Dos

80 7 1
                                    

Matumal ang kalansing ng barya sa latang dala niya. Paro't parito ang mga dumaraan ngunit wala ni isa ang nag-abala para maghulog ng limos. Mataas na ang sikat ng araw. Malakas na ang tunog ng gutom niyang sikmurang kagabi pang walang laman.

"Ale, barya lang po. Kahit piso lang," pakiusap niya sa matabang aleng may pandong sa ulo at suot na rosaryo. Tinabig lang nito ang hawak niyang lata at binilisan nang bahagya ang hakbang. Sumimangot siya, suminghot ng sipon at muling sumubok sa iba pang dumaraan. Marami ang umiwas, umiling at hindi man lang tumingin sa kanya. Pero buo pa rin ang kaniyang loob, umaasang may bukas-palad na mag-aabot ng barya. Kahit isang salaping may mukha ni Rizal ay pwede na. Swerte na kung may magbibigay pa ng dalawang piso o mas mataas pa.

Ramdam na niya sa hubad na talampakan ang init ng aspalto. Lumipas na ang almusal ngunit wala pa ring laman ang kaniyang lata. Lumipat siya sa kabilang kalsada, tumabi sa puwesto ng nagtitinda ng dyaro, na puro SONA ni P-Noy ang laman, at itinuloy na niya ang pakiusap sa mga dumaraan. Umaasang may magbibigay ng ipanglalamang tiyan niya sa papalapit na tanghalian.

Lumapit siya sa tatlong lalaking paparating. Base sa kanilang suot na uniporme ay mga estudyante sila sa isang pribadong paaralan. "Kuya, barya lang po. Kahit piso lang," pakiusap n'ya sa mga lalaki. Nginitian s'ya ng isa sa mga ito, humugot sa bulsa ng pantalon at inihulog sa kaniyang lata ang salapi. "Ayan. Dos pa 'yan, ha," nakangising sabi ng nito.

Nagpatuloy na sa paglalakad ang tatlong estudyanteng lalaki habang nanginginig ang mga balikat sa katatawa. Habang siya naman ay naiwang nakatitig sa laman ng latang dala niya--dalawang lumang baryang may nakaukit na imahe ng kalabaw.

Ang mga Obra ng Tamad na ManunulatWhere stories live. Discover now