Akala ko'y suntok sa buwan ang ika'y kalimutan. Akala ko'y magiging mahirap pagkat ika'y malalim na nakaukit sa aking puso at isipan. Nang makawala sa taling nag-uugnay sa ating dalawa, hindi ko maitatanggi na kalayaan ay aking nadama. Masiyado akong natuwa pagkat nagagawa ko nang walang pagaalinlangan ang mga bagay na dati ay naiisip ko lamang.
Subalit sa paglipas ng mga araw, unti-unti kong hinahanap ang iyong presensiya. Sumisilip sa aking isipan ang mga alaala lalo na ang mga sandali kung saan ibinabahagi ko sa iyo ang mga kuwento tungkol sa buhay ko. Sa tuwing naiisip kita, may isang malaking puwang sa aking dibdib na tanging ikaw lamang ang makapupuno.
Sa likod ng aking isipan ay mas nanaisin ko pa rin ang mga sulat mula sa iyo na siyang nagpapatibok sa aking puso. Sa aking panaginip ay dinadalaw pa rin ako ng iyong imaheng habang buhay nang nakatatak sa isip ko.
Mahirap pala. Suntok sa buwan ang kalimutan ka, pagkat sa aking paglingon sa kahit saan, dumadapo sa akin ang mga alaalang nilalaman ka.
YOU ARE READING
Suntok sa Buwan
RandomBalang araw ay magiging katotohanan ang mga bagay na inakala nating suntok sa buwan. -- A compilation of prose and poetry from Usad, Manunulat's Weekly Writing Activity. Date Activity Posted: March 10, 2024