupad ang pangarap ko--ang maging tanyag na manunulat.

Pagsusulat ang trabahong pinangarap ko simula pa sa simula. Masaya . . . sa simula. Libangan ko ang pagsusulat. Gusto kong magsulat nang magsulat. Pero nang tumagal ay naging delubyo na ang lahat. Hindi dahil gusto ko, pero dahil kailangan ko.

Kailangan kong magsulat nang magsulat para kumita. Para sa pang-araw-araw na pangangailangan. At kailangang magsulat pa, para may maitabing kaunting salapi. Para sa amin. Para sa kinabukasan namin ng pinakamamahal ko.

Ang pinakamamahal ko ang pinanghuhugutan ko ng lakas at inspirasyon. Sa loob ng anim na taon, walang masyadong naging problema. Langit nang maituturing ang aming pagsasama. Masaya . . . walang kasing saya. Siya na ang babaeng gusto kong makasama habang buhay.

Kaya naman pinagbuti ko pa ang aking pagsusulat para kumita ng mas malaki. Para makaipon. Pampakasal. Pampagawa ng munting bahay. Bahay na magiging tahanan namin--ng aming bubuuing pamilya.

Nagsulat ako araw at gabi. Nagsumikap ako, ibinuhos ko lahat ng oras ko para sa pangarap namin. Hindi ko naisip na ang pagsusumikap ding ito ang wawasak ng pinakaaasam ko. Inilaan ko lahat ng oras sa pagsusulat. Hindi ko napansing unti-unti ko na palang winawakasan ang relasyon namin.

Dumating ang araw ng katuparan. Naihanda ko na ang lahat: ang gagastusin sa kasal, ang munting bahay, ang singsing na nakalagay sa espesyal na kahon. Pagkakataon nalang ang hinihintay ko. Pagkakataon para ayain s'yang magpakasal. Abot kamay ko na ang pangarap ko. Akala ko.

Hindi ko malilimutan ang gabing iyon. Pauwi na ako no'n suot ang malapad na ngiti. Napakasaya ko dahil sa wakas, nasa bulsa ko na ang katuparan ng aking mga pangarap . . . pangarap na naglaho sa isang iglap. Kitang-kita ko, hindi ako maaring magkamali. Ang babaeng pinakamamahal ko, naglalakad, kasama ng isang lalakeng mas gwapo sa akin. Magkahawak ang kanilang kamay. Napalingon sya sakin at alam kong nakita n'ya ko ngunit hindi n'ya ko pinansin. Gusto ko s'yang lapitan at kausapin. Tanungin. Hingin ang paliwanag n'ya at sabihing mali ang hinala ko. Pero sadyang napakaliwanag ng lahat, kaya umuwi nalang ako at nagpakalango sa alak. Umaasang malilimutan ko rin ang lahat.

Lumipas ang mga araw, linggo at buwan, hindi na sya nagparamdam. Masakit mang aminin ngunit wala na talaga. Masakit ang ginawa n'ya sa akin sa kabila ng pagmamahal na ibinigay ko sa kan'ya, ngunit mas masakit isiping mahal ko pa rin s'ya sa kabila ng ginawa n' ya sa akin.

Wala na. Kasabay ng paglisan n'ya ang pagkawala ng mga pangarap at inspirasyon. Wala na akong dahilan para magpatuloy. Wala ng dahilan para magsulat. Wala na akong matinong maisulat. Binansagang 'Tamad na manunulat'. Laging naghahabol sa deadline. Laging babad sa laway dahil sa sandamakmak na sermon na laging pabaon ni boss.

Tamad na manunulat. 'Yan ang tawag sa'kin ni boss. Nakakainis talagang pakinggan. Kasabay ng 'di mabilang na mura, at matatalim na salitang bumabaon sa aking pagkatao sa tuwing hihingi ako ng karagdagang palugit. Kinamumuhian niya 'ko. Mas kinamumuhian ko s'ya.

Kaya muli, sa unang pagkakataon makalipas ang halos isang dekada, humawak ako ng bolpen para makagawa ng panibagong obra. Ang pinaka-nakakapangilabot sa lahat. Ang obra kong hindi nasa papel kun'di nakasabit sa pader. Ang nagbigay ng palayaw ko bilang isang tamad na manunulat. Masyado syang madada kaya pinutulan ko ng dila. Gamit ang bolpen, dinukot ko ang dalawa nyang mata. Pinaliguan ko ng saksak sa buong katawan. Sa leeg, sa tagiliran at kung saan-saan. Pinagpapalo ng bakal na upuan hanggang sa mangitim at mangisay. At ipinako sa pader bilang katapusan.

Madugo. Masakit. Puno ng pagkamuhi at hinanakit. Ang obra ng tamad na manunulat.

Ang mga Obra ng Tamad na ManunulatWhere stories live. Discover now