Part 9: Parang high school

5 1 0
                                    


Part 9: Parang high school 🍂

MAKI’S POV

“I hate this tie!” sigaw ni Danum na Daniel na ang ngalan. Suot-suot niya ang uniform sa eskwelahang pamumugaran namin. Puno siya ng dismaya dahil sa kulay nitong itim. Kulay puti ang undershirt namin at may itim kaming coats sa ibabaw nun. Kulay itim din ang slacks namin.

Marahas niyang hinagod ang buhok. “Pulos itim! Sure ba kayong hindi si Sid ang may-ari ng school na yun?” Kumunot ang noo niya.

Bakod sighed as he leaned backwards on his chair. Siya na ngayon si Bucky; ginaya niya ang pangalan ng isang karakter sa isang pelikula ng mga tao na puno ng mitolohiya at siyensya ang tema. “Bagay naman sayo. Isip bata ka naman,” tudyo niya, tinutukoy ang postura at ang pinabatang anyo ni Daniel. “Saka wag mong idamay si Sidapa sa kalokohan mo.”

Nanatili lang akong nakasandal sa may pader sa gilid, pinagmamasdan silang dalawa habang inaayos ang sarili kong tie. Kaparehas ni Daniel, pinabata ko din ang anyo ko ng kaunti upang maibagay ito sa edad ng mga makakasalamuha naming mga tao. Suot-suot ko din ang unipormeng kagaya ng kay Daniel, itim at pormal. 

“Speaking of Sid, hindi ba’t dadating siya dito ngayon?” tanong ni Daniel habang hirap na hirap na inaayos ang tie niya. Nang matapos ay huminga siya ng malalim. He gave off a sigh of relief. 

Tumango ako at naglakad papunta sa gawi ng bintana. Kulay dugo na ang langit at nakita ko ang ilang mga bituin. “Parating na siya.”

Umupo na si Daniel sa isa sa mga sofa. Nanatili sa kahoy na upuan si Bucky sa tabi ng isang bookshelf. Hindi ganoon kalaki ang kwarto. May dalawang sofa set sa gitna nito, dalawang bintana sa gawing kaliwa, mga bookshelf sa magkabilang dulo, at isang double door sa gawing kanan na kapag binuksan ay hallway ang bubungad. May dalawang painting ng mga rosas sa magkabilang gilid ng double door.

Tiningnan ko ang oras sa suot kong wristwatch sa kaliwang kamay. 6:00 pm.

Tahimik kaming naghintay sa aming mga pwesto. Patuloy lang akong nakatanaw sa palubog na araw at kung paano nito kinulayan ng pula ang kakahuyan. Isang itim na paru-paro ang biglang dumapo sa tabi ng kaliwa kong kamay na nakapatong sa may bintanang may disensyong ugat-ugat. Pinagmasdan ko ang nilalang at saka lumingon sa kabilang dulo ng kwarto, kung saan nakaharap si Bucky.

May ilang mga paru-parong naglitawan nang biglaan hanggang sa dumami sila. May isang paa na umapak palabas mula sa kumpulan ng mga paru-paro. Tuluyang nakalabas ang itim na nilalang mula dito at saka bumati gamit ang malalim nitong boses, “Magandang gabi.” Unti-unting lumipad palayo ang mga paru-parong nakakapit sa kaniya. Lumitaw ang isang matangkad na lalaki na may kalakihan ang katawan. Maamo ang mukha nito at kulay asul ang mga mata.

Tumikhim si Bucky, “Magandang gabi din sa iyo, kaibigan.”

Ngumiti ang bagong dating. “Kumusta naman kayo dito sa mundo ng mga tao?” Inilibot niya ang paningin sa paligid at kumunot ang noo. “Ang pook na ito ay nagsilbing saksi sa ilang daang kamatayan.”

“Matagal nang tapos ang giyera sa bansang ito,” masayang dugtong ni Daniel sa usapan. “Modern age na Sid.”

“Ganoon ba? Kaya pala naglalakihan at nagtataasan na ang mga tahanang ginagawa nila!” may pagkamanghang sabi niya.

Natawa kami at saka napailing si Daniel sa kaniya. “Lumabas ka din kasi minsan, pare.”

“Pare?” nagtatakang tanong ni Sidapa. Ang inosente nito pagdating sa bagong mundo ng mga mortal. 

 “Mula yun sa salitang kumpare. Tinatawag ng mga tao ngayon ang kabigan nila nang ganyan,” natatawang sagot ni Bucky.

“Ganoon ba? Napaka-interesante!” masaya at inosente niyang tugon.

The Girl Who Can See Spirits (Babaylan EP# 1) Where stories live. Discover now