CHAPTER TWO | PRETENDER

1.3K 22 1
                                    


Be careful who you pretend to be. You might forget who you are.

THE ROZOVSKY HEIRS 7 | DAMIEN ALFONSO

CHAPTER TWO | PRETENDER

Peyton

Nagkalat ang mga magazines kama ko. Nakabukas sa mga usong attire na nakikita ko sa mga artista at influencers. Tinapunan ko ng tingin ang mga patong-patong na damit na nabili ko sa ukay-ukay kahapon. Nakita ko sa magazine ang model na nakasuot ng isang brown plaid skirt at binagayan iyon ng black long sleeves crop top na mababa ang neckline. Pinagkukuha ko ang mga damit at hinanap ko doon ang isang skirt na nabili ko. Alam ko may nabili akong ganitong style ng palda at napangiti ako nang makita kong mayroon nga. Idinikit ko pa sa magazine at lalong lumapad ang ngiti ko. Hindi nga kapareho ng Burberry brand pero magkaparehong-magkapareho naman ng design.

Itinabi ko na iyon. Ang sunod ko naman na hinanap ay ang itim na crop top. Ganoong style kasi ang bagay sa skirt. Napangiti ako nang makita ko iyon at idinikit sa katawan ko. Hindi ako nakuntento at isinukat ko na. Hindi man longsleeves pero bagay na rin. Maganda ang fit sa katawan ko. Kita ang flat kong tiyan at ang hikaw sa pusod ko. Kinuha ko ang palda at isinuot ko din. Wow. Ang sosyal.

Nilapitan ko ang hilera ng mga sapatos ko na nasa gilid at hinanap ko ang high cut boots na sa ukay ko din nabili. Hindi naman aakalain na galing ukay ito. Marunong naman kasi akong mamili. Kahit sa ukay ako namimili, sinisigurado kong branded pa rin ang mga iyon. Isinuot ko iyon at lalo akong napangiti. Bagay na bagay. Konting accessories na lang ang idadagdag ko dito. Black belt. Tiningnan ko ang nasa magazine kung ano pa ang puwede kong idagdag na accessories. Hoop earrings ang bagay at itatali ko lang ang buhok ko para kita ang mukha ko.

Nang maitabi ko na ang mga isusuot ko ay iniligpit ko na ang mga magazines at mga damit na naroon. Itinago ko sa ilalim ng kama. Kapag nakita na naman ni Nanay 'to, siguradong lagot ako dahil sasabihin ginastos ko na naman ang allowance ko para lang makaporma.

Hindi kasi maintindihan ni Nanay na kailangan ko 'to. Kailangan kong makaporma at sumabay sa mga mayayaman kong kaklase para maging belong ako.

Napahinga ako ng malalim at tumingin sa paligid ng silid na tinutuluyan ko.

Plywood na dingding. Walang pintura o wallpaper. Bakal na double deck na may manipis na kutson at lundo na. Isang lumang electric fan. Sa gilid ay naroon ang isang maliit na foldable table at dalawang monoblock chairs. Doon ako nag-aaral. Nakapatong doon ang isang lumang laptop na ibinigay lang sa akin. Ako pa ang nagpagawa. Alam ko nga itatapon na talaga ito pero kailangan ko kaya ginastusan ko para magamit. Ang ceiling ay kalawangin na yero. Sa totoo lang napakainit dito.

Pero malapit na rin akong makabili ng bagong laptop. MacBook nga ang plano kong bilhin. Inuna ko kasi talagang bilhin ang latest model ng Iphone na talagang pinag-ipunan ko para naman makasabay ako sa mga kaklase ko at kabarkada. Binili ko 'yon ng hulugan kahit napakalaki ng patong. Kahit paano naman kasi ay may silbi ang pagpapanggap kong mayaman sa eskuwelahan na pinapasukan ko. Walang nakakaalam na ganito ang sitwasyon ko. Ang alam ng mga taga-doon ay anak-mayaman ako ng mga haciendero sa probinsiya at namumuhay mag-isa dito sa Maynila. Alam nila naka-condo ako. Kotse? Hindi ko naman problema dahil may kasabay naman akong umuwi at iba-iba pang kotse ang gamit.

Nagawa kong maging ganito ang reputasyon ko dahil na rin sa tulong ng magkapatid na Owen at Luke Conti. Ang magkapatid na iyon ay kilang-kilala sa university na pinapasukan namin. May sarili ngang grupo ang mga ito. Mga barkadang mayayayaman din. Ang mga magulang ni Owen at Luke ay ang kilalang Italian art collector na si Francesco at Andrea Conti. Sobrang sikat ng mag-asawang ito sa art world. Marami silang pagmamay-ari na mga art gallery at ang alam ko, kaya sila yumaman ay dahil sa marami silang ibinibentang rare paintings na hindi mabibili basta sa market. Black market yata ang tawag kung saan nila ibinibenta ang mga paintings. Minsan ay narinig kong kuwento ni Owen nang malasing siya sa isang party. Ipinagmamalaki niya na nakabenta daw ng one hundred million worth na painting si Mr. Conti.

ROZOVSKY HEIRS SERIES 7: DAMIEN ALFONSO (complete)Where stories live. Discover now