Super Intoy

197 17 4
                                    

Patpating katawan, balat na pinaitim ng init ng araw, paang sinapinan ng kumapit nang mga libag dahil sa alikabok na nakuha sa palagiang pagyayapak, nanlalalim na mga mata, nangingitim na mga labing bunga ng palagiang paghithit ng sigarilyo. Magrasang damit na tinernuhan ng kumot bilang kapa at sinukbitan ng itak bilang espada. Handang-handa na si Intoy para sa misyong itinalaga n’ya sa kanyang sarili; puksain ang lahat ng zombies sa mundo!

Bakas pa ang luha sa kanyang mga mata dahil sa pangyayari kanina. Ang kanyang ama, ina, tatlong musmos na nakababatang kapatid at maging ang limang buwang sanggol, naging mga zombie silang lahat--takam sa laman ng tao. Salungat man sa kanyang kagustuhan, kinailangan n’ya mismong pugutan ng ulo ang mga ito gamit ang pinatalim na itak, para hindi na makahawa pa sa iba.

Puksain ang  lahat ng zombies sa mundo, ‘yan lang ang nasa isip n’ya. Lumakad s’ya baon ang pait na sinapit ng pamilya at ang masidhing pagnanais na magapi ang lahat ng mga naagnas na buhay na mga patay na uhaw sa laman ng buhay.

Habang malungkot na naglalakad, gumuhit ang mabangis na ekspresyon sa kanyang mukha nang makita ang mga naglalakad na zombies sa ‘di kalayuan. Islomo, naaagnas ang laman, luwa ang mga malalaking mata at naglalaway. Uhaw sa laman at dugo. Dali-dali n’yang nilapitan ang mga ito. Mabilis at todo-lakas na iwinasiwas ang pinatalim na itak. Kaya naman hindi na nakapalag pa ang mga halimaw. Ilang minuto lang at nagkalat na sa kalsada ang mga piraso ng naaagnas na katawan ng mga ito, putol na kamay, lamang loob at pugot na ulong gumulong sa kung saan.

Napalingon si Intoy sa kanyang likuran nang marinig ang maingay na wang wang ng pulis. Huminto sa harap n’ya ang mobil, bumaba mula rito ang dalawang nakakasindak na zombies na nakasuot ng uniporme ng pulis. Humugot ng baril ang isa sa mga ito at itinutok sa kanya.

"Walanghiya kang adik ka Intoy! Baliw! Kinatay mo mga tao dito!"

Kinalabit ang gatilyo. Humilagpos ang nababagang tingga. Bumulagta si Intoy sa kalsada. Basag ang bungo.

Ang mga Obra ng Tamad na ManunulatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon