Tortang Talong

94 5 1
                                    

Tortang Talong

 

Tak! Tak! Tak! Wala na. Said na ang laman ng bote ng ketchup. Kinuha n'ya ang pitsel, sinalinan ng kaunti ang bote at saka n'ya inalog na parang bumobola ng bingo. Nakita niyang luminaw ang bote at muling nagkalaman. "Bingo!" Ibinuhos niya ang malabnaw na ketchup sa gilid ng plato at sa ibabaw ng paborito niyang ulam. Tapos ay sinimulan nang lantakan ang masarap na almusal na tinernuhan pa ng mainit na kape. Solb!

Pagkatapos ng magarang almusal ay agad na siyang nagbihis. Konting ikot sa harap ng salamin. Konting suklay ng buhok gamit ang kamay na pinahiran ng gel. Konting wisik ng pabangong amoy alcohol. Tapos! Tumingin siya sa kanyang relo, ala siete y medya na. "Patay! Siguradong late na naman ako nito!"

Larga na. Lakad-takbo na siya patungong labasan. Hindi naman umuulan pero napuno ng tilamsik ng putik ang pantalon niya dahil sa sabaw ng labadang isinaboy ni Aling Fe sa eskinita. "Putik ng ina talaga!" bulalas niya.

Pagdating sa kanto ay agad naman siyang nakasakay ng jeep. Konti pa lang ang pasahero. Umupo siya sa may bukana para makaiwas sa ginintuang rensponsibilad bilang isang dakilang taga-abot ng bayad sa mamang tsuper. Humugot ng panyo, nagpunas ng pawis at putik sa pantalon. Bumuntong hininga, pumikit sabay pakawala ng pabulong na mura, "Tangina..."

"Yes? Oh helow! Yah opkors...ha-ha-ha-ha. Malapit na nga me, eh. Mga piptin minits lang siguro. Okey, I'll make tawag nalang again. Okey. Bye."

"King-ina pare! Eses na dapat yun! Naistan pa ang gago!"

"Oo nga pare! Sayang! Nakapag-mega agad!"

"Mommy, mommy! Jabi, jabi!"

"Hay naku! Magtigil ka nga Jun-jun! Mcdo yan eh."

Maingay ang mga pasahero. Sumasabay sa nakakainis na init, usok, busina at kali-kaliwaang mura ng mga motorista. Binuksan ng tsuper ang radyo. Ayos ang tugtugan—Discolamon ng Banda ni Kleggy. Gusto niyang umindak pero nakuntento na lang sa maliliit na tango at konting padyak ng paa. Dumungaw siya sa bukana ng jeep, tanaw ang mga tao at gusaling unti-unting lumiliit at naglalaho sa kanyang paningin. Pakiramdam n'ya ay nasa isang music video siya habang kunot ang noong nakatanaw sa kawalan kasabay ng paminsan-minsang pagbuka ng bibig.

Unti-unting bumigat ang trapiko. Konting usad, ilang minutong hinto. Mura dito,mura doon. Madalas ang pag-ihip sa matinis na pito ng matabang traffic enforcer na sinasagot naman ng kabi-kabilaang busina ng mga badtrip na motorista. Inilalako ng tsuper ang bawat destinasyon ng rutang kanyang daraanan—pangalan ng kalye, gusali, ospital at inuming de bote. Muli siyang pumikit, pilit pinapakalma ang iritadong sarili.

Patuloy ang mala-pagong na usad ng mga sasakyan. Hindi n'ya namalayan na dumami na ang pasehero. Medyo sumikip na ang pituhang jeep na may lulang mahigit bente katao. Mas tumindi ang init. Tuyo ang lalamunan, basa ang kilikili. Pasimple niyang inilibot ang tingin sa mga pasahero, naghahanap ng magandang tanawin. May naispatang seksi pero napangiwi rin s'ya sa ala-hipon-tapon-ulong alindog nito. Meron ding maganda ang mukha pero parang lollipop na ulo lang ang may pakinabang dahil sa tingting nitong katawan. Walang mabosohan ang mala-ninja niyang mga mata, kahit sa mga nursing student sa harapan niya na nakasuot ng maikling puting palda ay hindi uubra dahil parang hanggang bewang ang puting medyas ng mga ito.

Muli siyang dumungaw sa labas. Trapik. Tumingin sa relo, tinantsa ang oras ng byahe, umiling-iling sabay palatak. Mabagal parin ang usad ng jeep. Unti-unti nang nababawasan ang mga pasahero. Mahigit bente minuto pa sa tantsa niya bago siya makarating sa trabaho.

Huminto ang jeep sa harap ng karatulang No loading/Unloading. May nakaabang na mukhang buteteng ulikbang traffic enforcer na nakaakbay pa sa isang mistisang babae. Sumenyas ang buteteng ulikba sa tsuper. May sinabing hindi niya naintindihan—siguro’y  destinasyon at bilin na ilibre ang magandang pasahero. Ngiting aso ang tsuper habang patangu-tango sa panginoon. Inalalayan pa ng buteteng ulikba ang magandang diyosa sa pagsakay ng jeep. Umupo ang babae sa dulong upuan sa may likod ng tsuper. Tinanguang muli ng tsuper ang buteteng ulikba, tapos ay lumarga na.

Kaunti na lang ang pasahero. Maluwag nang muli ang munting jeep. Amoy na amoy sa buong sasakyan ang pabango ng bagong sakay. Mapang-akit ang amoy na tila iniimbitahan siyang lumapit dito. Pasimple siyang umusug-usog papalapit sa dalaga. Mas kita na niya ngayon ang kagandahan nito. Mapupungay ang mga mata at mahaba ang pilik mata, kanluranin ang hulma ng ilong at ang labi, siguradong ipapanalo ka sa kissing marathon kung s'ya ang makakapareha mo.

Bumaba na ang tatlong estudyante at isang ale paghinto ng jeep sa harap ng eskwelahan. Solo na nila ang jeep ngayon. Malapit na rin ang babaan niya pero mas lalo pa siyang umusog palapit sa babae hanggang sa magtama ang kanilang balat. Nagulat ang babae at napatingin sa kanya. Hinugot niya ang wallet sa bulsa at walang alinlangang hinugot ang papel na may mukha ni Ninoy. Iniabot niya sa babae ang pera, nginitian siya ng babae at malugod naman itong tinangap.

Naibigay na ang ticket sa gwardya. Hindi ito pinunit sa halip ay ibinulsa. Malaya niyang pinalakad sa maputing sahig ng hita nito ang makasalanang kamay. Diretso na sa entrance na tinabingan ng manipis na kurtinang palda.  Ngunit nang makarating sa paroroonan ay biglang napaatras ang kamay ng halimaw. Napamura't nangilabot sa natuklasan.

"Alangya! Tortang talong!"

Ang mga Obra ng Tamad na ManunulatWhere stories live. Discover now