Alpha Kapitulo

123 11 1
                                    

Patay na ang mga ilaw. Wala na ang ingay na galing sa bulungan ng mga manonood. Walang maririnig kundi patay na katahimikan. Dahan-dahang magbubukas ang telon ng entablado, kasabay ang biglang pagbukas ng spotlight. Magpapalakpakan ang mga manonood. Makikita sa gitna ang binatilyong gaganap bilang Celso habang tila nakaupo sa gilid nang mataas na tulay.

Sa malaking screen naman sa gilid ng entablado'y makikita nang malapitan ang kabadong si Celso, suot ang t-shirt na punit ang magkabilang manggas at magrasang maong. Namumutla ito habang nakatitig sa kaniyang mga paang kaliwa lang ang may tsinelas.

"Wakas . . . ito na siguro ang wakas," sambit niya sa mababang tinig. "Kahit lagi lang akong ekstra sa mga kwento'y pwede rin siguro akong magkaroon nang madramang wakas."

Tumayo siya. Sumigaw, "Paalam! Paalam, oh malupit na mundo!"

Akmang tatalon na siya nang biglang bumukas ang isa pang spotlight. Makikita ang isang binatilyong nakasuot ng polo shirt at slacks, kasing kintab ng kaniyang blackshoes ang itim niyang buhok, habang natatakpan naman ng nakasukbit niyang bolpen sa bulsa ng kaniyang polo shirt ang initial ng kaniyang pangalan, kaya ang mababasa lang ay ang kaniyang nakaburdang apelyido, 'Nulat'.

Matitigilan si Celso at mapapatingin sa estranghero. 
"Oh, Celso . . . oh, kaawaawang Celso," wika nito habang papalapit sa kan'ya. 
Mababakas ang pagkabigla sa mukha ni Celso, tila gustong itanong kung paano nitong nalaman ang kaniyang pangalan. Ngumiti lang ito sa kan'ya, inakbayan siya at iginiya para muling maupo.

"Nasaan ang kapares ng tsinelas mo? Nahulog? Kaya ba ibabato mo ang isa pa para tumulad sa dakilang si Pepe?" pag-uusisa nito.

"Hindi ang tsinelas ang ibabato ko, kundi ang sarili ko, para matapos na ang paghihirap ko sa mundong ito!" sagot naman ni Celso.

"Tatapusin?"

"Oo, tatapusin ko na. Sawang-sawa na ako," muling tugon niya, "Lagi na lang akong ekstra sa mga istorya; adik o tambay sa iskwater kung saan magmumula ang bida bago siya umasenso, o kasama sa mga nagwewelga sa EDSA, o 'di kaya'y kasama sa mga nasunugan, o usisero, o snatcher, o namamalimos, o nangangalakal, o 'di kaya'y napadaan lang," mahaba niyang litanya habang nakatitig pa rin sa mga paang kaliwa lang ang may tsinelas, "Lagi na lang akong ekstra. Ni minsan nga'y hindi pa nabanggit ang pangalan ko sa kwento!"

"Magpapakamatay ka? Eh, matagal ka na kayang patay!" Humalakhak ang estranghero na para bang isang nakakatawang bagay ang kan'yang tinuran.

Mapapabaling ang tingin sa kan'ya ni Celso. "Ibig mo bang sabihin ay isa akong ekstrang multo sa kwentong ito?"

"Hindi..." Pilit pinipigil ng estranghero ang pagtawa. "Kailan ka pa ba nabuhay? O kailan ba nagsimula ang buhay mo?" Makikita nitong parang nalilito sa tanong si Celso. "Noong isinilang ka?" tanong pa ng estranghero. Umiling-iling muna ito bago sinimulan ang mahabang litanya. "Marami sa mga tao ngayon ang nabubuhay pero mga patay. Marami rin ang namamatay nang hindi man lang nararanasang mabuhay. Parang tulad ng isang lobong sipon . . . may hininga ngunit walang buhay. Tulad mo."

Napako lang ang mga mata ni Celso sa estranghero. Mga matang hindi mawari kung nalilito, o naiiyak, o nag-aalinlangan.

"Bakit hindi kaya sa halip na magpakamatay ay simulan mo na lang mabuhay?" nakangiting sabi ng estranghero.

Muling tumingin si Celso sa kaniyang mga paa. "Kung patay man ang tingin mo sa akin ngayon, ang writer ang sisihin mo. Siya naman ang nagpangyaring maging ganito ako. At kahit gustuhin ko pang maging maayos ang karakter ko, siya pa rin ang madedisisyon kung magiging maganda ang ending ko. At bakit nga ba niya pagtutuunan ng pansin ang isang ektrang katulad ko?" Tumawa siya na para bang nanlilibak. Tawang hindi mawari kung para sa sarili, o para sa estranghero, o para sa writer. 
"Totoong ang writer ang lumilikha sa bawat karakter pero ang karakter pa rin ang lilikha sa sarili niyang kwento. Hindi mo siya dapat sisihin kung habang buhay ka na lang maging ekstra o kung pangit man ang maging ending mo." Sumeryoso ang mukha ng estranghero. "Sinubukan mo na ba? Sinubukan mo na bang sumalungat sa agos? 'Yung hindi parang starfish lang na tinatangay patungo sa dalampasigan? Sinubukan mo na bang maging tao, na may sariling isip para magdesisyon sa kaniyang magiging kapalaran? 'Yung hindi parang damo lang na ang tanging kapalaran ay kainin ng kabayo? Sinubukan mo na bang gumawa ng isang bagay na mabuti para sa'yo? 'Yung hindi dahil lang sa dikta ng pagkakataon, kundi dahil sa dikta ng kagustuhan mo? Sinubukan mo na bang mabuhay?"

Malalaglag ang isa pang tsinelas ni Celso ngunit mananatili lang siyang nakatitig sa mga paa niya.

"Mahalaga ang bawat karakter para sa writer, ekstra man 'yan, o bida, o kontrabida. Maniwala ka!" pagpapatuloy ng estranghero. Kinuha nito ang nakasukbit na bolpen sa bulsa ng kaniyang polo shirt at iniabot kay Celso kasama ang kapirasong papel. "Sa'yo na 'yan. Pwede kang tulungan ng writer pero tungkulin mo pa ring isulat ang sariling mong kwento." Tumayo ito mula sa pagkakaupo. "Bakit hindi mo simulan ngayon ang kwento? At sa pagkakataong ito, ikaw naman ang bida!" At naglakad na ito papalayo.

"Teka, ano nga palang pangalan mo?" pahabol na tanong ni Celso.

"Tawagin mo na lang akong Manu," tugon nito bago maglaho sa dilim.

Tumayo na rin si Celso na ngayo'y nasa masigla nang anyo. At bago muling marinig ang palakpakan ng mga manonood, at bago muling magsara ang telon ng entablado, isinulat ni Celso sa kapirasong papel ang dalawang makahulugang salita.
Unang Kabanata.

Kamu telah mencapai bab terakhir yang dipublikasikan.

⏰ Terakhir diperbarui: Nov 30, 2014 ⏰

Tambahkan cerita ini ke Perpustakaan untuk mendapatkan notifikasi saat ada bab baru!

Ang mga Obra ng Tamad na ManunulatTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang