Amnesia

120 16 5
                                    

Kinakausap lang Kita kapag ako’y nangangailangan Baka may kakilala Ka na pwede kong utangan Kasi alam Mo na sa tong-its talo ako Pwede bang bigyan ako kahit anim na numero?

Nakahiga si Lolo Abel sa papag niyang sinapinan ng banig. Sumisipol sa saliw ng tutog mula sa naghuhumiyaw na radyo ng kapitbahay. Bumalikwas siya. Umupo sa gilid ng papag. Humiga ulit. Dumapa. Nagkamot ng buhok na puno ng uban. Pumikit.

Lord, patawad Pagkat ako’y makasalanan Makasalanang nilalang Lord, patawad…

Lalong lumakas ang basag na tunog ng radyo. "Bwisit," usal niya bago tuluyang bumangon. Nag-inat ng kaunti, pagkatapos ng ilang lagutok ng buto'y umupo na siya sa harap ng maalikabok na kompyuter. Hinawi ang dyaryong nakapatong sa keyboard. Humikab muna ng malapad, tapos ay hinimas na ng kulubot niyang kamay ang de bolang mouse. Nagbukas ng MS word, at agad na binirahan ng mabilis na tipa.

Malakas na naman ang daloy ng ideya ni Lolo Abel. Balewala ang lakas ng radyo ng kapitbhay. Sa mga ganitong pagkakataon ay hindi talaga siya mapakali. Kailangan niyang ilabas ang imahinasyong namuo sa loob ng kaniyang bungo. Para itong halimaw na nagpupumiglas mula sa kanyang utak at hindi matatahimik hanggat hindi naisasapapel.

Mabilis ang tipa. Sunud-sunod ang lagutok na pinapakawalan ng mga nanginginig niyang daliri. Gaya ng dati, isa lang ang nasa isip--baka ito na!

Baka ito na ang sagot sa pangarap. Baka itong akdang ito na ang maililimbag. Baka hindi na ito ibabasura ng mga publisher. Baka. Baka…

“Kalabaw lang ang tumatanda, hindi ang pangarap.”

Mas mabilis pa ang pagtipa. Hindi mapipigilan ng katandaan. Iniinda ang bawat kirot sa bawat lagutok ng buto. Tipa. Tipa. Tipa.

Dadadadadadadadadada Puro ako salita at dada Sa biyaya ako’y--

Biglang namatay ang radyo ng kapitbahay. Tumahimik ang paligid. Blangko ang monitor. Walang ilaw. Brown out. "Anak ng Putakte!"

Mura. Mura. Mura. Di mabilang ang murang binibigkas niya. Luminga-linga sa paligid. Hinahagilap ang bolpen na ginamit niya sa crossword puzzle kanina. Kailangan maisulat ang ideya. Halungkat dito, halungkat do'n. Sa drawer. Sa mga iba-ibabaw. Sa ilalim ng unan. Pinagpag ang higaan. Sa ilalim ng papag at upuan. Hanap. Hanap. Hanap hanggang sa hingalin. Wala. Hingal, ubo sabay hawak sa balakang.

"Totoy!" Sa wakas! Sumaklolo na si Lolo. Tinawag ang apong madalas niyang mapagbintangan. Dinig ang patakbong yabag ng apo papalapit sa kwarto niya. Pagbukas ng pinto ay agad niyang sinalubong  ang apo ng malutong na mura.

"Mura ng ina mo, Totoy ka! Nasaan nanaman ang bolpen ko?! Anak ka talaga ng tatay mo! Siguro ay pinakialaman mo nanaman, 'no?" Basa ang mukha ng kawawang Totoy dahil sa saganang laway ng kanyang Lolo. Gustuhin mang sumingit pero hindi n'ya magawa dahil sa mala-armalite na bunganga ng matanda.

"Mga walang utang na loob! Pinapatira ko na nga kayo ng libre sa bahay ko, e . . . nakukuha niyo pa akong nakawan! Mga walang hiya! Ngayon pang kailangan na kailangan kong magsulat. Ilabas mo ang bolpen ko, Totoy! Kung hindi, makikita mo...bubugbugin kita!"

Humingal ang matanda. Naubos na ang lakas. Agad namang nagsalita si Totoy na sanay na sanay na sa mga ganitong sitwasyon. "Ayun po, oh. Nakaipit po sa likod ng tenga n'yo." Kinapa ng Lolo ang tenga. Naroon nga ang bolpen. Makakalimutin na talaga si Lolo. At sa sobrang makakalimutin niya, nakalimutan niyang Alzheimer nga pala dapat ang pamagat ng kwentong ito.

Ang mga Obra ng Tamad na ManunulatHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin