Sirimiri

69 3 0
                                    


Sirimiri

Credits to Matt Saunders

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Credits to Matt Saunders. Downloaded from Pinterest.

Mahal kong Maharlika, 


Kalakip ng liham na 'to ay ang taos-puso kong kalungkutan habang pinagmamasdan ang bansang noo'y malawig at masagana. Masakit man aminin ngunit tila yata ika'y unti-unti na nilang pinahihimbing, sila na mga nanggaling sa alikabok at mga anak kung iyong ituring. Hindi ko lubos na makinita ang dahilan kung bakit sa pagdaan ng mga taon ay niyayanig nila ang iyong pag-asa, pag-asang natitira mong pundasyon na naniniwalang sila pa'y magigising at mapapalaya. 


Natatandaan ko pa noong ang mga paa ng mga dayuhan ay hindi pa namamantsahan ang ating bansa. Isang ginintuang panahon kung kailan masayang nakapamumuhay ang mga diwatang tagapagbantay at mga tao. Binabakuran ng mga mayayabong na mga puno at mga bulubundukin ang kalupaang mayaman sa ginto, pananim, at magigiting na mga tao. Samantala, payapang pinaliligiran ng asul at malinaw na katubigan ang mga mangingisdang dala-dala ang kanilang masasayang mga kanta sa pagpalaot. Hindi inda ang init at pagod noon sa bukiran, lalo na't batid ng mga magsasaka na ang tungkulin nila'y maglagay ng pagkain na sa taong-bayan ay ipapalamon. May mga alipin man at nakatataas sa ranggo, pamumuno'y bukas sa hinaing ng mga mamamayang may bukas na mga mata at bibig para ipaglaban ang karapatang dapat nilang matamo. Sa tuwing ilalapat mo naman ang iyong mga paa sa labas, hindi pumapalyang bumati ang malinis at malamig na simoy ng hangin. Kung minsan pa nga'y may ibinubulong ito buhat ng paglalakbay nito sa bawat sulok ng mundo. 


Payapa noong nakapamumuhay ng walang dahas at pagtatalo, sapagkat hindi man lubos ang kanilang kaalaman sa siyensya at mga araling mayroon ngayon sa modernong panahon, hindi makikitid ang kanilang mga utak para isantabi ang pakikinig sa suhestiyon at rason. May mga inihanda mang mandirigma noon, ang mahalaga'y ito'y para sa proteksyon ng buong nasyon at hindi para sa sariling mga ambisyon tulad ngayon. Sa kalagitnaan ng pagbabatuhan ng argumento, ni hindi na namamalayang napababayaan ka na, Maharlika nang ilang daang taon. Ilang minuto... ilang araw... ilang linggo... ilang taon pa ba ang iyong hihintayin upang sila'y tuluyan nang magising para um-aksyon? 


Nakapapagod na. Para bang lagi na lang umuulan sa labas ng aking bintana at ni hindi ko man lang nais bumaba at pumaroon sa kanilang kinalalagyan. Ang purong buhangin dati ay nangangamoy na ng dugo't ganid na intensyon ng mga dayuhang dumaong roon at dadaong pa sa susunod na henerasyon. Ang tila kristal na karagatan at ilog na siyang buhay ng mga isla ay walang awa nilang pinakain ng duming sila naman ang lumikha. Ang mga minang iyong taguan ng mga kayamanan ay kanilang sinimot nang sa ganoon ay magamit nila itong paraan upang tumapak ng katayuan ng ibang mga tao. 


Kay lupit ng kinahinatnatan ng iyon mga anak, Maharlika. Batid kong puso mo'y sawing-sawi na sapagkat palakas-pahina na lamang ang ulan sa labas at hindi na tumigil pa. 


Biniyayaan na sila ng lahat ng kanilang kailangan at naisugo na rin natin ang mga magigiting na bayaning namatay lang din sa kanilang mga palad. Dugo ng mga bayani ang nagbayad ng kalayaang kahit kailan nama'y 'di iniabot sa kanila. Imbes na matutong kunin nang kanilang sariling kamay ang kasarinlang nais nila, hinihingi pa nila ito sa iba. 


Tunay akong nalulungkot, aking kaibigan. Kailan kaya titila ang iyong mga luha? Kailan ko kaya muling makikita ang bahaghari pagtapos ng ulan? Kailan kaya muling sisikat ang tunay at maningning na araw sa Perlas ng Silanganan?



Ex Animo ("From the heart")Where stories live. Discover now